Jun 13
TRABAHO LANG, WALANG PERSONALAN by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jun 13, 2008

Ang pelikulang Markang Bungo – The Bobby Ortega Story ay ipinalabas noong 1991. Mula sa kuwento ni Jojo Lapus, ang script ay isinulat ni Meek Roxas together with our fapweb editor Jose Carreon. Sa direction ni Nilo Saez, napakaganda ng pagkakaganap ni Rudy Fernandez sa role na Bobby Ortega, opposite Donita Rose na leading lady niya. At dahil sa linyang Trabaho Lang, Walang Personalan ay naging very successful ang Markang Bungo.

After 10 years ay nagkaroon ito ng sequel. Iligpit Si Bobby Ortega – Markang Bungo. Directed by Eddie Rodriguez, si Charlene Gonzales naman ang leading lady ni Rudy Fernandez this time. Although hindi nalagpasan ang kinita ng naunang version ay masasabing maganda pa rin nag kinita ng sequel.

Ang kauna-unahang movie na nilabasan ni Rudy ay ang Luksang Tagumpay noong taong 1956, nang siya ay 3 years old pa lamang. Nasundan pa ito sa Emily noong 1960. Ang 2 movies ay directed by Gregorio Fernandez na tatay ni Rudy.

Nagsimula si Rudy Fernandez bilang major support sa mga sing and dance movies. Dahil nakatatak na sa isip ng tao ang pagiging action star, ilan na lang siguro ang makakaalala na si Rudy ay naging Sampaguita contract star. Kasama siya sa cast ng For Your Mama noong 1970. That time ay kasikatan nila Nora Aunor at Vilma Santos. Although sunod-sunod ang project ay hindi nag-click ang image ni Rudy na pa-cute. Ang last movie ni Rudy as matinee idol ay ang Sweet Matutina at si Connie Angeles ang kanyang leading lady. That was 1976.

Pawala na siguro siya sa showbiz until may nakaisip na mag-shift siya sa action movies na kasalukuyang tinatangkilik ng mga moviegoers noon. That same year (1976) ay biglang nag-iba ang guhit ng palad ni Rodolfo Fernandez.

Baby Ama ang unang action movie ni Rudy. Kahit ayaw ay napilitan siyang magpakalbo kapalit ng minimithing stardom. Directed by Jun Gallardo and script written by Meek Roxas, nag-hit ng husto ang Baby Ama. “Siguro mga two months pinilahan yun. Talagang pumutok ang pangalang Rudy Fernandez dahil sa Baby Ama na yan,” sabi ng isang insider sa movie industry.

Ang Baby Ama ay isang hallmark, hindi lang sa career kundi pati na rin sa buhay ni Rudy dahil dito nag-umpisa ang romance nila ni Alma Moreno na siyang leading lady niya and at the time ay sikat na bold star. It is common knowledge na maayos silang naghiwalay ni Alma. Later on ay naging asawa ni Rudy si Lorna Tolentino at si Alma naman ay si Dolphy ang naging ka-live in. Si Mark Anthony, isang magaling na character actor, ang naging anak ni Rudy at Alma.

Bago pa man permanenteng namaalam si Rudy Fernandez noong Sabado, June 7, 2008, ay malungkot na ang movie industry dahil halos 2 taon ang pagdurusa ng Action Star. Afflicted with Periampullary cancer – isang uri ito ng cancer na tumutubo sa gitna ng pancreas at atay – mahaba ring pagtitiis ang ginawa ni Rudy para labanan ang sakit niya, mentally, physically at lalo na ang emotionally.

Noong unang mapansin ang sakit ni Rudy ay agad siyang inoperahan sa Cardinal Santos Medical Center. Matatandaang naospital si Rudy ng taong 2005. At dahil hindi nagbigay ng official announcement ang pamilya kaya ang balita ay mysterious ailment daw although meron ding nagsabi na stomach cancer. And since after that operation ay agad namang lumitaw na muli sa limelight si Rudy kaya nakalimutan na ng mga tao ang insidente at inakalang wala ngang problema si Rudy.

