Feb 08
KAPE AT GATAS (Part 2) by Rendt Viray  |  Posted in Articles  |  on Fri, Feb 8, 2008

(Unang nilathala nuong Pebrero 28, 2006 sa Yahoo E-group ng mga Vilmanians)

Fast forward sa kasalukuyan. Kumakanta pa rin naman ang manganganta ng Iriga pero hindi na po sa sarili niyang palatuntunan. Sa mga maliliit na venue sa Amerika. At hindi na mainit ang mga nagiging resulta ng mga konsierto kuno ng idolo ng mga umiinom ng kape. Samantala si Ate Vi, sumasayaw pa rin dahil sa mga hiling ng mga tagahanga niya at tagasuporta. Makikita ang galing pa rin niya katulad ng pagsayaw niya kasama ang kanyang minamahal na simpatikong senador sa mga pagtitipon sa Lipa. At ang pinaka-sorpresa, ang mga kanta ni Ate Vi nuong dekada 70 ay ibinalik at pinalabas muli. Bakit kaya samantalang hindi naman siya manganganta?

Dahil mainit pa rin ang kanyang ningning. Dahil ito ang hanap ng mga tao. Ang gatas patuloy pa ring sariwa samantalang ang kape ay malamig na’t walang lasa. Ang gatas patuloy na nagdudulot ng magandang kalusugan duon sa mga gustong sumuporta sa kanya samantalang ang kape’y pait at sakit sa katawan ang resulta.

Wala na pong boses ang manganganta samantalang dahil sa pagiingat sa katawan at mahusay, matalinong pangangalaga magaling pa ring sumayaw ang mananayaw.

Sa mga manang, ang babaeng Pilipina ay ang mahinhin at ang laging “po” at “opo“ ang bigkas, Si Nora Dolorosa. Samantala ang laging pinipintasan ng mga relihiyoso’t konserbatibong tagasubabay ni Nora Dolorosa’y sinasabihan nilang hindi imahen ng isang mahinhin na dalagang Pilipina ay ang tunay na Pilipina. Bakit? Hindi kasi nakukuha ang imahen ng isang tunay na Pilipina sa pagsasalita lang ng “po” at “opo.” Hindi rin nakukuha ito sa kulay ng balat. Kung ang kulay man ni Nura’y kayumanggi hindi nangangahulugang siya na ang tunay na imahen ng isang babaeng Pilipina.

Tinedyer na ako nang mapatunayan ko na ang kayumanging Nora Dolorosa’y hindi ang tunay na imahen ng tunay na Pilipina. Marami ang nagsasabi na kung manigarilyo siya’y parang pugon at kung uminom ng alak parang tubig lang ito. Na Itinangi ng mga tagahanga niya. Kung tutuo man ito, nanatili pa rin ang mga istoryang ganito magpahanggang ngayon.

Samantala ang pangiti-ngiting si Ate Vi ay laging napapagkamalang ka-“plastikan.” Pero sa tutuo, ito talaga ang nasa loob niya. Ang maging magiliw. Ito talaga ang likas sa kanyang ugali. Nang magdekada 80, lalong naging malinaw kung sino ang talagang may imahen ng tunay na Pilipina. Ilang lalaki ba ang naging kalaguyo ni Nora samantalang si Vilma ay natutong lumagay sa tahimik at nagpakasal.

Dekada 90 nang naging laging laman si Nora ng mga kasino at pasugalan. Ito ay nababasa sa mga pahayagan. Kung tutoo man ito o hindi, hanggang ngayon ay mayroong mga manunulat na nagsusulat tungkol sa kanyang pagkakasino, maging ngayong nasa Amerika na siya. Samantalang naging seryosong muli ang buhay pag-ibig si Ate Vi at tuluyan na niyang pinagbuti ang buhay pamilya niya.

Paanong magiging isang imahen ng tunay na Pilipina si Nura Dolorosa? Mahinhin at panay “po“ at “opo” at may kayumangging kaligatan pero tadtad ng mga balita sa kanya tungkol sa kanyang pagsusugal, pag-inom ng alak, pagkaka-involve sa kaso ng droga, at relasyon sa kapwa babae. Iyan bang pinagmamalaki ng mga manang? Mga nagmamalinis na kasapi ng mga relihiyon? Ang lagi nilang pinupuna na si Vilma dahil sa mga matatapang na papel nito sa pelikula na sinasabi nilang “bold” o “bomba” ay maliwanang na nanatiling tapat sa kanyang pamilya. Hinubog nito ang kanyang mga anak na maging isang tapat na mamamayan. Ang sinasabi nilang galawgaw ay ang naging tunay na imahen ng babaeng Pilipina. Iyan si Vilma. At ang kanilang pinagmamalaking magalang at may kayumanging kaligatan ay taliwas sa kanilang mga papuri dahil tadtad ito ng taliwas na imahen nila ng isang tunay na Pilipina.


art-kape-at-gatas-pic-4.JPG

Duon sa Tundo, nakagisnan ko ang mga pagtatalo ng mga umiinom ng kape at ng umiinom ng gatas. Sa mga maiinit na gabi, lalo itong nagiging maiinit kapag nagkikita-kita kaming magkakaibigan at nagumpisang mag-argumento tungkol sa kanilang dalawa. Sinong mas magaling sa pagganap? Sino ang mas magaling na aktres at sino ang nagpapanggap na aktres? Ako at ang mga kaibigan kong si Rikardo at Andres. Kakampi ko si Rikardo. Si Andres ang kalaban naming dalawa.

