Jan 24
MGA ARTISTA SA KARERAHAN by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jan 24, 2007

Ni Tess Clarin

Isang araw sa Santa Ana race track sa Makati, mga late 1960s ay may dalawang artista ang nanonood ng karera. Ang nanalong kabayo ay super dehado, meaning kokonti ang tumaya kaya malaki ang bigay na dividend – P14,000 sa bawat pisong taya. Isang artista ang nanalo at dahil sa sobrang katuwaan ay inatake sa puso na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Parang kuwento sa komiks ang nangyari kay Efren Reyes, ang sikat na artistang ama ni Efren Reyes, Jr. Kasama ni Efren si Leroy Salvador sa loob ng racetrack nang mga oras na yun. Ang kabayong Tiger Lily ang nagdulot ng malaking premyo na kakambal ng trahedya.

Contrary to common knowledge na pagsusugal ang horse racing, ang karera ng kabayo ay itinuturing na isang sport. Actually ang slogan ng Santa Ana racetrack ay “Sport of the Kings” at ang sa San Lazaro naman ay “King of Sports.” Katunayan, sa England ay tinitingala ang horse racing dahil ang number one aficionado nila ay si Queen Elizabeth. Noong July 1986, idinaos ng Martes ang kasal ni Prince Andrew at Sarah Fergusson upang hindi makaabala sa weekend racing! Sa Dubai naman, ang tinatawag na King’s Cup na pakarera ng Emir nila ay may premyong 1 million dollars.

Sa local scene, ang sport na horse racing ang common denominator nina Fernando Poe Jr, Vic Diaz, Armando Goyena, at marami pang ibang artista na katulad ni Efren Reyes ay sobra ang pagkahilig sa kabayo at karera. Hindi biro ang pag-aalaga ng kabayo dahil sa malaking gastos mula sa pagkain ng kabayo, renta sa kuwadra, suweldo ng trainer, bayad sa sota, bayad sa practice jockey at suweldo ng jockey. Ngunit sulit naman ang mahigit P10,000 monthly expenses dahil ang premyo kapag nanalo ay umaabot ng P130,000 kung regular na karera at may mga special races na nagbibigay ng premyong P1 milyon o higit pa!

Mga kabayong mola (imported thoroughbred) ang pambato ng kuwadra ni Fernando Poe, Jr. na pinamahalaan ni Boying Guerra, isang dating magaling na hinete. Karamihan sa mga kabayo ni FPJ ay hango sa pangalan ng anak niyang si Grace gaya ng Graceful Lady at My Lady Grace. Kadalasan ay llamado ang kabayo ni FPJ pag nanalo, ibig sabihin ay maraming tumaya sa kabayo niya kaya kapag nanalo ay maliit lang ang dividend. Hindi kasi nagkakait si FPJ sa mga taong nagtatanong kung may pag-asang manalo ang kabayo niya o wala. Balitang very generous sa kanyang mga tauhan si Da King, mula sa trainer, jockey at pati sa sota. Katunayan, nang mamatay si FPJ ay ipinamana niya sa kanyang trainer na si Boying Guerra ang ilan sa kabayo niya. Bukod doon, si Boying daw ay nakatira ngayon sa Beverly Hills sa Antipolo, courtesy of Da King.


Leroy Salvador

Dating Councilor ng Makati si Leroy Salvador na halos araw-araw ay nasa kuwadra upang tingnan ang kanyang mga kabayong pangarera. Gaya ni FPJ, si Leroy ay meron ding trademark sa pangalan ng mga kabayo niya gaya ng Advance Guard, Advance Soldier, Advance Leader, Advance News atbp. Ngunit kabaligtaran ni FPJ, ang mga kabayo ni Leroy ay madalas manalo ng dehado, ibig sabihin kokonti ang nakataya. Sabi ng mga karerista, si Leroy ay laging present sa school (karerahan) at isang beses lang siyang nag-absent noong early 1970s, nang araw na mamatay ang nanay niya. Dahil sa pagluluksa ay ipinabura ni Leroy sa programa ang lahat ng kabayo niyang tatakbo sana nung Sabadong yun.

Si Jockey Tito ay nag-retire sa pagiging hinete pero muling sumakay ilang taon bago siya namatay. Tulad ni Leroy, dating councilor ng Makati si Jockey Tito na mas kilala sa screen name niyang Chiquito. Ang pangalan ng mga kabayo ni Chiquito ay may kakabit na Vilma, sunod sa pangalan ng asawa niya. Mismong si Chiquito ang sumasakay kina Vilma’s Pet, Vilma’s Choice at Vilma’s Idol. Isang insidente ang nangyari nang mahulog siya sa kabayo bago dumating sa finish line. Dahil walang premyo ang kabayong walang hinete pagsapit sa finish line, pinilit ni Chiquito na kumapit sa kabayo at natuluyang mahulog after the finish line na. In other words, naipanalo pa rin niya ang kabayong sinakyan at nakakuha ng premyo.


