Apr 04
2016 MOST GENDER-SENSITIVE FILM ESSAY WRITING CONTEST WINNERS by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Mon, Apr 4, 2016

Third Place, Teacher Category

Walang Forever sa Isyu ng Gender
(Based on the film Walang Forever)
By Ernesto D. Ferrer Jr. (Sergio Osmena Sr. High School)

Ang parangal sa pelikulang pinakasensitibo sa pagtrato ng kasarian ay bahagi ng mga pagsusumikap ng Gender and Development Resource and Coordinating Office upang isulong ang pagkakapantay ng kasarian, itaguyod ang represent-tasyon ng totong istatus at gampanan ng babae’t lalaki, at baguhin ang imahe ng mga kababaihan sa midya. (Jimenez-David, PDI, 2006)

Totoong may kapangyarihan ang media na lumikha ng mga de-kahong (stereotyped) imahe ng mga lalaki at babae ngunit nagtangka ang pelikulang “Walang Forver” na WASAKIN ito.

Ang babae ay malimit ipinakikita ng media na ABALA at KONSYUS sa kanyang hitsura. Ngunit, kakaiba ang karakter ni Mia. Bago siya sumalang sa interbyu, nasabi niyang bakit kailangan pa siyang lagyan ng make-up. “Hindi ako artista, writer ako.”

Taliwas sa imahe ng media na MAHINA ang babae, naniniwala si Mia na hindi puwedeng puro puso ang pinagagana. Matatandaang sinabi niya kay Ethan na “Kung hindi ka makapaghihintay, sige pababayaan kita, hindi kita pipilitin. Kung mahal mo ko, irespeto mo iyung mga desisyon ko.” Sa pelikulang ito, ang pagiging HOPELESS ROMANTIC ay ipina-angkin sa lalaki. Ilan sa mga linya ni Ethan ay “Sama mo naman ako sa dreams mo. Kasi ikaw kasama ka sa mga plano ko e. I wanted to be with the girl who changed my life.”

Kung kaya ng lalaking magtaguyod ng pamilya, KAYA rin ng isang babae. Nagawa ni Mia na buhayin at suportahan ang kanyang pamilya sa tulong ng pagsusulat.

Nangibabaw ang pagiging SENSITIBO ng lalaki nang sinabi ni Ethan na pinakakawalan niya si Mia dahil ayaw niyang maging miserable ang buhay nito dahil sa sakit niya. Ngunit ang KALAKASAN ng isang babae ay naitanghal nang pinili ni Mia na sumama sa laban ni Ethan.

Binago ng pelikula ang palasak na pagtingin natin sa kasabihan at pinatunayang WALANG FOREVER na pagkakakulong sa mga de-kahong imahe.

Third Place, Students Category

May Forever sa Bawat Isa
(Based on Walang Forever)
By Andrei R. Alimboyao (Sergio Osmena Sr. High School)

Ang sapat na kaalaman sa isyu at perspektibo ng kasarian sa kahit anong uri ng usapan ay napakahalaga upang ang isa ay makapamuhay nang maayos sa kanyang lipunang ginagalawan. (Nandana Sen, The Indian Express)

Ang pelikulang Walang Forever noong nakaraang Metro Manila Film Festival ay agad na pumatok sa unang linggo pa lamang ng pagpapalabas nito. Ito’y dahil sa ipinakita ng pelikulang ito ang kalakasan ng isang babae at lalaking tauhan sa pelikulang ito. Ayon hga sa isang pahayag ni Mia na ginampanan ng MMFF Best Actress na si Jennylyn Mercado, “Kapag sinabi mong ‘walang forever’, ibig sabihin ay handa ka nang mag-move-on.” Dito ipinahayag ni Mia ang katatagan ng isang babae sa kabila ng pagkawala ng kanyang mahal sa buhay.

Sa kabilang banda, ipinakita naman ni Ethan, sa pagganap ni JerichoRosales, ang katatagan ng isang lalaki sa kabila ng paghihirap nito sa kanyang karamdaman. Ipinakita ni Ethan na kahit gaano katigas ang puso ng isang lalaki, lumalambot ito pagdating sa kanyang mga minamahal sa buhay. Hindi niya sinabi kay Mia ang kanyang karamdaman dahil ayaw niya itong mag-alala sa kanya. Mas pinili niyang magsinungaling kaysa isama niya ang kanyang minamahal sa kanyang paghihirap. Dahil sa katapangang ito ni Ethan, siya ay naging inspirasyon ni Mia na naging asawa niya sa bandang huli.

Sa huli, parehong naging mabuting ehemplo ang lalaki at babae sa pelikulang ito. Sila’y naging matatag sa kani-kanilang hamon sa buhay. May mga taong nagsasabi na ang lahat ng bagay ay may dahilan. Kaya naman kailangan nating tanggapin ang mga bagay na nangyayari sa ting buhay dahil sa ating pagkakamali, tayo ay natututo.

Bilang isang mag-aaral, kailangan kong maging katulad nina Mia at Ethan na naging metatag sa mga hamon ng buhay upang masolusyonan ko ang bawat pagsubok sa positibong paraan.

Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/