GOMA
VS. CESAR
Ni Tess Clarin
Tuwing
election ay malakas ang raket ng mga
celebrities. Tulad ng asukal sa langgam,
ang mga artista ay ginagamit ng mga
pulitiko sa kampanya upang humatak
ng mga tao para may siguradong audience
sila sa kanilang talumpati.
At dahil mukhang mabisa
ang nasabing formula, mismong mga
artista na ang sumabak sa pulitika
upang pakinabangan ang kanilang angking
kasikatan. Sa Philippine politics
ay pangkaraniwan ang pagsulpot ng
pangalan ng mga artista sa tiket ng
mga partido. Mula sa mababang posisyon
ng konsehal hanggang sa pinakamataas
na puwesto ng presidente ay hindi
mawawala ang mga artista.
Sa kasalukuyang kampanya
ay walang pagbabago sa trend. Mga
artista pa rin ang nagdadala sa mga
pulitiko. Si Sarah Geronimo ang endorser
ni Ed Angara, si Jennylyn Mercado
naman kay Manny Villar at marami pang
hindi mabilang na mga celebrities
na ginawang political endorser. Medyo
nakalalamang si Ralph Recto dahil
asawa niya si Vilma Santos. Ganun
din ang kalamangan ni Kiko Pangilinan
dahil maraming fans si Sharon Cuneta.
Ang popularidad ang
nagbigay ng lakas ng loob kay Richard
Gomez para tumakbong senador. Una
siyang kumatok sa kampo ng dating
pangulong Joseph Estrada. Ngunit hindi
lang si Erap ang gumagawa ng desisyon
sa Genuine Opposition kaya hindi rin
nakapagtataka nang pagsarhan ng pintuan
si Richard kahit naging 11 na lang
ang kandidato ng Genuine Opposition.
As a sign of desperation, nagparinig
si Goma sa Team Unity ngunit hindi
rin siya pinansin. Dahil siguro kasubuan
na, napilitang maging independent
candidate si Goma at balitang nagparada
siya ng 30 milyon ng sarili niyang
pera para gastusin sa kampanya.
May mga nalungkot at
may mga natuwa sa nangyari kay Richard
Gomez. Naunang natuwa ang mga pulitiko
ng Bulacan. Governor sa Bulacan ang
unang puntirya ni Goma at halata namang
nanginig ang mga magiging kalaban
niya. Ngunit dahil sa pagbabago ng
isip ni Goma ay masayang tumakbo bilang
Governor si Obet Pagdanganan laban
sa anak ni Josie Dela Cruz, ang kasalukuyang
Gobernador.
May konting pagkakaiba
ang guhit ng palad ni Cesar Montano.
Atubili siyang tumakbo sa pulitika
at ang huling salita niyang binitawan
ay hindi pa siya handang pumasok sa
national politics, specifically sa
senate. Pero obvious ang magandang
alok kay Cesar kaya biglang nagbago
ang kanyang isip upang palitan si
Jericho Petilla sa ticket ng Team
Unity. Kabi-kabila ang tsismis na
200 milyon ang ibinigay kay Cesar
para sumapi sa Team Unity.
Katulad ni Richard Gomez,
pagka-gobernador ng Bohol ang unang
target ni Cesar. Marami ang nagsasabi
na instrumental ang mga politicians
sa Bohol kung bakit pumayag si Cesar
na tumakbo sa senado. Mahirap nga
namang kalaban ang isang sikat na
artistang tulad ni Cesar kaya ngayon
ay maluwalhati na ang kalooban ng
mga kandidatong gobernador sa Bohol.
Sa pag-arangkada ng
kampanya ay kampante ang mga supporters
nina Richard Gomez at Cesar Montano.
Para sa mga insiders ng 2 artista
ay walang dudang mananalo ang kanilang
mga manok laban sa mga pulitiko. Ngunit
sa paglabas ng unang survey ng SWS
(Social Weather Station) ay nangungulelat
si Goma at Cesar sa puwestong ika-22.
Ang magic 12 na sinasabi ay pinangungunahan
ni Loren Legarda, Ping Lacson at Manny
Villar. Mabigat man ang resulta ng
nasabing survey ay nagpakita ng tibay
ng dibdib si Goma dahil walang narinig
sa kanya kundi “tuloy”
ang laban. Sa kabilang banda naman,
umamin si Cesar at ang asawang si
Sunshine Cruz na pinag-iisipan pa
nilang mabuti kung itutuloy o hindi
ang pagtakbo ni Cesar. Lumutang tuloy
ang usap-usapan na hindi naibigay
kay Cesar ang pabuyang 200 milyon.
Dahil malapit kay FPJ,
hindi kataka-takang tulungan ni Susan
Roces si Goma. Malaking bagay ang
suportang ibinigay ni Susan kay Goma,
gayun din ang suporta ni Susan kay
Chiz Escudero. Bukod dyan ay nagbigay
rin ng suporta si Mother Lily Monteverde
kay Goma at Chiz. Ang nasabing mga
suporta ay agad naramdaman sa susunod
na survey kung saan nasa ikatlong
puwesto na si Chiz (kasunod ni Loren
at Villar) at si Goma naman ay naka-akyat
sa ika-18 puwesto.
