Jan 31
ILANG PUNA NG ISANG MOVIEGOER by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jan 31, 2007

Ni Tess Clarin

Nakakabingi nang marinig ang “the movie industry is dying” kaya merong mga taga-movie industry na nag-iba ng dialogue, saying that the industry is already dead. At meron namang umaasa na ito ay muling magbabangon upang ibalik ang ningning ng Philippine movies. Oo nga, ang movie industry ay sadlak sa dusa at paghihirap. From 200 or so films before, now we generate 50 or so movies na lang per year.

First and foremost sa mga dahilan ay ang video piracy na ipinagtataka ng lahat kung bakit hindi masugpo sa kabila ng suporta ng ating gobyerno. Napakalaking gastos ang kailangan para makapag-produce ng isang movie kaya ang heavy taxation ay isang dahilan rin kung bakit pakonti nang pakonti ang mga movie producers ngayon.

But simplifying the analysis, sa kabila ng piracy at heavy taxation ay hindi gaanong babagsak ang movie industry kung ang mga moviegoers ay hindi nabawasan. Dahil dito kaya inisip naming mag-interview ng isang moviegoer.

Presently working as a horse trainer, Jesus Henson failed to finish high school due to his preoccupation with movies. “Maliit pa ko nun mahilig na ko sa sine,” sabi niyang parang nagmamalaki pa. “Masarap kasing manood, parang nawawala ang mga problema sa buhay. Natatandaan ko pa, Baluga ang una kong napanood. Si Rosemarie (Sonora) ang bida. Hindi ko na maalala ang istorya pero sigurado akong si Rosemarie ang bida run sa Baluga.”


Jesus Henson, a horse trainer and moviegoer

Dahil sa kapapanood ng sine sa Downtown Manila ay halos kabisado na ni Mr. Henson ang puwesto ng mga sinehan. “Ideal, Podmon, Dalisay… marami yun. Kahit nakapikit ako alam ko kung saan ako bababa ng jeep. Pati yung Cinerama, hindi ko pinalusot yun, sa may kanto ng Recto pero Azcarraga pa ang tawag dun dati. First run ang mga sinehan sa downtown kaya naka-aircon. Mahal nga lang pero yung iba kasing sinehan double-program, yung may kadobol. Inabutan ko pa na hindi color. Yung mga unang movies na colored medyo mapusyaw. Pero maganda pa rin kasi mahusay ang pagkakagawa”

Ang napansin namin kay Mr. Henson ay ang paghanga niya sa istorya. Nakatutok siya sa paglalahad ng kuwento at hindi sa mga artista lamang. Kapansin-pansin sa kanya kapag may butas ang istorya. “Meron kasing movies na umaasa lang sa popularidad ng mga artista. Kung napanood mo yung panahon nina Guy and Pip, ilang pelikula nila ang walang kuwento, puro kantahan lang talaga. Pero kumikita raw kasi siguro dahil sa mga fans. Pero sa akin ayoko ng ganun, gusto ko talaga yung maganda ang istorya. Para bang nagbasa ka ng libro, di ba yung istorya ang habol mo?”

To cut short his reminiscenses, dumako kami sa kanyang hanapbuhay. Madaling araw kung gumising si Mr. Henson para asikasuhin ang kanyang mga alagang kabayo. Bilang trainer ay siya ang namamahala ng pagpapakain at ensayo ng mahigit 30 kabayong alaga niya. Nakakauwi siya bago mag-lunch time at nakagawian na niyang matulog sa harap ng TV pagkatapos mananghalian. Kapag weekend ay nasa karerahan siya after lunch hanggang gabi at kung weekdays naman ay sa gabi lang ang karera.

Kadalasan, sa free time niyang magmula 2:00 hanggang 6:00 pm ay nauubos sa panonood ng DVD sa kanilang bahay. “Malaking tipid ang DVD kasi mura saka puwede pang ulitin. Madalas nga hindi ko natatapos ang isang palabas kaya to be continued kinabukasan.” Kahit sabihing bumibili ng pirated DVD, hindi pa rin kumporme si Mr. Henson sa video piracy. Naiintindihan niya ang pagiging illegal at immoral ng pirated DVD. “Siyempre mas okey kung original kaso ang mahal ng orig na DVD. Pero kung talagang bawal ang pirated, hindi na rin ako bibili. Siguro balik sine na lang ulit ako.”

Ngunit sa kabila ng kanyang busy schedule at sa dami ng pirated DVD nila ay nanonood pa rin ng sine si Mr. Henson. “Iba pa rin kasi sa sine, wide screen kaya malinaw pati sound klaro lalo na kung action. Kasama na rin ang pasyal dun kaya nga minsan-minsan na lang kung manood kami eh. Magastos kasi.” Lagi niyang kasama ang buong pamilya sa panunood ng sine at balak nga nilang tikman ang bagong sinehan sa Mall of Asia na may real sensurround at 3D picture.

