Mar 31
TIMBANGAN NI EBA’T ADAN by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Tue, Mar 31, 2015

Third prize/Students Category
Ni Christine Joy O. Valenzuela
Ramon Magsaysay Cubao High School

Sa ika-40 pagdiriwang ng Metro Manila Film Festival (MMFF), naging tulay itong muli upang maka-paghandog ng mga hindi matatawarang ganda ng mga pelikula, na talaga naming kinapulutan ng maraming aral, tinangkilik ng maraming puso’t damdamin, at higit sa lahat, mas binigyan-kahulugan ang kahalagahan at respetong dapat na ibinibigay sa sariling kakayahan ng mga kalalakiha’t kababaihan.

Ipinakita ng pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” na ang kalalakiha’t kababaihan ay may pagkakaiba man sa pisikal, emosyonal at mental na aspeto, magkatulad namang may sari-sariling talento, kakayahan at kalakasan. Ipinakita ito sa katauhan ng mga kasapi ng kilusang Kataastaasan, Kagalanggalangan na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na pinamunuan ni Bonifacio o Supremo, at ni Oriang at ng iba pang may mabubuting loob na mga Pilipina. Ang naging pangunahing tungkulin noon ng mga katipunero ay ang pakikidigma sa mga Kastila, upang maputol na ang pagiging alipin at indyo ng mga Pilipino sa sariling bansa. Samantalang ang naging laban naman nina Oriang, Tandang Sora at ng iba pang mga Pilipina ay tulungan, arugain at pagalingin ang mga sugatang katipunero’t mandirigma. Magkaiba man ang naging pananagutan ng mga Pilipino’t Pilipina noon, mapapatunayan naman na pantay ang kanilang naging ambag sa lipunan dahil ito ang kanilang mga kakayaha’t kalakasan.

Isa pa sa pangyayari sa pelikula na nagsusulong ng pagiging pantay ng pagkatao ng mga kalalakiha’t kababaihan na hindi nagiging batayan ang kasarian, ay ang konsepto ng edukasyon. Kung noon ay ang mga kalalakihan lamang ang may karapatang pumasok sa eskwelahan at matuto, ipinakita ng pelikulang ito na maski ang mga kababaihan ay may angkin ring talino na dapat pang malinang sa paaralan. Ipinakita rito na marapat lamang na maging pantay ang karapatan ng mga kalalakiha’t kababaihan lalo na sa aspeto ng edukasyon.

Tandaan natin na ang pagpapakita ng inyong mga abilidad at talino ay hindi nababatay king anong kasarian mo, na ang timbangan ng mga nagawang kabutihan ay laging pantay para kay Eba’t Adan. Ang mahalaga ay nagagawa natin sa abot ng ating makakaya ang ating mga responsibilidad sa Diyos, sa ating tahanan, sa kapwa at lalong-lalo na sa lipunang ating ginagalawan.