Aug 22
HINDI NA KONTRA…BIDA NA SI KATRINA HALILI! by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Aug 22, 2008

KUNG sa television series na Marimar, si Richard Gomez ay naging asawa ni Katrina Halili, sa pinakabagong drama series, si Richard din ang magiging love interest ng aktres na ito . Ito’y magaganap sa series na Obra na mapapanood sa Channel 7.

Kung matatandaan pa ninyo, noon ay sinabi namin na si Katrina and lalabas na pinakamagaling na kontrabida. Pero hindi na mangyayari iyon. Dahil sunud-sunod na ang television series na ginagampanan ni Katrina . Dito siya ang gumaganap na bida at iyon ay nagaganap ngayon sa bakuran ng kanyang mother studio ang Channel 7.

Siya ang leading role sa series na Magdusa Ka na sinulat ng pangulo ng Screenwriters’ Guild of the Philippines na si Pablo S. Gomez. Bagama’t naisapelikula na ang kasaysayang ito, muling minarapat ng Channel a7 na mabili ang television rights nito sa Viva Films at gawing television series.

Maganda ang role ni Katrina rito sa Magdusa Ka, isang babaing mayabang o mapagmataas na nang bandang huli ay naging malungkot and kanyang buhay. Nagdusa siya at pinagsisihan ang kanyang mga naging kamalian. Katambal niya rito si Dennis Trillo. Bagama’t matatapos na ang series na ito, sinasabi nilang masyadong markado ang pagganap dito ni Katrina.

Kung tutuusin, naging napakabilis ng pag-imbulog ni Katrina sa kasikatan. Siya’y isa sa mga naging produkto ng Starstruck generation na inilunsad noon ng Channel 7. Doo’y nakasabay niya si Jennilyn Mercado na umimbulog din noon ang kasikatan at napakarami ring nagawang TV series at pelikula. Pero nang umibig at nagmahal ito kay Patrick Garcia, pansamantala ay lumamlam ang career nito at naging laman pa siya ng mga intriga at kontrobersiya.

Sa kabilang dako, si Katrina naman ay hindi na-link o nababalita sa ganito at ganoong leading actor o artista. Medyo concentrate daw muna siya sa kanyang career at gusto rin niyang makakuha ng award sa mga ginagampanan niyang role. Kaya naman panay ang pag-aaral niya ng mga bagay-bagay na tungkol sa pag-arte.

Bukod sa pag-arte, si Katrina rin ang itinuturing na isa sa pinaka-sexy na artista sa daigdig ng showbusiness. Sa magkasunod na taon siya ang hinirang na pinaka-seksing artista ng FHM magazine. Naagaw lang sa kanya ang krona ngayong taon ni Marianne ‘Marimar’ Rivera.

Tunay na maganda at talagang nakaka-intriga ang patalbugan ng dalawang artistang ito. Hindi lang sa pahusayan ng pag-arte sila nagpapaligsahan . Pati nga sa paseksihan, sila’y nagpapa-star-an. Maging sa pagkuha raw kaya ng award ay maging mahigpit na magkaribal ang dalawang ito? Ito ang sabi ng mga kakilala at kolumnista sa kanila.

“Pero ayon kay Katrina, hindi sila mag-kaaway at matalik pa nga silang magkaibigan ni Marianne. Kung bagama’t ilang beses na raw niya itong pinagtangkaang patayin sa Marimar, iyon daw ay role na dapat nilang gampanan sa naturang television series . Hindi raw sila nagpapaligsahan , “ ang sabi pa niya.

“Kung sino po ang unang magkakamit ng award sa amin ay dapat naming batiin at ikasiya ng aming damdamin dahil hindi napunta sa iba ang award na makakamit o ipagkakaloob sa amin ng mga manunuri sa pelikulang Pilipino at telebisyon. Mabuti po kung sa mga taga-Channel 7 mapupunta ang award o parangal na iyon.”

Bukod sa mga nabanggit na television series, si Katrina rin ang magiging leading lady sa pelikulang Sundo na kasalukuyan nang isinu-shoot. Kabi-kabila pa ang mga movie project na inaalok kay Katrina kaya naman tuwang-tuwa siya.

“Maraming salamat po sa Channel 7 at sa mga taong lubos na nagtitiwala sa aking kakayahan bilang isang artista. Gagawin ko naman pong lahat ang makakaya ko upang ma-justify ko na tama ang pagpili nila sa akin sa role na ipinagkaloob nila. Natutuwa rin po ako at nabago na ang image ko bilang artista. Mukhang naiwanan ko na ang role ko bilang kontrabida. At iyon po ay dahil sa inyo. Maraming maraming salamat po ,“ ang pagwawakas na pahayag ni Katrina Halili.

Abala rin si Katrina sa mga TV commercial at print advertisements.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/