Jul 11
DAHIL KAY ROBIN, ISINARA ANG McARTHUR HIGHWAY by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 11, 2008

Sa kauna-unahang pagkakataon, sa kasaysayan ng McArthur Highway dahil sa isang artista ay nasarado nang may tatlong oras ang malapit sa kalsadang ito na dinadaanan ng napakaraming sasakyan. Ang dahilan, nag-personal appearance si Robin Padilla, kasama ang buong cast ng Joaquin Bordado na palagiang napapanood sa Channel 7. sa bagong katatayong SM Mall sa Karuhatan , Valenzuela City. Ito’y naganap noong ika-6 ng hulyo, araw ng Linggo.

Hindi inaasahan ng mga namamahala sa trafiko na dadagsain ito ng napakaraming tao. Kaya nang makita nila na patuloy at patuloy ang pagdating ng mga tao na nanggagaling sa iba’t ibang direksiyon ay wala silang nagawa kundi parahin ang napakaraming bilang ng mga dumaraang sasakyan. At ang resulta, nagkasala-salabat ang mga ito. May mga nagdaraan sa tagiliran ng kalsada at maging ang iba ay nag-counter flow para makaraan.

Subali’t dahil sa wala nang ibang madaraanan, nagkabuhol-buhol ang trapik at maraming pasahero ang napilitang maglakad na lamang. Tumagal ang naturang trapik nang may tatlong oras. Kaya’t gayon na lamang ang galit ng napakaraming commuters dahil hindi naayos ang daloy ng trapiko.

Ayon na rin isang traffic aide na nakausap namin, hindi nila inasahan na gayong karami ang dadagsang mga tao sa gagawing personal appearance nina Robin. Pero nasorpresa sila nang makita nilang umapaw ang tao sa SM at napakarami pa nang mga taong nakapila sa labas at gustong makita nang personal ang hinahangaan nilang actor.

Nang lumaon, hindi lamang sa bangketa pumila ang mga tao. Sa halip ay inakupa din ng mga ito ang malapad na McArthur Highway. Kaya naman nang mag-aalas kuwatro na ay punung-puno na ng mga tao ang kalsada. Wala nang madaanan ang mga sasakyan .

Bukod kay Robin, nakita rin sa mga streamer na nagtatanghal sa SM Mall si
Ms. Glaiza De Castro, ang isa sa mga sumisikat na artista at mang-aawit. Kaya naman lalong sumidhi ang pagnanais ng mga tagahanga ng mga naturang artista na makapasok sa mall at makita ang gagawin nilang pagtatanghal. Pero taliwas sa kanilang inaasahan, dinagsa ng napakaraming tao ang naturang personal appearance.

Ang totoo, marami-rami na ring pelikula at teleserye ang nagawa ni Robin. Subalit’t tanging sa Joaquin Bordado lamang siya hinangaan nang husto. Dito rin ipinakita ni Robin ang kanyang pagkamacho at dahil siya’y may kapangyarihan ng isang bordado. Kahit sino ang kalaban ay hindi siya mapatay-patay.

Ipinakita rin ni Robin sa teleseryeng ito ang karakter ng isang ama na labis-labis ang pagmamahal sa kanyang pamilya. Na kahit siya ang nasasaktan ay isinasakripisyo niya ang sarili sa kapakanan ng kanyang mga mahal sa buhay.

Ipinamamalas din dito ni Robin ang pagmamahal niya sa kanyang mga kapatid na kahit ginagawan siya ng mga ito ng mali ay pinagpapasensiyahan pa rin niya ang mga ito.

Maging si Iza Calzado ay hinangaan din at lumutang nang husto ang kakayahan sa pagganap sa Joaquin Bordado. Bilang asawa ni Joaquin ay ipinakita rijn niya ang pagmamahal kay Robin. Gayon din sa kanilang anak na si Jimboy. Pero dahil sa malabis na pag-ibig sa kanya ng kapatid ni Robin ay nagawa nitong baguhin ang isip ni Iza at nahati ang puso nito sa dalawang lalake na inibig at minahal niya.

Ang anak ni Robin Padilla ay hinangaan at marami agad ang nakakita sa labis na kahusayan nito, hindi lamang sa pag-arte kundi maging sa pakikipaglaban nito sa mga maa-aksiyong eksena. Palibhasa’y Taekwondo Champion ang dalagitang ito kung kaya hindi kataka-takang maging mahusay ito sa mga action scene.

Dahil sa tinatamong tagumpay ng Joaquin Bordado sa pangunguna nito sa rating sa television survey, labis-labis ang kasiyahan ng mga taga-Channel 7, lalong lalo na si Robin Padilla sa ibinibigay na suporta at pagtangkilik ng publiko sa teleserye na ito. Maging si Carlo Caparas na siyang awtor ng Joaquin ay nagpasalamat din dahil nag-klik ang sinulat niyang obra-maestra.