Vic Diaz

Bukod sa pagiging horseowner ay horse trainer din si Vic Diaz, ang dating bantog na character actor. Kadalasan kung manalo ang mga kabayo ni Vic ay laging dehado, ibig sabihin ay kokonti ang tumaya o hindi paborito ng mga mananaya. Paborito ni Vic Diaz ang going against the tide, ito yung sinasabing mananalo ang kabayo niya na hindi sukat akalain. Ang Sigaw Sa Langit at Dawn of T ang dalawang kabayo niya na madalas manalo nang walang nakakaalam.

Si Mang Pinggoy ay marami ring pag-aaring kabayo na nakarehistro sa pangalang Tirso Rivilla. Popularly known as Armando Goyena, napakahilig rin niya sa karera at madalas siyang makita ng mga tao sa karerahan. Naging racing official pa si Armando Goyena nung kapanahunan niya. Ang huling pelikula ni Armando Goyena ay ang Yamashita’s Treasure na naging best picture ng Metro Manila Film Festival.

Ang dating starlet na si Aurora Sevilla ay nawili sa karera nang regaluhan siya ng kabayong pangarera ng isang pulitiko. Matagal ding naging horse owner si Aurora at naging sikat siya sa karerahan kahit sabihing hindi naman gaanong magagaling ang mga kabayo niyang sina Leeweng, Au-au at Obsession. Ngunit bigla siyang nawala sa eksena nang mabalitang iniwan na siya ng pulitiko.

Ang kabayong Dynamic Dynah ay pag-aari ni Atty. Narciso Morales na sunod sa pangalan ng asawa niyang si Dinah Dominguez. Ang magaling na singer na si Champagne Morales ay anak nila.

Si Susan Henson ay dating starlet na sumikat noong panahon ng 1980s. Hindi man siya horseowner pero maituturing na konektado siya sa karera dahil ang ama niyang si Maning Henson ay isa sa pinakamagaling na horse trainer bukod pa sa pagiging horseowner. Ang half-brother ni Susan na si Ray Henson ang kasalukuyang number 2 horse trainer. Nabalitang balak magbalik ni Susan sa pelikula nang umattend siya sa nakaraang Luna Awards. Naghihintay lang daw siya ng movie offer.

Sa pagbanggit ng Premiere Productions ay siguradong papasok sa isipan si Cirio Santiago, ang beteranong director na may-ari ng nasabing movie production outfit. Sa karerahan ay kilala rin si Direk Cirio sa mga kabayo niyang may Premiere ang pangalan gaya ni Premiere Act na tumakbo bago mag-Pasko at nakakuha ng second place prize. Hindi namin kumpirmado kung siya rin ang may-ari ng mabilis na kabayong Director.

Ang Santa Ana Park sa Makati ay ibinenta ng pamilyang Reyes sa mga foreigners noong 1990s. Ang dating presidente ng Santa Ana Park na si Relly Reyes ay asawa ni Delia Razon. Ang kapatid ni Relly na si Boy Reyes ay dating asawa ni Baby O’Brien at ama ni Rina Reyes na dati ring starlet at isang magaling na kontrabida.

Some of the celebrities who enjoy (or enjoyed) the sport of horseracing are Don Pepot, Mr. Shooli (a.k.a. Jun Urbano) na dating horseowner at may off-track betting station sa Q.C., Jun Aristorenas, ang mga basketball players na sina Bong Hawkins at Paolo Mendoza. At syempre, hindi mawawala sa usapan si Cong. Mikey Arroyo na inaakalang horseowner din. Actually, it was Mike, the elder Arroyo, who used to own race horses under the name of LTA Corp. Isa pang notable personality sa horse racing si Jockey Nicky. Anak-mayaman at tagapagmana ng Jacinto Steel, si Nicanor Jacinto III ay isang magaling na polo player na sumubok ding maging hinete.

Marami pang samut saring kuwento tungkol sa mga artista sa karerahan ang matatagpuan sa forum boards ng www.phf.com.ph, ang nangungunang website ng mga horse racing aficionados. Interesting ang mga kuwento ayon sa salaysay ng mga forum members na sina Tresoctavo, Speculator 2006, ZygyZygy, Prince CJ, Diego, Samahan Matibay, Tolits, Nakapagtataka, Headwinn, Royal Lad, Kennedy Point, Ernest Locco at Alasan.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.