Mar 31
SA TOTOO LANG, HANDA KA NA BA? by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Tue, Mar 31, 2015

Third prize/Teachers category
Ni Cesario G. Britanico
Maligaya High School

Kaalinsabay sa pagbabago sa ating mundo ang malawakang globalisasyon at modernisasyon. Ito ang nag-uudyok sa atin upang tanggapin ang mga pagbabago sa ating buhay kahit pilit nitong sinasalungat ang ating kultura, pananampalataya, paniniwala at prinsipyo bilang mga Pilipino dahil na rin sa mataas nating paggalang sa iba.

Sa totoo lang, handa na nga ba tayo sa pagbabago? O napipilitan nga lang ba tayong sumunod at tanggapin ang lahat? Isa nga ba itong pagbabalatkayo lamang sa pagtanggap ng katotohanan? Hanggang saan natin kailangan ipaglaban at patunayan ang ating pagkatao sa iba?

Ito ang nakita ko sa pelikulang The Amazing Praybeyt Benjamin 2, ang dalawang mahahalagang karakter nina Colonel Benjamin “Benjie” Santos III (Vice Ganda), taong naghahanap ng pantay na pagtingin sa kanyang lipunang ginagalawan at Commanding General Wilson Chua (Richard Yap), isang konserbatibong ama at sundalo na dumaraan sa proseso at hamon ng makabagong mundo.

Kung ating susuriin ang naging pahayag ni Benjie: Hindi lang ako basta bakla! sa kanyang kalaban na si Janjaranjan (Tom Rodriguez) matapos niya itong matalo sa labanan bilang tugon sa naging pahayag nito sa kanya na “Di mo ako kaya, isa ka lang bakla.” Kung tutuusin sa mga ganitong pahayag ang tulad ni Benjie ay nakararamdam ng di-pantay na pagtingin sa kanyang kapwa kaya’t humahantong ang lahat sa pagpapatunay o pagpapakita ng kanilang kakayahan matanggap lamang ng lipunang ginagalawan. At kahit busog sa pagmamahal ng pamilya o mga mahal sa buhay, hinahanap pa rin ni Benjie ang pagtanggap ng iba. Kung sa bagay lahat naman ng tao ay naghahanap ng atensyon at pagkilala mula sa iba.

Sa kabilang dako, itong si General Chua ay napilitang pakisamahan si Benjie bilang tugon sa utos ng nakatataas sa kanya kahit labag ito sa kanyang kalooban. Napilitan lamang siyang tangggapin sa kanyang buhay ang isang Benjie, ngunit sa bandang huli lumabas din ang tunay na kulay ni General Chua nang maunahan siya ni Benjie na mahanap ang mga bomba. Dito lumalabas ang machismong pag-iisip at takot na masapawan lamang ng isang bakla ang isang tunay na lalaki.

Kadalasan sa mga ganitong tagpo ang tao ay nakukulong sa kanyang maling pag-iisip. At ito ay nagiging hadlang sa pagtanggap natin sa iba patunay lamang na hindi tayo lubusang handa sa pagbabago. Maaaring dahil sa ating mga kinasanayan, lumang gawi at pag-iisip na pilit natin kinalilimutan kung ano ang mas mahalaga at dapat isinasaalang-alang. Ang paggalang sa karapatan ng tao. Ang pinakamahalagang turo ng Maykapal, na maliban sa pagmamahal sa Diyos ang ikalawa ay pagmamahal sa iyong kapwa. Paano ba natin ito maipapakita? Di ba’t sa pamamagitan ng paggalang sa lahat ng tao kahit anuman ang kanilang lahi, paniniwala at pinagmulan. Kung nagkaroon lamang ng paggalang sa mga karapatan sa pelikula, naiwasan sana ang mga alitan at hidwaan.

Sa bandang huli, hindi nasusukat sa panlabas na kaanyuan ng isang tao ang nilalaman at minimithi ng kanyang puso. Tandaan natin ang isang paglalakbay sa buhay ay hindi natatapos sa isang hakbang, ito’y patuloy na paglayag sa mapanghamong kapalaran. Kaya ikaw, sa totoo lang, handa ka na ba?