Jan 10
MMFFP 2006 – POST MORTEM by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jan 10, 2007

Ni Tess Clarin

First the good news. Kahit wala pang official figures ang theater bookers ay sigurado nang malalagpasan ng 2006 Metro Manila Film Festival ang gross sales ng nakaraang taon na P350 million. Mathematically speaking, more than 340 milyon na ang kinita ng 9 movies with still three days left sa festival period. Malaking dahilan ito para magdiwang ang pamunuan ng 2006 MMFFP dahil amid the controversies ay na-achieve pa rin ang main objective na kumita ang festival para sa kapakanan ng mga beneficiaries tulad ng Mowelfund, Film Academy of the Philippines, atbp. In fairness to last year, mas mahaba ng two days ang festival period ngayon.

On the downside, masyadong na-blow up ang issue ng Best Picture. Matatandaang napiling Best Picture ang Enteng Kabisote 3 during the awards night on December 29 and not a few eyebrows were raised, so to speak. Ang unang nagtaas (daw) ng kilay ay si Celia Rodriguez na siyang presentor ng award. Nag-deny naman si Celia na inihagis niya ang envelope out of disgust, nabitawan lang daw talaga niya. Kasunod nito ang pasaring ni Malou Santos ng Star Cinema habang tinatanggap ang award sa 2nd Best Picture para sa movie nilang Kasal, Kasali, Kasalo. Para kay Malou, ang KKK ang tunay na Best Picture ng festival. Kasunod nito ay nagpadala ng formal letter ang Star Cinema sa pamunuan ng 2006 MMFFP, hindi naman daw protesta pero parang ganun na rin.

Sa isang radio interview ay matigas ang pananalita ni Armida Siguion-Reyna, dating MTRCB chief, na dapat na raw sibakin ang MMFFP dahil ginagamit lang ito ng mga pulitiko para sa kanilang political ambitions. Nakisawsaw na rin sa issue ang CBCP at ang CINEMA (Catholic Initiative for Enlightened Movie Appreciation) ukol sa quality ng local movies. Majority ng mga showbiz writers ay nakakiling din laban sa pagiging Best Picture ng Enteng Kabisote 3.

Tanging ang Octo-Arts lamang ang tahasang nagtatanggol sa kanilang movie. Patutsada nga ni Vic Sotto during their victory blowout, “Mag-iiyak na lang sila pero mananatili ito rito,” patungkol sa Best Picture trophy na nasa tabi niya.

Lately ay naglabas na rin ng opinion ang isa sa 11-member board of judges ng MMFFP. Sabi ni Nonong Pedero ay naging maingat daw ang mga judges sa kanilang pagpili at naging fair sila sa mga criteria. May konting paninisi si Pedero sa nasabing criteria. Ayon naman sa statement ni Atty. Espiridion Laxa, ang chairman ng MMFFP, ay transparent sila dahil alam naman ng mga producers ang controversial na criterion na nagbibigay ng 40% points para sa commercial viability. In fact, pirmado ng mga producers ang set of criteria ng MMFFP.

Ano nga ba ang objective ng Metro Manila Film Festival-Philippines? Aside from raising funds for the beneficiaries, ang isa pang layunin ng festival ay makapili ng quality films. Kaya may screening committee para mapiling mabuti ang mga prospective festival movies. Kung pagbabatayan naman ang maanghang na comment ng CBCP at CINEMA, paano namang nakalusot sa pamantayan ng screening committee ang Enteng Kabisote 3 na puno raw ng slapstick, walang logic at trite jokes and gags? Dyan siguro pumasok ang criterion na commercial viability.

Speaking of commercial viability, dyan nakasalalay ang patronage ng movie-goers. Sa simpleng salita, yang commercial viability ang bebenta sa audience. Eh bakit pa tayo magpo-produce ng artistic films gaya ng Panaghoy sa Suba na humakot nga ng awards pero nilamok naman ang mga sinehan? Tapos ang simpleng comedy film na walang logic at walang values ay hindi naman mapantayan ang benta?

