Apr 11
AGED LIKE WINE by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 11, 2008

Si Manoel De Oliveira ay masasabing ang pinakamatandang movie director, hindi lang sa Portugal na kanyang bayan kundi sa buong mundo. Sa edad na 99 years ay gumagawa pa rin ng pelikula si Oliveira. In fact, may output siyang isang movie sa bawat taon simula nung siya ay maging 82 years old. At ang kanyang pinaka-productive years ay nung siya ay tumuntong ng 70 taon.

Being a late bloomer, inabot ng ilang taon bago natapos ni Oliveira ang kanyang unang obra maestra noong taong 1942, ang Aniki-Bobo, tungkol sa buhay ng isang street kid. Sa kabila ng political flavor ng Aniki- Bobo ay tahasang sinabi ni Oliveira na hindi naman siya pulitikong tao at ginawa lang niya ang nasabing movie dahil sa interes niya sa iba-ibang uri ng tao.

Hindi gaanong recognized sa Amerika ang mga movies ni Manoel De Oliveira pero tinitingala naman siya sa Europe at inihihilera siya kina Bunuel, Dreyer at Bresson, masasabing mga pinakasikat na moviemakers of all time. Si Oliveira ay tinagurian ding Most Active Director of all time.

Player ng track and field noong kanyang kabataan, si Oliveira ay naging professional racecar driver din bukod sa pagiging trapeze artist. Marami na rin siyang ginawang short films noong kanyang kabataan pero hindi raw siya seryoso.

Ang kanyang latest movie ay ang Christopher Columbus–The Enigma. Nais patunayan ni Oliveira na ang discoverer na si Columbus ay ipinanaganak sa Portugal at gusto rin niyang buhayin ang dating kasikatan ng kanyang bansa. Ang Christopher Columbus–The Enigma ay ipinalabas noong nakaraang taon (2007).


art-080411-aged-like-wine.JPG
Eddie Romero with Atty. Espiridion Laxa

Hindi man 99 years old na tulad ni Oliveira, ang Pilipinas ay may ipinagmamalaking isang Eddie Romero. Hinirang na National Artist for Cinema noong 2003, si Romero ay unang nag-direct ng pelikula noong 1947. Ang Mameng, Iniibig Kita ng Sampaguita Pictures ay inumpisahan ni Gerry De Leon at kay Romero pinatapos ang directing although hindi nabanggit sa credit si Romero. Si Oscar Moreno na tatay ni Boots Anson-Roa ang bida rito at katambal ni Carmen Rosales.

Hindi naman nagtagal ay nakatikim din si Romero ng pagiging solo director. Pinagbidahan nina Carmen Rosales at Leopoldo Salcedo, maituturing na tagumpay na rin ang pelikulang Ang Kamay Ng Diyos. Inabot ng 5 taon bago muling nasundan ang directorial job ni Romero. Ito ang Sabas, Ang Barbaro (1952) na nagtampok sa real-life sweethearts na sina Tita Duran at Pancho Magalona.

Ang isang natatanging pelikula sa mga directed movies ni Eddie Romero ay ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? Cultural at social ang approach ng nasabing pelikula kung saan si Christopher De Leon ay gumanap sa papel ng isang social nerd o probinsyanong ignorante. Si Eddie Garcia ang kontrabida at si Gloria Romero ang gumanap na leading lady.

Ang setting ay panahon ng Kastila kaya expected na may pagsundot laban sa mga Kastilang pari at sa gobyernong itinatag ng mga Kastila. Ang kuwento ay umiikot sa mga adventures ng probinsyanong ignorante na dahil sa angking kabaitan ay nalagpasan niya ang mga pagsubok at biniyayaan siya ng tunay na kaibigan at tunay na pag-ibig. Si Romero ang director at producer ng Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?