But in 2005 ay muling umulit ang tumor. And medically speaking, kapag umulit daw ang cancer ay automatic na stage 4 agad – ito ang pinakagrabeng antas.

Ang imahe ni Rudy Fernandez, nicknamed Da Boy, ay larawan ng katapangan at katatagan, hindi lang sa pelikula kundi sa tunay na buhay rin. Nang lumaban siya sa pagka-mayor ng Quezon City noong taong 2004 ay hindi inaasahan ang kanyang pagkatalo. At dahil malaki ang kalamangan ng botong nakuha ng nagwaging mayor na si Sonny Belmonte, nagpakita ng pagkamaginoo si Rudy Fernandez sa pamamagitan ng pag-concede. Ang mga ganitong gawi ng pulitiko ay napakalaking bagay para maiwasan ang kaguluhan ng mga followers.

Kahit noong maging stage 4 na ang cancer at naratay na si Rudy ay hindi siya nakitaan ng pagsuko. In fact, si Lorna nga raw ang walang itagal at baligtad pa dahil si Rudy pa raw ang nagpapalakas ng loob ni Lorna. At ayaw raw ni Rudy ng may umiiyak. Sabi nga ni Lorna Tolentino na bumabagsak daw ang health ni Rudy kapag nalulungkot siya kaya bawal ang magpakita ng lungkot sa mga dumadalaw.

Charity begins at home. Ngayon lang nalaman ng karamihan na si Rudy ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Ang elder sister niyang si Merle Fernandez ang umako sa naiwang responsibilidad ng ama nilang si Gregorio Fernandez. Later on ay si Rudy naman ang sumalo ng responsibilidad nang sumikat siya bilang action star. Si Merle ang tinaguriang sexy star na nagpauso ng bomba films.

Maraming natulungan si Rudy sa loob at labas ng movie industry. Naging masinop siya sa kanyang pera at hindi naglustay kaya sa kabila ng malaking gastos na dinanas sa kanyang pagkakasakit ay marami pa rin siyang ari-arian na naiwan. Sabi ng isang veteran scriptwriter, “Pag Christmas party ng mga scriptwriter, naku, isang tawag lang kay Rudy, bigay agad yan ng litson. Malapit ang puso niyan sa mga writers.”

Ayon sa isang anecdote ay nakialam si Rudy sa isang script na isinulat ng baguhang writer na si Meek Roxas. Ikinasama ng loob ni Meek ang nasabing pakikialam ng isang artista sa script niya. Ayon sa nagkukuwento, natawa siya kay Meek dahil obvious na hindi pa niya kilala si Rudy. Makalipas ang ilang araw ay nasakyan na ni Meek Roxas ang lahat ng kilos ni Rudy Fernandez. “Napakabait ni Daboy kahit kanino kaya wala kang K na magalit sa kanya,” sabi ng isang director. Ironically, si Meek Roxas ang naging favorite scriptwriter ni Rudy Fernandez.

May isang unconfirmed trivia courtesy of our co-writer in this website. Ang pangalang Socorro-Fernandez street sa Addition Hills, San Juan City ay galing sa pangalan ni Jose Socorro at Gregorio Fernandez. What a coincidence dahil ang asawa nitong Jose Socorro ay isang Moreno na tiyahin pala ni Alma.

Ang ilan sa mga awards na iginawad kay Rudy ay ang 2 FAMAS Best Actor for Batuigas – Pasukuin si Waway and Victor Corpuz Ang FPJ Lifetime Achievement Award mula sa Film Academy of the Philippines, ang Fernando Poe, Jr. Memorial Award mula sa FAMAS at ang Ulirang Artista Lifetime Achievement Award mula sa Star Awards for Movies.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com