Si Mr. Henson ay kasama sa tinaguriang bomba films audience noong araw. At ngayong wala na ang mga bold movies ay comedy films naman ang kanyang nakakahiligan. At bakit hindi action movies? “Mas corny na ngayon ang action eh. At least sa comedy kahit paano merong nakakatawa kahit sabihing karamihan ng jokes corny pero siguradong may funny kahit na lang sa costume siguro. Pag action, parang hindi na realistic. Ewan ko pero ganun ang dating sa akin, walang dating pag action.”

Hindi rin type ni Mr. Henson ang drama. “Kaya ka nga nanonood para ma-entertain, di ba? Kung puro iyakan eh di malulungkot ka lang. At saka pag malungkot eh baka malasin pa ko,” for the first time ay tumawa siya. Sa kanyang trabaho ay mahalaga ang pagiging mapamahiin kaya iniiwasan niya ang mga bagay na nagdudulot ng kamalasan. Kaya hindi rin siya mahilig manood ng mga soap sa TV dahil baka matalo lang daw ang mga kabayo niya kung ang makikita niya ay mga iyakan, sigawan at awayan.

Getting a bit serious, nalulungkot si Mr. Henson sa nangyayari sa local movies. Sa paborito niyang mga comedy ay marami siyang puna. Corny, trite and dragging. Kailangan daw sigurong ma-overhaul ang style ng mga scriptwriters at directors natin. “Nung araw, nung panahon nina Pugo at Tugo, click yung tinatawag na slapstick. Yun bang pag sinuntok eh tumatalsik yung tao. O kaya may multo tapos hindi makatakbo dahil sa takot. Nakakatawa yun dati pero ngayon hindi na siguro kakagatin yun. Siyempre nagbabago ang panahon, nag-iiba ang mga tao. Kaya nga sa nakikita ko sa movies natin parang walang asenso kasi yun at yun din ang style lalo na pagdating sa comedy. Para bang yung mga scriptwriters nung araw eh sila pa rin ang scriptwriters ngayon.”

Isa pang ikinaiinis ni Mr. Henson sa local movies ay ang mga fantasy films na out of logic na kung minsan. “Kahit fantasy o comedy syempre dapat may sense pa rin, di ba?” Binanggit niya ang Enteng Kabisote 3 na kumita ng mahigit 120 milyon sa nakaraang Metro Manila Film Festival. Marami raw mga eksena na puro kalokohan na lang at nakisakay na lang sa kasikatan ng artista. Hindi rin daw maganda ang isiniksik na mga commercials. “Ibang klase nga eh, movie na pero may commercial pa!”

“Sa action naman, siguro iba na talaga. Kasi wala nang mga maton ngayon. Dati, lalo na sa Tondo, sikat ang mga siga, di ba? Click ang suntukan, karate, rambulan. Pero ngayon, corny na kasi high tech na ang mga baril saka medyo sibilisado na tayo. Bukod sa pulis meron pang barangay ngayon. Konting gulo naaayos agad. Kaya hindi na realistic ang mga ganung pelikula ngayon. Kita mo nawala na sina Ronnie Rickets. Palagay ko dapat pasukan na nila ng hi-tech, mga computer o cel phones baga. Puwede naman dito yung mga modern gadgets na tinatawag kaso ewan ko kung bakit hindi nila subukan.”

Another problem of our action films ay ang FPJ syndrome na nagpapagulpi muna ang bida tapos sa bandang huli na lang babawi. “Parang kabayong de-remate. Nagpapaiwan muna sa largahan tapos saka kakayod pagdating sa meta. Sana paiba-iba naman. Kung magaling yung scriptwriter, puwede namang hindi dehado agad yung bida, di ba? Saka sana wala na yung sampu-sampu ang kalaban tapos panalo pa rin. Sa totoo naman pag isa laban sa dalawa mahirap manalo yung nagiisa, di ba? Try mong itanong kay Pacman!”

Dahil wala si Pacman kaya si Mr. Henson na lang ulit ang tinanong namin kung bakit kumikita ang fantasy kahit maraming out of logic sequences. “Hilig ko rin ang fantasy nung bata ako. In fairness, maganda ang mga fantasy ngayon kasi computer na raw ang ginagamit. Kaya lang parang pare-pareho na lang kasi. Rehash yata ang tawag dun, oo, iniiba lang ng konti. Eh kaya kumikita? Kaya pinapanood? Kasi nga kakaiba ang mga costume dahil ginamitan siguro ng computer. Saka ano, wag kalilimutan yung mga fantasy sa TV masyadong bugbog sa commercial. Rigid promotion yata ang tawag dun.”

Sa pagtatapos ng interview, Mr. Henson says with confidence that movies will stay forever. “Mag-iiba lang ng bihis. Parang dati silent movie lang tapos nagkaroon ng sound tapos naging colored. Pero hindi ko na inabot yung silent movies, ha?” for the second time ay narinig ulit namin ang kanyang pagtawa.

Certainly, movies will be around as long as there are moviegoers. At siguro hindi mawawala ang mga movie goers habang may magagandang movies na palabas.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.