HEADLINE ARTICLES
Publication Date: 02-28-2007
 
   
 
 
 
 

ERAP SA PULITIKA
Ni Tess Clarin


Mula sa rurok ng tagumpay sa movies ay tumalon si Joseph Estrada patungo sa isa ring successful career sa pulitika. Naunang lapitan ng mga pulitiko si Fernando Poe, Jr. ngunit hindi interesado si Da King na maging mayor ng Quezon City. Nang si Joseph Estrada ang itulak para lumaban sa pagka-mayor ng San Juan ay walang hesitation kay Erap dahil iyun ay isang challenge para sa kanya at isa ring paraan para matulungan ang kanyang bayan.

Dahil sa kasikatan ni Joseph Estrada ay nabuhay ang pulitika sa San Juan. Mataas ang turnout ng voters at naging mainitan ang kampanya hindi gaya nung araw na very meek ang labanan nina Mayor Ibuna at Totoy Tolentino. Walang nag-akala na matatalo ni Braulio “Boyong” Sto. Domingo si Geron Busabos, ang bayani ng mga taga-palengke. Ngunit ganun nga ang naging resulta matapos bilangin ang mga boto sa 1967 elections. Si Boyong Sto. Domingo ang hinirang na mayor ng municipality ng San Juan. Tulad sa kanyang mga movie roles, hindi agad sumuko si Erap. At dahil ang bida ay natural na nagpapabugbog sa simula, taong 1969 nang mapatunayang si Erap nga ang nagwagi at huli man daw at magaling ay hinirang siyang mayor ng San Juan.


Erap in his younger years (library.thinquest.org)

Sa kanyang re-election sa panahon ng Martial Law ay parang naging tanglaw si Erap ng mga tao laban kay Pangulong Marcos dahil neutral ang stand niya. Isang fighting mayor ang naging image ni Erap dahil pinipilit niyang maging maayos at kapaki-pakinabang sa lahat ang kanyang mga desisyon. During the 1973 campaign, sa mismong harap ng munisipyo, ay inilahad ni Erap ang kanyang pananaw sa jueteng. Dahil hindi raw kayang ipahinto ng basta-basta ang jueteng kaya minarapat niyang gamitin ito sa kapa-kinabangan. Ang mga regalo o tong mula sa jueteng lords ay inilagay ni Mayor Joseph Estrada sa pondo para sa pag-aaral ng mga anak ng pulis. Masasabing isang noble idea yun ngunit kung tutuusin ay yun ang pinag-ugatan ng malaking problema ni Erap sa pulitika.

Landslide ang panalo ni Erap sa 1973 local elections laban kay Atty. Ernesto Estrella. Natatawa ang mga tao nang magsalita si Atty. Estrella sa kanyang post election speech. Natutuwa raw siya sa 5,000 votes na nakuha niya. Sa totoo lang ay binayaran daw siya ng kampo ni Erap ng 50,000 para lumaban. At tumulong pa raw ang partido ni Erap sa kampanya ni Estrella para huwag siyang ma-zero sa bilangan.

Sa pananahimik ng pulitika during the Martial Law years ay naging puspusan ang paggawa ni Erap ng mga makabuluhang pelikula na walang puknat sa paghamig sa takilya. Hindi tuloy napansin ng tao na “Erap is already gravitating towards the camp of Marcos,” ayon sa isang columnist ng dyaryo. May mga nalungkot at meron ding mga natuwa nang hayagang maging political ally ni Marcos si Erap. Hindi naman nag-iisa si Erap dahil ganun din ang ginawa ni Eddie Ilarde, isang radio announcer na naging Senador sa ilalim ng LP (Liberal Party) na katunggali ni Marcos. Ngunit ang tactical move na yun ni Eddie Ilarde ang nagpabagsak sa kanya. Sa muling pagtakbo ni Ilarde para sa mayor ng Makati ay itinumba siya ni Nemesio Yabut. Ang huling pagsubok ni Ilarde sa pulitika ay ang pagkandidato sa senatorial slate ni Eddie Gil.

Sa kabila ng pagdanak ng protesta at sa pagdagundong ng mga hiyawan sa EDSA noong February 22, 1986 ay nanatili ang suporta ni Erap kay Marcos. Upang iligtas ang mahal niyang pangulo ay humakot ng mga tao si Erap at dinala sa Malacañang. Gusto nilang ipakita sa TV (PTV-4) ang sarili nilang People Power. Ngunit humagupit ang lupit ng kapalaran. Sa pagtalilis ni Marcos patungong Hawaii ay naiwan sa Malacañang ang mga taong hinakot ni Erap. Ang mga taong iyun ang inabutan ng People Power at kitang-kita sa TV kung paano sila nakatikim ng pananakit ng mga taong nagsipag-alsa.

