Jan 17
HINDI NA BA SI OYO BOY ANG PAG-IBIG NI ANGEL LOCSIN? by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jan 17, 2007

Ni: Pablo Libiran

Bago pa man nagsimula ang bagong taon ay isang kilalang manghuhula ang nag-predict na hindi magkakatuluyan ang pag-iibigan nina Angel at Oyo. Na pagkatapos lamang ng ilang araw, matapos ang hulang iyon ay bigla na lamang napabalita ang break-up ng dalawang ito.

May nagsasabi na si Bing Loyzaga raw ang naging dahilan ng pag-hihiwalay na iyon at may nagsabi rin naman na may bago na raw napupusuan si Angel. Dahil sa balitang iyon ay marami ang nanghinayang sa pag-iibigan nila. Mga malalapit na kaibigan at mga masusugid na tagasubaybay ng showbiz.

Nang tanungin ang dalawa ukol sa naturang hiwalayan ay nanatili namang tikom ang mga bibig nila. Pawang ngiti lamang ang kanilang isinusukli at sinasabing ang susunod na project na lamang daw nila sa pelikula ang kanilang pag-usapan. Maging si Bing ay pawang biro lamang ang isinasagot sa mga tanong sa kanya tungkol sa isyung ito.

Sa nakaraang Metro-Manila Film Festival, kung saan nakitang magkasabay sina Richard Gutierrez at Angel Locsin, tinanong sila ng mga reporters kung hindi magseselos si Oyo sa nakikitang madalas nilang pag-sasama sa mga shooting at gatherings. Sinabi ni Richard na hindi naman siguro siya pagseselosan dahil noon pa man ay malapit na kaming mag-kaibigan. Bukod pa sa madalas kaming magkatambal sa teleserye at pelikula.

Bukod kay Richard, nakatambal rin ni Angel si Robin Padilla na kilala bilang playboy na actor. Sa teleseryeng Asian Treasures, sinasabing si Robin pa mismo ang nagtuturo kay Angel ng mga ginagawa nilang routine sa pagsipa, pagsuntok at karate sa kanilang eksena.

Pero ang pagdududa ng lahat kay Robin ay binura ng mga salita ni Robin na pamangkin niya si Oyo, kaya hindi nya ito kakatalunin. Kaya sana raw ay huwag siyang i-ugnay sa mga manliligaw ni Angel.

Sa kabilang dako, matapos ang mainit na balita ng paghihiwalay ng dalawa, sinabi sa isang pahayag na patuloy pa rin ang pagiging textmates nina Angel at Oyo Boy. Katunayan, sa press conference ng Asian Treasures, sinabi ni Angel na nagpaalam rin daw siya kay Oyo Boy sa pamamagitan ng pagti-text.

“Ayokong ma-offend siya na komo break na kami ay hindi ko na ipapaalam sa kanya ang mga schedules ko. Lagi rin siyang nagti-text sa akin at inaalam ang kalagayan ko. Na huwag ko raw pababayaan ang katawan ko sa kabila ng napakarami kong schdule sa trabaho at mga shooting,” pahayag pa ni Angel.

Samantala, nang tanungin siya kung ang pagiging textmate pa rin ba nila ay nangangahulugan na maaaring magka-balikan silang muli, sinagot yun ni Angel na:
Nawindang ako sa naging paghihiwalay namin. Ayokong magsalita nang tapos kung muli kaming magkakabalikan. Pero sa ngayon ay mag-kaibigan pa rin kami at naroroon ang pag-aalala naming sa isa’t-isa.

“Sa ngayon ay magko-concentrate muna ako sa mga natanguan kong commitment at mga schedules ng shooting. Si Oyo naman ay gayon din. Marami rin siyang pinagkaka-abalahang mga commitment. At palagay ko naman, hindi masamang magkaroon kami ng komunikasyon kahit break na kami,” ang sabi pa ni Angel.

Ayon na rin sa mga nakakita o mga nag-interview kay Angel, aliwalas ang mukha nito nang humarap sa mga press people. Parang walang mabigat na nangyari sa lovelife niya. Talaga raw professional si Angel dahil kahit nagaroon ng mabigat na problema ay nagagawa pa rin niyang ngumiti at tumawa.

Bukod sa pagharap ni Angel sa media, napabalita rin na talagang todo ang pagpapaganda niya ng katawan. Katunayan, isa siya sa naging modelo ni Vicky Belo sa mga advertisement na ginawa nito na kung saan ay ini-indorso niya si Dra. Belo.

May kuha pa rin si Angel na kung saan ay nakahubad siya at ang tanging itinakip niya ay isang puting board na nasa harapan niya. Sa larawan ay nakunan na kasama niya si Vicky sa naturang takip ng board. Sinabi rin ni Vicky na talagang “perfect na ang beauty ni Angel Locsin.”

Sinabi rin ng mga reporter at mga movie columnist na dahil na rin sa itinatakbo ng career ni Angel at dahil na rin sa pagiging propesyunal nito, malayo pa ang mararating ng naturang aktres sa larangan ng show business. At naniniwala rin sila na kung matuturuan ng proper lesson sa pag-arte si Angel, darating ang araw na magkakamit din ito ng mga parangal sa pag-arte.

Kaya ngayon pa lamang ay abangan na natin ang magandang direksiyon na itinatakbo ng career ni Angel Locsin.