Apr 04
MARIMAR MANIA by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 4, 2008

Taong 1990 nang unang pumutok ang mga Mexican telenovela sa pangunguna ng Marimar na pinagbidahan ni Thalia. Natuwa ang mga Pinoy sa mabilis na takbo ng kuwento, pati na ang ganda at husay sa pagsayaw ni Thalia. In fact, hindi kilala ng local audience kung sino si Thalia dahil ang tanging kilala nila ay si Marimar na nanggaling sa panulat ni Innes Rodenas.

Kahit madaling-araw dumating si Thalia sa Pilipinas ay sinalubong siya sa airport ng kanyang mga tagahanga. Ang nasabing pagdating ay televised sa RPN-9 at obvious na pinagpuyatan ng mga tagahanga ni Marimar. Indeed, ang Marimar ay isang phenomenonal foreign television series. Kahit sinundan ito ng Maria Del Barrio at ng Rosalinda na parehong si Thalia rin ang gumanap ay hindi talaga napantayan ang pagtanggap ng Pinoy tv audience sa Marimar.

Ito siguro ang pinanghawakan ng mga tao sa likod ng production ng local version ng Marimar. Hindi sukat akalain ng mga tao, lalo na ng katunggaling network, na ang pagpasok ni Marian Rivera bilang bida sa Marimar local version ay magiging phenomenal din pagdating sa ratings. Sa unang pagpalo ng 36% ay humataw agad ito ng 40% and above sa mga succeeding weeks at imbes na bumaba ay tumutuntong pa ng ilang beses sa 50% mark.

Isang coincidence na ang iniwang network ni Angel Locsin ay kusang makakaganti sa ganitong pamamaraan. Natabunan ang Lobo ni Angel at Piolo sa labanan ng ratings. Kung si Marimar ay naglalaro sa 40% to 50%, ang Lobo naman ay suwerte nang makapuntos ng 20% dahil madalas ay 18% lang ito sa audience share. At kahit sa kabila ng paratang ng ABS-CBN na may dayaan sa tv ratings (para siguro sirain ang credibility ng ratings dahil talo sila) ang mga tao ay hindi naman naniwala at tuloy pa rin ang pagtaas ng ratings ng mga shows ng GMA-7.

Ang mga unang yugto ng Marimar local version ay hindi lumayo sa original na kuwento. Ang Angelica na katunggali ni Marimar ay binigyang buhay ni Katrina Halili samantalang ang ka-loveteam ni Marimar na si Sergio ay pinapelan ni Dingdong Dantes. Ang isang mahabang listahan ng casting ay pinuno ni Richard Gomez bilang Renato na ama ni Sergio, Manilyn Reynes bilang Corazon, ang mabait na yaya, at syempre si Nadine Samonte bilang Angelica at marami pang iba.

Ngunit sa kagustuhang pahabain pa ang tv series kaya sadyang napaiba na ang takbo ng istorya. Nadagdag ang palabok na kapatid pala ni Marimar ang mortal niyang kalaban na si Angelica. Maganda sana ang naging takbo ng karugtong na kuwento ng local version ngunit hindi na ito naging katanggap-tanggap sa mga audience na gumagamit ng kanilang isip. Ang advantage lang ng Marimar ay hindi makabitaw ang mga audience dahil matagal na nila itong sinubaybayan kaya kahit hindi na maganda ang nangyayari ay patuloy pa rin silang nanonood.

Si Angelica ay isang kontrabida na parang anak ni Satanas sa kasamaan. Ang isang taong ubod ng sama na katulad ni Angelica ay nakapagtatakang naging maganda, matalino at mahusay sa lahat ng uri ng labanan. Ang isang nakapagtataka rin ay ang pagiging magkapatid ni Marimar at Angelica. At sa kabila ng katotohanang magkapatid nga sila ay hindi pa rin nahinto ang katusuhan ni Angelica kaya patuloy pa rin ang kanilang pagtutunggali.

Noong umpisa ay napakalambot ng katauhan ni Marimar. Nagustuhan niya si Sergio dahil ang lalake ay may matigas na disposisyon at matapang na katauhan. Sa kanilang paghihiwalay at muling pagkikita ay parang imposible ang nangyari. Dating mayaman ay naging mahirap si Sergio at si Marimar na dating inosente at mahirap ay biglang yumaman, naging matalino at nagkaroon ng matibay na disposisyon sa buhay. Kung noong umpisa ay hinahabol niya si Sergio, sa kanilang muling pagtatagpo ay parang pinaglalaruan pa ni Marimar ang kahinaan ni Sergio. Nakakapagtaka naman na naging mahina ang pagkatao ni Sergio.

Ang anak ni Marimar kay Sergio ay isang normal na bata. Ngunit ang nalihis sa logic ay ang lagi na lang nitong pagkakaroon ng problema. Sabi nga ng ilang tagasubaybay, “Kawawang bata naman yan hindi na nawalan ng problema. Ipinanganak na walang ama tapos nakilala rin niya ang ama pero hindi napanuto ang pagsasama ng pamilya nila.” Halatang wala ng maisip ang mga writers kaya kahit sa manhole ay inihulog si Cruzita na naging dahilan ng kanyang pagkakasakit. Talagang kapansin-pansin na majority ng eksena ng Cruzita ay puro iyakan.