Sa pag-upo ni Cory Aquino bilang pangulo ng Pilipinas ay muling natahimik ang pulitika sa bayan. Taong 1987 nang magdaos ng election para muling itayo ang senado. Dahil sa init ng damdamin ay halos walang gustong lumaban sa partidong ng administrasyon ni Cory liban kay Vicente “Teng” Puyat, isang businessman na anak ni Gil Puyat, isang dating senate president. Binigyang buhay ni Teng Puyat ang GAD (Grand Alliance for Democracy) at hinimok niyang mapasama sa senatorial slate nila si Joseph Estrada. Atubili si Joseph dahil isa lang siyang dating mayor ng maliit na municipality. Pero kinumbinsi siya ni Teng Puyat at binigyan ng guarantee na hindi siya gagastos. Out of 24 winning senators ay lumabas na pang-16 si Joseph Estrada. Tanging si Joseph lang at si Juan Ponce Enrile ang nakalusot sa butas ng karayom.

Masasakit na pagkutya ang inabot ni Senator Joseph Estrada dahil sa kanyang carabao English. Ngunit imbes na mainis ay pinanindigan niya ang pamali-maling English na lalong nagpasikat sa kanya. Isinilang ang salitang eraptions, mga nakakatawang English na hindi man totoong sinabi ni Senator Estrada ay nanikit na sa kanyang pagkatao. Sa tulong ni Reli German, ang PR man ni Estrada, naglabas pa ng isang best-selling book titled Eraptions.


Erap at Pentagon (answers.com)

Kaakbay si Nikki Coseteng ay itinulak ni Senator Joseph Estrada ang pagpapatalsik sa mga US Bases. Naging mabango ang artistang senador sa mga aktibista. Bukod kay Nikki ay maraming senador ang naging kaibigan at kaalyado ni Joseph Estrada kaya inaasahan na ang pagtakbo niya bilang presidente sa 1992 elections. Ngunit sa pagpasok ni Eduardo Cojuangco, Jr. upang makisali sa paggigirian ni Fidel Ramos at ni Miriam Santiago ay nagpaubaya si Joseph. Vice president ang tinakbuhan niyang puwesto sa ilalim ni Eduardo Cojuangco, Jr. ng NPC (Nationalist People’s Coalition). Dahil sa 180-degree turnaround ay hindi naiwasan ang pala-palagay na binayaran siya ni Cojuangco para ilaan ang puwesto. Sa presidential race ng 1992 ay nagwagi sa bilangan si Fidel Ramos, pangalawa si Cojuangco at pangatlo lamang si Miriam. Sa vice presidential derby naman ay nanalong vice president si Joseph Estrada na malaki ang agwat sa mga kalaban. Upang ipakita ang unity at reconciliation ay binigyan ng special cabinet position ni President Ramos si Vice President Joseph Estrada kahit sabihing kontra-partido sila. Itinayo nila ang PACC (Presidential Anti-Crime Commission) sa ilalim ng pamumuno ng vice president. Ang PACC ang nagpalutang sa pangalan ni Panfilo Lacson, isang police colonel na bagong promote na general. Dahil sa tagumpay ng PACC laban sa kriminalidad ay naging dikit si Erap sa mga Chinese businessmen na paboritong target ng mga kidnappers. Ang paglutas sa mga krimen ay nakatulong ng malaki upang makuha ni Erap ang tiwala ng masa at ng business sector. Bilang paghahanda sa election ay itinayo ni Erap ang PMP (Partido ng Masang Pilipino).

Sa presidential elections ng 1998 ay nanguna sa lahat ng surveys si Vice President Joseph Estrada. Si Edong Angara, ang napili niyang ka-tiket bilang vice president, ay nakabuntot naman kay Gloria Macapagal-Arroyo, ang vice president ni Jose De Venecia ng Lakas-CMD na partido rin ng incumbent president na si Fidel V. Ramos. Gaya ng inaasahan ay tumulong sa kampanya ni Joseph ang mga artista sa pangunguna ni Fernando Poe, Jr. kaya lahat ng kanilang meeting ay dinudumog ng mga tao. Sa pag-iral ng dirty tactics ay biglang sumulpot si Nora Aunor sa kampo ni De Venecia. Marami tuloy ang nagsasabi na franchise ng isang Jollibee outlet ang ibinigay na bayad kay Ate Guy para sirain ang momentum ng kampanya ni Erap. Hindi man hayagan ay buo pa rin ang suporta ng Chinese community kay Erap kaya wala silang naging problema sa campaign funds.

Erap as president (iar.ubc.ca)

Hindi nga nagkamali ang surveys. Pinatunayan ng bilangan na si Erap ang dapat maging presidente ayon sa kagustuhan ng mga botante. Malayong second place si Jose De Venecia kasunod si Raul Roco at si Alfredo Lim. Bilang pang-13 pangulo ng Pilipinas, Joseph Ejercito Estrada ang ginamit niyang official name upang mabigyang pansin ang kanyang tunay na apelyidong ipinagkait ng mga magulang niya sa movie industry.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.


 

 

 

Data Code: 022807 | Volume 209. Article 4
 
 
 
 
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved