HEADLINE ARTICLES
Publication Date: 02-21-2007
 
   
 
 
 
 

ERAP: ANG ORIG NA MR. SUAVE
Ni Tess Clarin

Artista, producer and later on politician. Maraming papel ang ginampanan ni Jose Marcelo Ejercito, popularly known in the movies as Joseph Estrada. Napakahaba ang landas na tinahak niya at bawat matuntungan ay pawang tagumpay ang napitas niya. But very applicable kay Joseph Estrada ang kasabihan na ang buhay ay parang gulong, minsang nasa itaas at minsang nasa ibaba.

Mula sa pagiging college dropout ng Mapua Institute of Technology ay pinasok ni Joseph Estrada ang daigdig ng pelikula. Kandelerong Pilak ang una niyang movie noong taong 1954 na pinagbidahan ni Lilia Dizon, ang naging asawa ni Gil De Leon at nanay ni Christopher De Leon. Hindi agad siya napansin ng publiko pero sapat na yun para magkaroon ng lakas ng loob si Joseph na ituloy ang career sa movies. Noong taong 1957 ay lumutang ang kakaibang character niya sa pelikulang Sampung Libong Pisong Pag-ibig na pinangunahan ni Charito Solis, Eddie Rodriguez, Oscar Keese at Luisa Montessa. Napansin nga siya ng mga moviegoers kaya lang ay Jose Ejercito ang ginamit niyang screen name.

Ayon sa kuwento ng ilang nakakaalam, nagalit daw ang magulang ni Joseph sa paggamit niya ng Ejercito sa movies. Being a prominent family, gusto nilang manatiling disente at respetado ang kanilang apelyido. Noong mga panahong iyun ay tila black sheep ang turing kay Joseph ng kanyang pamilya. Ironically, Estrada ang napili niyang screen name na ang ibig sabihin ay kalye o road. Naging masuwerte naman ang pangalang Joseph Estrada dahil yun ang nagbadya ng sunod-sunod na tagumpay ng nasabing black sheep.

Si Joseph Estrada ang matatawag na original na Mr. Suave. Sa local movies ay laan lang sa mga kontrabida ang bigote gaya ni Eddie Garcia, Rod Navarro at Paquito Diaz pero sinuway ni Joseph ang trend. Siya ang nagpauso sa bidang may bigote na sinundan naman ni Jess Lapid at Jun Aristorenas.

Taong 1958 nang pumutok sa takilya ang Lo Waist Gang. Ito ang kuwento ng mga kabataang magkakabarkada na nagpakitang ubra namang silang maging mabubuting tao. Kasama ni Joseph Estrada sa billing sina Fernando Poe, Jr., Zaldy Zschornack, Herminio Bautista, Bobby Gonzales, Berting Labra, Boy Sta. Romana. Ang Lo Waist Gang ang unang directorial job ni Pablo Santiago.


With FPJ’s photo at the background, Erap poses with his true friends

Kasabayan ng pagsikat ni FPJ ay nagsunod-sunod na ang movies ni Joseph Estrada. Naging best friend niya si FPJ at ilan pang kasama sa Lo Waist Gang. Si FPJ mismo ang nagbansag sa kanya ng pet name na Erap. May mga kuwentong nagsasabi na ang barkadahan nina Erap ang sumupil sa tinaguriang Big Four, isang grupo na nambibiktima ng mga artista sa pamamagitan ng black mail.

Bilang pagbibigay-pugay sa lugar ng kanyang kapanganakan, ginawa ni Erap ang Asiong Salonga noong 1961 at ang Tondo Boy nang sumunod na taon. Ang nasabing movie ang nagpatunog sa pangalan ng mga siga sa Tondo gaya ni Asiong, Ben Ulo at Adiong Sikat.

Ang rurok ng tagumpay ay narating ni Erap noong taong 1962 sa pamamagitan ng Markang Rehas. Ito ang napiling Best Picture ng FAMAS. Ang FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences) ang tanging award-giving body noong panahong iyun. Ang Markang Rehas ang unang pelikulang nakapanalo ng kapuwa Best Actor (para kay Joseph Estrada) at Best Actress (para kay Perla Bautista). Sa tingin ng mga tao ay perfect pair si Joseph at si Perla. Maugong ang balita noon na si Perla Bautista ang unang babaeng gustong pakasalan ni Joseph Estrada kaya lang ay tinanggihan si Perla ng ina ni Joseph dahil ayaw ni Doña Mary na maging manugang ang isang artista. Sapantaha tuloy ng ilan na yun ang dahilan kung bakit naging pilyo sa babae si Erap.