Sa pamamagitan ng gamot ay ginawang baliw ni Angelica ang asawa niyang si Renato. Ang mga Santibañez ay mayamang pamilya at maraming tauhan mula sa driver at kasambahay kaya hindi kapani-paniwala na maitatago ni Angelica ang ginagawa niyang kalokohan sa asawa niya. Matagal na panahon ang “therapy” na ginawa ni Angelica para mabaliw si Renato. At kahit pilit na nilalabanan ni Renato ang gamot ay hindi naman niya mapanatili ang kanyang katinuan. Para namang walang ibang kamag-anak o kaibigan si Renato para hindi siya hanapin.

Bukod sa natural na kasamaan ni Angelica ay ipinakita rin ang pagiging gahaman ng tao sa pera. Ngunit sumobra na sa pagkagahaman sa pera ang mga tao sa Marimar dahil halos lahat ng taong matipuhan ni Angelica para hatakin sa paggawa ng kasamaan ay pumapayag na bayaran sila. At kahit ang kaibigan niyang si Monica na isang naïve at natural na mabait ay nagamit din ni Angelica sa kanyang mga masasamang gawain. Nang magka-kontra ang salita ni Angelica laban sa asawa ni Monica ay si Angelica ang kinampihan ni Monica kahit alam niyang mali ang kaibigan. This time ay nawala sa character niyang naïve si Monica at halata na ang kamalian ng scriptwriter.

Sa pagsusulat ay may tinatawag na Deus Ex Machina. Ito ang hulog ng langit upang makawala ang bida sa isang situation. Para sa mga matitinong writers ay taboo ang paggamit ng Deus Ex Machina dahil nawawala sa logic ang takbo ng istorya.

Sa Marimar ay parang Deus Ex Machina ang nangyayari kay Angelica. Lahat ng kanyang pakikipaglaban ay napagwawagian niya sa tulong ng pagkakataon. Ang circumstances o ang pag-ayon ng pagkakataon ay dapat gamitin ng writer na paminsan-minsan lamang (sparingly) dahil kapag madalas na ganun na ay hindi na kapani-paniwala ang kuwento. At sa mga balak ni Angelica ay biglang naglilitawan ang kuneksyon na dati namang wala gaya ng tatay-tatayan niyang tutulong upang makatakas siya sa kulungan.

Ang mga pangyayari o mga nangyayari sa kuwento ng Marimar ay masyadong maaksyon at hindi makatotohanan kung ikukumpara sa totoong buhay. Sabi nga ng isang tv viewer, “kung totoo lahat yan ay malamang na na-hypertension na silang lahat dahil sa walang katapusang problema. Laging tense ang situation at walang pahinga sa problema.” Pagka-resolved kasi ng isang situation ay eto na naman at may panibagong conflict na sisibol. And the conflict almost always focuses on the rivalry between Marimar and Angelica.

Ang Marimar ay isang good example ng bastardized writing. Ibig sabihin nyan ay nasisira ang diskarte ng writer dahil sa mga imposibleng ipinagagawa sa kanya. Kadalasan na ang takbo ng istorya ay nasa direktor at head writer at kung minsan naman ay nasusunod ang gusto ng producer. At any rate, ang ipinagagawang script ay masyadong mahirap kaya hindi mapagtakpan ng writer ang mga butas at lumilitaw na imposible na nga ang nangyayari. Ganyan ang kapalaran ng mga writers sa tv. Katulad ng Marimar, hindi nila ma-control ang takbo ng pangyayari at ang dikta ng kapalaran. Sa tv ay para bang ang mga sponsors ang nagpapatakbo ng istorya.

Pero in fairness sa Marimar, puro mahuhusay sa acting ang cast. Kapuri-puri ang pagganap sa closet gay ni Marky Lopez dahil makatotohanan ang kanyang acting bilang Arturo. Ang batang Cruzita ay kapuri-puri rin dahil sa hirap ng pag-iyak niya at totohanan ang kanyang pamamalat. Syempre hindi makakalampas sa ating mata ang husay sa acting ng lead characters sa pangunguna ni Marian Rivera, Dingdong Dantes at Katrina Halili.

At sa pagtatapos ng Marimar, namatay rin sa wakas ang dapat mamatay. Isang malaking piging at live pa na parang victory party ang naging ending kung saan dumalo ang halos lahat ng artista pati na ang mga namatay sa kuwento gaya ni Leo Martinez at Bing Loyzaga. Kahit naging over sa halikan ay nilasap ng audience ang makatotohanang dekorasyon at handaan ng kasal ni Marimar at Sergio.

At kung baga sa sinehan, ang mga manonood ay masigabong nagpalakpakan sa pagtatapos ng teledrama na kanilang sinubaybayan ng ilang buwan. Malamang, ang palakpak ay hindi dahil maganda ang palabas kundi dahil natapos na rin. Haay, salamat po at uumpisahan na ang Dyesebel.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can also be posted at www.filmacademyphil.org/forum/