Sa kabuuan ay may 70 movies na nagawa si Eddie Romero bilang director at mahigit 20 rito ay siya ang sumulat ng script na karamihan ay maituturing na mga classics. Ang talagang passion ni Romero ay ang pagsusulat at dati siyang naging writer ng Philippine Free Press, ang pangunahing magazine noong araw. Ang film legend na si Gerry De Leon ang nagbigay ng break kay Romero, hindi lang bilang scriptwriter kundi pati na rin bilang director. Ang unang screenplay ni Romero ay Ang Maestra na nag-hit sa mga moviegoers. Si Romero din ang sumulat ng screenplay adaptation ng nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal. Nakagawa ng 14 movies si Romero sa Sampaguita bilang director.

Ang pelikulang Aguila ay isang epic that spans three generations of the fictional Aguila family. Katulad ng ibang pelikula ni Eddie Romero, siya rin ang scriptwriter, director at producer ng Aguila. Ang setting ay Philippine-American war kung saan isang rebelde si Artemio, ang ama ng bidang si Daniel Aguila na ginampanan ni Fernando Poe, Jr. Nasabi ni Eddie Romero sa isang interview na una raw tinanggihan ni FPJ ang nasabing role dahil yun ang first time na gagawin siyang matanda. Pero pumayag din si Fernando Poe, Jr. nang malamang ang papapel na kanyang ina ay si Amalia Fuentes.

Ang Best Director ng unang Maria Clara awards ay napagwagian ni Eddie Romero noong taong 1950 para sa pelikula niyang Ang Prinsesa At Ang Pulubi. Halaw sa The Prince and The Pauper, ang movie ni Romero ay pinangunahan ni Tessie Agana at Myrna Delgado.

Bukod sa mga local films ay may mga Hollywood movies din na ginawa si Eddie Romero in tandem with his mentor Gerry De Leon. Ang The Day Of The Trumpet ang una nilang foreign movie at nasundan pa nang hatakin sila ng Hemisphere Pictures. Halos puro horror at low-budget ang nagawa nilang pelikula sa Hemisphere Pictures gaya ng The Blood Drinkers, The Brides of Blood Island and Mad Doctor of Blood Island (incidentally, all are now released in DVD format). Ngunit hindi ito ipinagmamalaki ni Romero albeit parang ikinahihiya pa niya dahil hindi pumasa sa kanyang panlasa.

Ang pinakamalaking pelikulang ginawa ni Romero ay Hari Sa Hari, Lahi Sa Lahi, isang Filipino-Chinese co-production na 14th century ang setting. Umabot ng P100 million ang budget na inumpisahan ng taong 1987 at na-release sa mga theaters noong 1990. Co-director ni Romero si Lili Chou mula sa screenplay na isinulat ni Romero. Pinangunahan ng mga local actors na sina Vic Vargas, Rosemarie Sonora, Tanya Gomez, Isabel Rivas at Dan Alvaro kasama ang Chinese actor na si Gang Wang.

Sa edad na 83 years ay ginawa ni Romero ang Faces of Love. Mula sa kanyang kuwento, si Romero na rin ang sumulat ng script sa tulong ni Rica Arevalo, isang pioneer sa digital movie and a good movie-maker in her own right. Bukod sa directing ay si Romero rin ang nag-produce ng Faces of Love na tinampukan nina Christopher De Leon, Angel Aquino, Alfred Vargas, Juliana Palermo at marami pang iba.

Ang Faces of Love ay umiikot sa love letters ng isang biyudo at isang biyuda. Typical of Eddie Romero, ang nasabing pelikula ay may halong cultural at social flavors. Sa kasamaang palad, hindi naging mainit ang pagtangkilik ng moviegoers kaya maituturing na flop sa box office ang Faces Of Love. Ngunit ang Faces Of Love ay siguradong magiging isang classic pagdating ng araw dahil ito ay gawa ng isang henyo sa ating panahon.

Si Manoel De Oliveira ng Portugal at si Eddie Romero ng Pilipinas ay magsisilbing inspirasyon, hindi lang ng mga movie-makers kundi pati na rin ng mga senior citizens dahil ipinakikita ni Oliveira at Romero na ang tao ay parang alak na habang tumatagal ay lalong sumasarap.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can also be posted at www.filmacademyphil.org/forum/