Taong 1964 nang magwagi bilang Best Picture ng FAMAS ang Geron Busabos, kuwento ng mga taong palengke na sinasabing sa San Juan Market ang setting. Si Erap din ang hinirang na Best Actor at si Boy Alvarez ang nagwaging Best Child Actor. Ang leading lady ni Erap ay si Imelda Ilanan na nominated naman sa Best Actress category. Si Arsenio Doña ang nakasungkit ng trophy for Best Cinematography. Ang Best Screenplay at Best Story award ay napunta kay Augusto Buenaventura. Iyun ang simula ng successful partnership ni Erap bilang artista at Buenaventura bilang director.

Makalipas ang dalawang taon ay muling umani ng tropeo sa FAMAS si Erap. Tinanghal na Best Picture ang Ito Ang Pilipino. Bukod sa pagiging Best Actor ni Erap ay napili ring Best Supporting Actor si Eddie Garcia at Best Cinematograper naman si Felipe Sacdalan. Si Barbara Perez ang leading lady ni Erap sa Ito Ang Pilipino.

In the footsteps of Lo Waist Gang ay ginawa ni Erap ang Cuadro De Jack. Kasama niya rito ang kapuwa action stars na sina Jun Aristorenas, Jess Lapid at Jing Abalos. Ang leading ladies nila ay sina Imelda Ilanan at Sofia Moran. May nagsasabing si Imelda Ilanan ang paboritong leading lady ni Erap dahil suwerte raw si Imelda sa mga movies na ginawa ni Erap.


Joseph Estrada and Susan Roces at his Tanay residence

Bilang unang hall of famer ng FAMAS sa Best Actor category, pabirong pinatutsadahan ni Erap ang best friend niyang si Fernando Poe, Jr. ng “Una-una lang yan.” Sumagot naman si FPJ nang “Pinagbigyan lang kita, Erap.” Ang 5 movies na nagbigay ng Best Actor award kay Erap ay ang Markang Rehas (1962), Geron Busabos (1964), Ito Ang Pilipino (1966), Patria Adorada (1969) at Kumander Alibasbas (1981).

Bukod sa pagiging magaling na artista ay magaling na producer din si Joseph Estrada. Bilang pagbibigay galang sa mga magulang ay itinayo ni Erap ang EMAR Pictures na halaw sa pangalan ng kanyang mga magulang na si Emilio at Maria. Naging FAMAS hall of famer ang kanyang Emar Pictures sa mga pelikulang: Geron Busabos (1964), Ito Ang Pilipino (1966), Kill The Pushers (1972), Bakya Mo, Neneng (1977) at Kumander Alibasbas (1981).

Taong 1973 nang gawin niya ang Erap Is My Guy together with Nora Aunor. Kapuwa nasa kanilang kasikatan kaya hindi mabilang ang kinita ng movie nila. Nang matapos ang pelikula ay lumabas ang balitang na-in love si Nora Aunor kay Erap. At may balita rin na pinatulan daw ni Erap si Nora Aunor.

Ang Sa Kuko Ng Agila noong 1989 ang last movie ni Erap bago siya tuluyang inagaw ng pulitika. Leading lady niya si Nikki Coseteng at kasama rin ang panganay niyang anak na si Jinggoy Estrada at ang kumpare niyang si Paquito Diaz. Kapuwa senador si Erap at si Nikki noong ipalabas ang movie nilang Sa Kuko Ng Agila. Noong panahong yun ay tinatanggihan ng senado ang mga American bases at ang movie ay patungkol sa tunay na kalayaan ng Pilipinas.

Very successful ang movie career ni Joseph Estrada, ang original na Mr. Suave ng local movies. Bukod sa mga awards at kinita sa takilya ng kanyang mga movies ay hindi maikakaila ang adoration na ibinigay sa kanya ng publiko. Totoong nakapanghihinayang nang tuluyan niyang talikuran ang movies kapalit ng kanyang career sa pulitika.

* photos courtesy of Boots Plata

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.

 

 

 

Data Code: 022107 | Volume 208. Article 3
 
 
 
 
 
     
 
 
     
Copyright © 2004 by Film Academy of the Philippines (FAP). All Rights Reserved