MGA OFW SA WOWOWEE
Ni Pablo R. Libiran
Screenwriters’ Guild of the Philippines
Noong miyerkules (Agosto
2, 2006). nagtaka ang sumulat ng artikulong
ito kung bakit napakaraming bus na may
nakalagay na karatulang OWWA na nakaparada
sa Panay Avenue at Bohol Avenue sa Quezon
City, malapit sa building ng ABS-CBN Channel
2.
Ang dahilan pala noon ay naging panauhin
sa programang Wowowee ang
mga bagong dating nating OFW na pawang
nanggaling sa Lebanon.
Sila’y mga balikbayan
na noon pa mang nasa Lebanon ay pinapangarap
nang makasali sa popular na show na Wowowee
na napapanood nila via TFC (Television
Filipino Channel) Kaya naman nang makauwi
sila rito sa ating bansa ay iyon agad
ang hiniling nila sa mga opisyal ng OWWA.
Na makapanood at makalahok sa naturang
programa.
Kasabay noon , ipinakita
rin ng mga cameraman ng ABS-CBN ang mga
kababayan nating naiwan sa Our Lady of
Miraculous Church sa Beirut. Ang mga ito’y
pawang nag-iiyakan at nakikiusap na sila’y
tulungan upang makabalik sa ating inang
bayan. Ang ibang nakapanayam ay nag-sabi
ang naging hirap na tinitiis nila sa pagkakaroon
ng mga among hindi umuunawa sa kanilang
kalagayan. Kahit binobomba na ang kanilang
kinaroroonan ay ayaw silang payagang lumikas
at makauwi rito sa ating bansa. Ang iba
ay pinagbibintangan na sila ay magnanakaw.
Kaugnayan nito, dalawang
Pilipinang domestic helper ang naiulat
na namatay nang magtangka ang mga itong
tumakas sa kanilang pinagtratrabahuhan.
Ayon na rin sa ulat na natanggap, nagpapaalam
ang mga ito para makabalik na sa Pilipinas,
subalit hindi pinayagan ng kani-kanilang
amo. Kung kaya nang makakita sila ng pagkakataon
ay lumundag sila sa terrace ng mga gusaling
kanilang kinaroroonan.
Dahil sa balitang iyon,
nag-iyakan ang lahat ng mga mga nakarinig
at nakapanood ng balita. Maging ang mga
OFW at mga balikbayan na nanggaling sa
iba’t-ibang bansa ay nagsi-iyakan,
awang-awa sa mga sinapit ng mga kapwa
natin Pilipino sa Lebanon. Ang totoo marami
sa kababayan natin ang ayaw umuwi sa mga
probinsyang kanilang pinanggalingan dahil
sa karamihan rito ay walang perang panguwi.
May mga kababayan pa rin
tayo na kung kaya gusto pumunta sa Wowowee
ay nagbabakasakali sa Willie of
Fortune o dili kaya’y sa
Kwarta o Bayong na mga
palarong ginagawa sa naturang programa.
“Ibig ko pong magkapera
at kung manalo ako ay gusto ko namang
makapag-uwi ng kahit anong paalubong sa
aking pamilya” ang pahayag ng isang
nakapanayam na nagbabakasakaling makasali
sa palaro ng Wowowee.
”Kung manalo po ako
ng malaking halaga, kalahati noon ay ibibigay
ko sa kababayang naiwan sa Lebanon”
ito naman ang sinabi ng isang OFW na kasamang
dinala sa OWWA.
Ang iba, kahit hindi gaanong
marunong sumayaw at kumanta ay pinipilit
niyang makapagbigay saya. Kaya naman ito
ng kani-kanilang talino at binigyan sila
ni Willie ng tig P1,000 o $50 na mula
sa TFC subscriber. Kaya namang tuwang
tuwa ang mga naturang OFW kahit hindi
siya manalo sa pinahuhulaang pamagat ng
musika.
Dahil na rin sa mga narinig
ng ibat-ibang malungkot na karanasan ng
mga OFW sa bansang kanilang pinanggalingan
awang awa naman ang mga miyembro ng TFC.
Kaya naman,kahit hindi sila hingan ni
Willie ng pera ay kusang loob silan nagbigay.
Sa kabilang dako, maging
ang OWWA Administrator na si G. Marianito
Roque ay nagpasalamat sa pamunuan ng ABS-CBN
na pinaunlakan nila ang kahilingan ng
ating mga bagong dating na kababayan na
ang mga ito ay makasali sa at makapanood
ng popular noontime show.
Sinabi niya na kung iyon
ang makakapagbigay sigla at tuwa sa ating
mga kababayang balikbayan ay gagawin nila
ang kanilang magagawa upang makapagbigay
ng kasiyahan. Ipinahayag din ng administrator
Roque na may mga binabalak na silang mga
plano kung paano mabibigyan ng hanap-buhay
o pagkakakitaan ang mga napa-uwing mga
kababayan.
Sa ngayon ay sinisikap pa
nilang makumbinsi ang mga nalalabi pa
nating kababayan sa Lebanon na lisanin
na at umuwi na ng Pilipins bago mahuli
ang lahat. Subalit ipinahayag rin nila
na hindi magiging madali ang paglikas
ng mga ito sa Lebanon dahil halos walang
madaanan. Binomba na ng mga taga-Israel
ang mga tul;ay na kanilang dadaanan, kaya
malaking hirap ang kinakaharap ng ating
embahada para maisagawa ang pagpapalikas.
Maging ang Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo ay labis na nalungkot
sa pagkamatay ng dalawang OFW sa Lebanon
na gusto na makauwi sa ating bansa. Kaugnay
nito nagpalabas na rin siya ng kukulang
pondo para sa mass evacuation ng mga natititra
pang Pilipino sa Lebanon. Sana raw ay
hindi na maulit ang nangyari sa dalawng
Pilipina na naghahangad na makabalik sa
ating tinubuang lupa.
Nakikipag-ugnayan rin ang
ating mga diplomatic representative sa
mga magiging possible exit na pagdadaanan
ng nalalabi pang OFW. Binabalak na rin
nilang gumamit ng barko para masakyan
ng mga Pilipino pabalik dito sa ating
bansa.