Apr 04
LEO MARTINEZ: KONTRA-BIDA NA RIN? by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 4, 2008

Maraming beses na niya tayong pinatawa sa kakaiba at nakatutuwang pagpapatawa niya. Maraming beses na rin niya tayong pinag-isip sa mga kalokohan niya. May mga pagkakataon din na medyo naiinis tayo sa mga pinaggagawa niya bilang si Congressman Manhik-Manaog sa mga teleserye o sitcom na ginagampanan niya. At may pagkakataon pa na kinaawaan natin siya sa role bilang si Lolo Pancho sa Marimar na kung saan ay sinunog sila sa loob ng bahay na kanilang tinitirhan.


art-080404-leo-martinez-kontrabida-na-rin.JPG

Kung anu-anong role na ang pinagampanan kay Leo. Pero ang isang hinahangaan sa kanya ay ang kakaiba niyang punto sa pagsasalita. Bilang isang Batangenyo ay hindi niya iniaalis ang pagsasalita ng isang probinsiyano.

Subali’t sa pinakabagong teleserye na mapapanood sa Channel 7 ang Kaputol ng Isang Awit, si Leo ay kinaiinisan. Kasusuklaman at halos ipanalangin na ng mga ginang ng tahanan na �Sana raw ay mamatay na agad sa pelikula para hindi na niya apihin ang kanyang apo na si Glaiza De Castro.

Dahil dito, minarapat naming iparating kay Leo ang mga naririnig naming feedback ng mga nakakapanood sa kanya. Na galit na galit ang mga ginang ng tahanan at maging ang mga kabataan sa role na kanyang ginagampanan.

“Tawagan nga nang tawagan sa akin ang aking mga kaibigan at mga kamag-anak,” ang natatawang pahayag ni G. Leo Martinez na bukod sa pagiging isang sikat na artista ay siya pa rin ang Director-General ng Film Academy of the Philippines. “Bakit ko raw tinangap ang role na iyon na isang malupit na lolo”

Ang sabi’y “wala tayong magagawa dahil iyon ang role na ibinibigay sa atin ng director ng naturang teleserye. At maganda naman ang resulta dahil naging top rated agad ang aming tele-drama. Nakakuha agad ito ng 28 percent sa una-una pa lamang survey. Kung tutuusin ay napakaaga ng oras naming. Alas kuwatro ng hapon.”

“Pero gaya nga ng mga nasabi mo sa akin, marami agad ang sumusubaybay rito at pinupuna nila ang pagmamalupit ko sa aking apo. Ang totoo’y hindi ko dapat gawin iyon bilang isang lolo, peo kailangang ma-establish ang karakter ko para lalong magsikap ang aking apo upang marating niya ang tagumpay na minimithi niya.”

“Sa naturang teleserye, anak ko si Snooky Serna, Nagkaroon siya ng nobyo na isang singer sa ibang banda o combo. Naanakan siya. Kambal sina Glaiza at si Jennilyn Mercado. Nagkahiwalay ang magkapatid. Sumikat si Jennilyn, samantalang si Glaiza ay naiwan sa akin. Dahil nagkalayo sina Snooky at Gary Estrada, nagkaroon ng mental block ang aking anak. Mula noon ay nagalit ako kay Gary at sa lahat ng singer.”

“May pagkakataon pa na pati ang kopya ng awitin na sinulat ni Gary para sa aking anak ay sinunog ko at ayokong maging ebidensiya ni Glaiza para makilala ang kanyang ama. Galit na galit sa akin ang aking apo at halos isumpa niya ako. Masyado akong malupit sa teleserye na ito. Pero ano ang magagawa natin kundi gampanan ang role na ibinibigay sa atin ng director.”

“Pag ikaw ay kontra-bida at nagawa mong magalit sa iyo ang mga nanonood, epektibo ang role mo. Kagaya rin sa pagpapatawa. Kapag umarte ka nang nakakatawa at napatawa mo ang tao, epektibo kang comedian at matatandaan ka ng publiko.”

“Hindi naman dapat na stick to one role ka lang. Mas maganda iyong kahit saan ka ilagay ay pupuwede ka at hahangaan. Iyon ang tunay na artista sa tunay na kahulugan ng salitang ito. Kaya naman nag-papasalamat ako sa producer at direktor namin sa pagbibigay ng magandang role sa akin, Naiiba at markado talaga,” ang pagwawakas na pahayag ni G. Leo Martinez sa amin.

Bukod sa pagganap sa mga sitcom, teleserye at pelikula, si Leo ay hahangaan din bilang komentarista sa radio. Palagiang mapapakingan ang kanyang programang Kapit-Bayan sa DWIC. Dito’y kasama niya sa pag-kokomentaryo si Mayor Jejomar Binay ng Makati City. Itinatampok din nila ang kultura at mga magagandang kaugaliang Pinoy na dapat gayahin at tularan sa ating bagong panahon. Ito’y mapapakinggan tuwing ika- 5:00 hanggang ika-6:00 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/