Kabaligtaran naman ang
nangyayari kay Cesar. Nanatili siya
sa traditional campaign style na pag-iikot
kasama ang iba pang kandidato ng Team
Unity. Ang isang disadvantage kay
Cesar ay ang pagiging dikit niya kay
Chavit Singson. Marami ang nagsasabi
na si Chavit ang humahatak kay Cesar
pababa sa rankings ng survey. Alam
ng lahat na si Chavit ang isang dahilan
ng pagkaka-kulong ni Presidente Erap
at sa lakas ng popularidad ni Erap
sa mga botante ngayon ay napipihong
mababa ang botong makukuha ni Chavit
Singson.
Sa pagpasok sa homestretch
ng campaign ay kanya-kanyang desperate
moves ang mga wala sa magic 12. Buhos
ang political ads sa TV at radyo ng
mga may perang gaya ni Manny Villar,
Ralph Recto, Kiko Pangilinan. Si Tito
Sotto naman, bukod sa kanyang political
ads, ay may konting kalamangan dahil
sa Eat Bulaga. Ang isang nakakatawang
political ad ay yung kay Tessie Oreta
kung saan humihingi siya ng paumanhin
sa mga tao dahil kumampi siya kay
Erap during the impeachment proceedings.
Kiss of death ang political ad niyang
yun at na-realize din siguro nila
kaya agad itong pinalitan.
Sa kabila ng endorsement
nina Susan Roces at Mother Lily ay
hindi pa rin maka-abot sa magic 12
si Richard Gomez. Ganun din si Cesar
Montano na kadikit sa ranking ni Chavit
Singson at ng kulelat na si Jamalul
Kiram. Ang nangunguna sa latest survey
ng Pulse Asia ay si (1) Loren Legarda,
kasunod sina (2) Chiz Escudero, (3)
Manny Villar, (4) Panfilo Lacson,
(5) Kiko Pangilinan, (6) Allan Peter
Cayetano, (7) Gringo Honasan, (8)
Noynoy Aquino, (9) Ralph Recto, (10)
Ed Angara, (11) Joker Arroyo at (12)
Migz Zubiri. Malaki pa raw ang pag-asa
nina Koko Pimentel at Tito Sotto.
Sa nasabing panghuling
survey ng Pulse Asia ay hindi pa rin
matanaw ang anino nina Richard Gomez
at Cesar Montano. And considering
that Tito Sotto is lagging behind
the magic 12 positions, malinaw na
palatandaan yan ng pagbabago sa kalakaran
ng ating election. Parang naging matalino
na yata ang mga botante at tila walang
epekto ang kasikatan ng mga artista
ngayon kung ang survey ang pagbabatayan.
Upang makatawag-pansin
ay sinita ni Richard Gomez ang E-VAT
law ni Ralph Recto. Alam ng mga handlers
ni Goma na maraming fans si Vilma
Santos pero calculated risk ang kanilang
plano. Siguradong lulutang ang pangalan
ni Goma dahil alam ng tao kung gaano
kalaki ang nakakaltas sa kanila ng
E-vat. At bilang tulong na rin sa
kapuwa niyang artistang si Cesar Montano,
nagsalita rin si Goma na dapat ayusin
ni Cesar ang kanyang pamilya dahil
hindi niya nabibigyan ng sustento
ang anak niya kay Teresa Loyzaga.
Ang pagsasagutan ni Goma at Cesar
ay kinagat ng showbiz media pero sa
kasamaang palad ay hindi kumagat ang
mga respectable columnists. Sa pangyayari
ay nagkaroon tuloy ng hidwaan si Cesar
at Richard pero wala itong naitulong
sa kanilang kampanya.
Pagkatapos ng bilangan,
malalaman kung ano ang magiging kapalaran
ng ating mga artistang kandidato.
Sa ngayon ay tanging si Tito Sotto
lamang ang may pag-asang manalo pero
hindi pa rin tayo nakakasiguro sa
mga mangyayari. Maaaring mag-iba ang
isip ng mga tao lalo na sa mga huling
araw bago magbotohan.
Hindi imposibleng mangyari
na manalo ang 3 artista gaya nung
2004 elections kung saan nagwagi sina
Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Lito
Lapid. Ngunit sa loob ng 3 taon ay
maraming revelations at pagmumulat
sa isipan ng mga botante. Lalo na
ang pag-amin ni Lito Lapid na hindi
niya kaya ang trabaho sa Senado dahil
puro English ang salitaan. Malaki
ang ipinag-iba ng 2004 sa 2007. At
sa dating 3-0 na pinagwagian ng 3
showbiz senators ay maaring maging
0-3 ngayon kung saan matatalo ang
3 showbiz senatorial candidates.
Manalo man o matalo,
ang tanging hiling ng publiko ay wala
sanang mangyaring dayaan. Hello, Garci?
Para sa mga reaksyon,
maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.