May 09
MONSTER BISAYA by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, May 9, 2008

Dear Te, dear te, dear te…. yan ang sabi ni Anabelle kina Luren at Vinez habang naglalaro sa buhangin ang cute na mga anak ni Rofa. Ang text joke na ito ay nakagiliwan ng mga tao kaya bukod sa cell phone ay pumasok din yan sa internet. Isang palatandaan na ang character ni Annabelle Rama ay markado na sa publiko.


art-clarin-monster-bisaya-pic.jpg


Imbes na mainsulto ay parang ipinagmamalaki pa ni Annabelle Rama ang kanyang pagiging Bisaya where “Dong” had become ubiquitous in her vocabulary. Tanggap na rin ng kanyang mga anak ang ganung character niya na isang mataray na Bisaya. Pero sino ang mag-aakala na at her age ay magkakaroon pa ng movie si Annabelle? And a title role at that ha?

“Huwag n’yo na kasi akong kunin, mga anak at mga alaga ko na lang. Hindi talaga ako marunong umarte kaya nga tumigil ako noon sa pag-aartista!” ang laging dialogue ni Annabelle sa mga producers na nakakakursunada sa pagiging character niya. Obvious namang novelty si Annabelle dahil dun sa Advil commercial ay click na click siya. But then again, yung sinabi ni Annabelle na hindi siya marunong umarte ay pinatunayan niya sa nasabing commercial na naka-take 27 daw!

“Nahihiya ako kapag hindi ako makaarte sa harap ng camera. Nakakahiya sa mga tao sa loob ng studio. Pinagtatawanan nila ako,” seryosong sabi ni Annabelle. Despite her popularity, hindi pa rin naniniwala si Annabelle na tanggap talaga siya ng tao. Hindi rin niya maisip na sikat siya dahil sa kanyang character na Bisaya.

Natural daw na maging popular siya dahil sikat ang kanyang mga anak sa showbiz. Naging Miss Philippines nga naman si Ruffa at naging runner-up pa sa Miss World. One of the highest paid leading men sa tv si Richard at ang kakambal na si Raymond ay napakahusay sa hosting job. Of course, andyan rin ang husband na si Eddie Gutierrez, mahusay na character actor nowadays matapos ang kanyang pagiging matinee idol noong araw. Dahil sa pamilya niya ay natural daw na makilala siya ng mga tao pero never niyang maisip na ang pagiging natural na pagkakapilipit ng dila niya ay magiging dahilan ng kanyang pagsikat.

And of late ay ang broken marriage ni Ruffa ang nabulatlat ng media dahil sa pagdalaw ni Yilmas Bektas, ang estranged husband ni Ruffa. Dito siguro nagkaroon ng idea ang think tank ng Regal Films. And so a movie was born, My Monster Mom.

“Masyadong mataray ang title na yan,” angal ni Annabelle dahil alam niyang patungkol iyun sa kanya. Ganyan din ang unang reaksyon ng mga anak ni Annabelle, ayaw nilang ipagawa ang pelikula. Pero matapos ang paliwanag ni Mother Lily ay mismong si Eddie Gutierrez ang nagsabing maganda ang project at worth na tanggapin.

“Sabi ko kay Mother Lily, huwag na niyang tawad-tawaran ang byuti ko. Pumayag naman siya sa talent fee na gusto ko, kaya hindi na ako nakatanggi pa,” natatawang sabi ni Annabelle sa isang tv interview. Hindi man aminin ay flattered ang buong Gutierrez family sa project ni Annabelle. At sino nga naman ang dapat mainsulto kung talent fee na ang pinag-uusapan?

The project is actually a production of GMA Films and Regal Films kaya dalawang babaeng producer ang namamahala – sina Atty. Annette Gozon-Abrogar at Roselle Monteverde-Teo. And not to forget, si Mother Lily ang brains behind the said project.

Sa totoong buhay ay very colorful ang character ni Annabelle. Mahigpit siya sa mga anak pero may oras namang maluwag din siya. Ang pagiging ina at asawa ni Annabelle ang kanyang priority kaya kadalasan ay siya ang nag-aasikaso ng lahat ng bagay lalo na sa kanilang bahay.

Kahit sabihing dominante ay merong appeal at natural charm si Annabelle. Yan daw ang nagustuhan sa kanya ni Eddie. Matatandaang may pagka-playboy si Eddie Gutierrez noong araw. In fact, si Tonton ay anak niya kay Liza Lorena at si Ramon Christopher ay anak niya kay Pilita Corrales. At dahil may anak din si Eddie kay Annabelle kaya mahirap isipin na naging matino si Eddie sa kanyang pamilya.

“Ipinaglaban ko talaga,” sabi ni Annabelle sa isang interview. “Kung hindi niya ako mahal, okey lang pero kung mahal niya ang mga anak niya sa akin ay matuto siyang mag-sacrifice.” At hindi nagkamali si Annabelle dahil her gambit paid off. Umalis siya patungong Amerika, bitbit ang kanilang mga anak. Hindi naman nagtagal ay sumunod doon si Eddie at pinag-aralan ang sinasabing sacrifice. Matapos ang ilang taon ay nagbalik ang buong pamilya sa Pilipinas. This time ay isang pamilya na nga sila.

Ang American life ni Annabelle ay resulta ng kanilang short-lived romance ni Eddie. Matapos magkakilala sa Cebu ay sumunod si Annabelle sa Manila para habulin si Eddie. Jilted agad si Annabelle dahil obvious na pinagtataguan siya ng lalakeng minamahal. At para mapansin ng isang sikat na artista kaya naisipan ni Annabelle na pasukin ang movies at maging artista rin.

Sinuwerte naman si Annabelle. Dahil may magandang mukha at katawang ipakikita kaya starring role agad siya sa Adam and Eve. Si Roldan Rodrigo ang katambal niya. Sex-oriented ang nasabing movie na halos walang dialogue si Annabelle. Bisaya nga kasi ang dila niya kaya naisip ng director na puro visual na lang siya.

Hindi man maganda ang pelikula ay naging maganda naman ang rehistro ni Annabelle Rama sa silver screen. Iyun ang naging dahilan upang mapansin nga siyang muli ni Eddie Gutierrez. After the movie ay muling sumibol ang kanilang romance at ipinanganak ang panganay nilang si Ruffa.

Ang second movie ni Annabelle ay ang Ibinigay Mo Sa Akin Ang Langit. Kasama niya si Christopher De Leon at si Hilda Koronel. Supporting role na lang siya at hindi na siya talaga interesadong mag-artista dahil by this time ay may anak na siya.

Sa My Monster Mom ay si Ruffa ang papapel na anak ni Annabelle. “She need not act kasi siya yun,” pabirong sabi ni Ruffa sa The Buzz dahil ang movie ay hango raw sa totoo at natural na character ni Annabelle. Kasama sa movie si Eddie Gutierrez na siyang gaganap bilang asawa ni Annabelle na nahiwalay sa kanya for 27 years. Kasama rin sa movie si Richard Gutierrez, Rhian Ramos, JC De Vera, Mart Escudero, Iwa Moto at Michelle Madrigal.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can also be posted at www.filmacademyphil.org/forum/