First and foremost sa isang producer ay ang ROI o Return On Investment. Kaya sa synopsis pa lang ng prospective movie ay binabalangkas na ng producer ang magiging outcome ng movie in terms of box office sales. Ang Violett Films lang yata ang handang sumugal at magpatalo sa mga quality films na may katiyakang hindi bebenta sa takilya. Kapuri-puri ang Magnifico ni Madam Violett kahit hindi sabihing nakabawi sa puhunan eh todo bawi naman sa awards from here and abroad pa. Hindi ko lang masabi kung ganyan din ang magiging kapalaran ng Tatlong Baraha niya na hanggang ngayon ay pinapatok pa ring kulelat sa karera ng box office sales.

Ang upcoming genre ng digital films ay kapansin-pansin sa dalawang bagay. Una, ang kakapusan ng budget kaya halatang tipid ang setting at costumes. Pangalawa ay ang quality ng story, may katuturan at kadalasan ay may moral lesson na nakapaloob. Base sa karanasan ng Ang Pagdadalaga Ni Maximo Oliveros at ng Mga Pusang Gala, walang panlaban ang mga digital films kung box office ang pag-uusapan dahil kulang sila sa bongga lalo pa sa mga sikat na artista. In other words, talagang mahina sa takilya ang movies kapag quality films na ang pinag-usapan.

Sa sports, pulitika o kahit sa mga produktong commercial, ang binibigyan ng priority ay ang panlasa ng audience o ang gusto ng botante o ang type ng consumers. Nakukuha yan sa tinatawag na market study na madalas ginagamitan ng survey. Ang mga recent reality shows ay nagpapatunay na mahalaga sa lahat ang reception ng audience dahil very successful ang text voting na idinaos ng Pinoy Big Brother, Philippine Idol, atbp. Yang audience o viewership ang crux of the matter ng nagbabagang network war.

Tila gustong mamangka sa dalawang ilog ng MMFFP. Pinangarap nilang pagsamahin ang quality at commercial viability pero nakikita natin ngayon na ang nasabing dalawang aspeto o criterion ay parang langis at tubig na hindi puwedeng basta paghaluin. The same with the movie industry, kahit mga producers ay aamin na hati rin ang objective nila pagdating sa quality versus commercial viability. Gusto nilang kumita pero gusto rin nilang makapanalo ng papuri. Iilan lang ang naging successful sa bagay na yan.

As of the end of the 2006 MMFF, halos neck-and-neck na ang labanan ng Enteng Kabisote 3 at Kasal, Kasali, Kasalo (based on the booking committee of the MMFFP, nalampasan ng KKK ang gross ng Enteng Kabisote 3 at lumamang pa ito ng P11 milyon—editor). Maaaring malaki ang naitulong ng controversy sa Best Picture at may mga taong gustong patunayan na puwedeng matalo ang Enteng Kabisote 3 sa paramihan ng benta sa takilya. Kung susuriing mabuti, ang Enteng Kabisote 3 ay isang fantasy movie with lots of animation, colorful costumes and astonishing settings while Kasal, Kasali, Kasalo mainly relies on the strength of the story and the effectiveness of the script. Two films with different genre, having two different approaches. Ngayon ay nakikita nating may dalawa palang klase ng movie audience. Isang panlasa ay para sa hard-core comedy at isa para sa light comedy.

Nevertheless, comedy films pa rin ang naghahari sa festival. Karamihan ng movie goers ay entertainment ang gusto. Karamihan ay ayaw manginig sa takot. Karamihan ay ayaw umiyak lalo na at holiday season na dapat magsaya. If the majority’s taste is to be taken into consideration, siguro pag-isipan ng MMFFP na magkaroon ng dalawang festival. Una ay para sa mga comedy o entertaining films at pangalawa para sa mga artistic. Sa ganun ay magiging parehas ang labanan at mas magiging maganda ang competition.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.