Mar 14
ISTORYANG PINOY KOMIKS, PATOK PA RIN NGAYON by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Mar 14, 2008

Sa wari ay nagkaroon ng unti-unting pag-asa ang mga batikan at datihang manunulat sa pelikula at telebisyon nang muling mabuksan ang pintuan ng mga higanteng network o television station sa kanila. Kung kayo’y palagiang nanonood sa telebisyon, particular na ang mga teleserye, mapapansin ninyo na ang mga inilalabas na mga kasaysayan o mga istorya ay iyong dati nang naisapelikula.

Kamakailan lamang ay lumang sumikat at nakilalang istorya sa komiks ang muling ipinalabas sa Channel 7 at Channel 2. Ang mga ito’y ang Kamandag na sinulat ni Carlo J. Caparas at ang Palos na sinulat naman ni Virgilio Redondo. Ang Palos ay ginampanan noon ni Bernard Bonnin at ngayon ay ginagampanan naman ni Cesar Montano.

Bukod sa dalawang nabanggit na istorya, napanood na rin natin ang mga teleserye na Kampanerang Kuba, Maging Sino Ka Man, Pasan Ko ang Daigdig, Di Natutulog ang Diyos, Captain Barbell, Joaquin Bordado, Lastikman, Darna at marami pang iba. At kamakailan lamang ay napabalita rin na muling iteteleserye ang Dyesebel na ginampanan naman ng mga sikat at mga premyado nating artista.

Kabilang sa mga gumanap sa pelikulang Dyesebel ay sina Edna Luna, Vilma Santos at Charlene Gonzales. Ang pinaka-latest ay sinasabing gagampanan naman ngayon ni Marian Rivera na sumikat at nakilala sa teleserye na Marimar. Dito’y makakatambal niya si Dindong Dantes na leading man din niya sa Marimar.

Ang isa pang matunog na matunog na muling ite-teleserye ay ang Eva Fonda 16 na sinulat ng pangulo ng Screenwriter’s Guild of the Philippines na si Pablo S. Gomez. Bagama’t ito’y naisapelikula na rin noon, sinasabing iba na ang istorya nito ngayon. Ito’y ginampanan noon ni Alma Moreno at ngayon ay sinasabing gagampanan ni Christine Reyes na nakababatang kapatid ni Ara Mina.

Ayon na rin kay G. Gomez: “Magandang hakbang ito para sa mga katulad kong writer na ang mga sinulat naming istorya noon na naibigan at sinubaybayan ng publiko ay muling ibabalik ngayon. Hindi lang kami kikita kungdi magkakaroon din ng bagong sigla ang mga katulad kong writer na unti-unti nang nawawalan ng pag-asa.

“Ang totoo, natutuwa ako’t hanggang ngayon ay buhay pa ako. Napapa-kinabangan ko pa ang produkto ng aking isipan at pinagpaguran noon araw. Hindi katulad ng mga kapanabay kong writer na ang nakikinabang na lang ay ang kanilang mga anak at mga kamag-anak. Ang iba pa nga ay pinag-aawayan pa kung kanino mapupunta ang bayad para sa television rights. Ako, heto at naipambabayad ko pa ang pera sa mga obligasyon ko.

Masuwerte rin ang mga anak ni Mars Ravelo dahil may kung ilang ulit nang naisasapelikula ang mga istorya ng tatay nila, pero heto at muling ilalabas pa rin sa telebisyon. Talagang sobra-sobra na ang pakinabang, hindi ba? Naniniwala ako na bawa’t panahon ay may tao at bawa’t tao ay may panahon.

“Sabi ng iba, nakakasulat pa raw ba ako? Hindi raw ba matanda na ako at uugod-ugod na? Natatawa lang ako sa mga nagtatanong na iyon. Lalo na’t nakikita nila ako, nagugulat na lamang sila at nagtatanong: Ako raw ba ang Pablo S. Gomez na hinahangaan pa nila noon?”

“Ngiti lang ang itinutugon ko sa mga naririnig kong iyon. At sabi ko nga sa mga kasama kong writer, hanggang maliwanag ang isip ko ay susulat at susulat ako ng mga istorya hangga’t kaya ko. Basta’t kung may magpapasulat ay sabihin lang ang tema at susulat ako.

“Nakatutuwa ring isipin na patok na patok pa rin ang istorya ng mga Pinoy sa mga kababayan natin. Unti-unti ay nababawasan na ang pag-angkat ng mga television network ng mga istorya sa ibang bansa gaya ng Korea, Mexico at iba pa. Kung bagama’t revival ang mga istorya, okey na rin iyon dahil nababago naman ang takbo ng kasaysayan.

“Magagaling ang mga writers ng Channel 2 at Channel 7. Ang mga istoryang sinulat naming noon ay nabibigyan nila ng mga bagong twist at napapaganda pa nila. Kaya hindi rin dapat magtampo o magalit ang mga datihang writer kung nababago ang istorya nila. Iyon naman ay sa ikabubuti rin ng tele-serye para patuloy na panabikan at subaybayan.

“Inuulit ko, maganda at nakapagbibigay pag-asa ang ginagawa ng mga television network para sa aming mga writer. Hindi lang ako ang mabibigyan nito. Marami pa sa amin ang makikinabang pagdating ng panahon at pagkakitaan,” ang masayang pagwawakas ni G. Pablo S. Gomez.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/