Nang panahong iyon lagi kaming nakakaungos sa pagtatalo dahil dalawa kami laban sa isa. Hanggang makahanap ng kakampi si Andres. Elvis ang name niya. Ang tawag ng mga tao sa kanya ay Elvira. Mataray siya. Magaling mamersonal. Si Elvira ay matanda sa aming lahat. Nang-gugupit sya ng buhok. Kapag nadedehado sa pagtatalo, sinisigawan niya kami ni Rikardo na mga pa-“sosyal.” At kahit saan pa kaming sosyal na kolehiyo nag-aaral, sa Tundo pa rin daw kami nakatira katulad ng idolo namin. Kung baga ang punto niya ang putik raw kahit balutin raw ng ginto putik pa rin. Ang mga gabing iyon wala kaming ginawa kundi mag-analisis ng mga arte ng dalawang aktres.

Si Vilma ay sunod sunod gumawa ng mga pelikulang drama. Merong mga pelikula si Nora pero kadalasan ay semplang sa takilya. Kung kumita man hindi kasing laki ng kita ng mga pelikula ni Vilma. Ilang taong sunod-sunod na Box Office Queen si Vilma. Nang dumating ang Burlesk Queen lalong naging mainit ang karir niya. Sunod-sunod na ang pagakyat ni Vilma sa tuktok samantalang si Nora ay pabulosok sa lupa. Kailan lang, mayroong manunulat na nagsabi na kinailangan ni Ate Vi na magpaseksi para maungusan si Nora. Hindi tutuo ito. Bago pa man gawin ni Ate Vi ang Burlesk Queen sunod sunod na ang mga malalaking pelikula ni Ate Vi na puro patok sa takilya. Samantalang ang mga pelikula ni Nora ay mga mild hit o mintis sa takilya.

Ang mga gabing iyon ang nagpapaalala sa akin kung gaano kahaba ang naging karanasan ni Ate Vi sa pagganap at hindi ito maihahalintulad sa idolo ng mga umiinom ng kape. Apat na Madonna ang katumbas kung sa pag-iimbento lang ng imahen ang nagawa ni Vilma. Tatlong Meryl Streep siguro ang katumbas kung sa pagganap siya ihahambing. Tulad ng kape, limitado si Nora sa pagganap. Samantalang ang gatas mas bersatil, puede sa soup, main course or dessert. Iyan si Ate Vi. Tama si Charito Solis, mas malawak ang kakayahan ni Ate Vi. Tama si Boots Anson Roa, merong iba’t ibang uri ng pagiyak si Ate Vi. Samantalang si Nora tirik ng mata, diin sa pananalita at kulukulubot na mukha sa page-emote ang kanyang kakayahan.

Sa mga tunay na nakakakilala ng pag-arte, ng pagganap makikita mo kung sino ang nagpapanggap na aktres dahil sa makikita mo kung sino ang umaarte lang at kung sino ang nagiging tauhan ng pagganap. Kapag pinapanood mo si Ate Vi nalilimutan mo kung sino siya, ang nakikita mo sa puting telon ay hindi si Ate Vi kundi ang tauhang kanyang ginagampanan.

Samantalang kapag pinapanood mo si Nura’y ang makikita mo’y ang pag-arte niya. Ang makikita mo’y si Nora, hindi ang tauhang kanyang ginagampanan. Kung baga talang nagpapanggap lamang siya. Hindi natural at talang arteng arte lamang. Kung baga masha-shock ka unang tingin kapag pinanood mo si Nora. Dahil sa kanyang kagimbal gimbal na pagarte. Kumpara naman sa mararamdaman mong malalim na emosyon sa mga pelikula ni Vilma. Sa mga pelikula ni Nora maaalala mo ang mga eksena kung saan nangdidilat ang kanyang mga mata. “hayop! hayop! hayop!”… “My brother is not a PIG!” “Walang himala!” maalala mo ang mga eksenang ito at masasabi mong “WOW!” ang galing naman. Pagkatapos wala na. Samantala kapag pinanood mo ang mga pelikula ni Ate Vi, paglabas mo ng sinehan, paguwi mo sa bahay, at paghiga mo sa higaan… patuloy ka pa ring magiisip, magtatanong, maninimdim.

Apektado ka. Hindi mo napuna na si Ate Vi iyong gumanap. Maaalala mo si Juliet, ang namatay na Cancer Victim sa Pahiram ng Isang Umaga. Maluluha ka sa sinapit ni Dolzura. Magagalit ka sa administrasyon dahil naisip mo ang mga binitiwang salita ni Sister Stella L. Malulungkot ka sa buhay ni Chato at ang pagbagsak ng sining ng pagsasayaw ng burlesk. At maiiyak ka sa pagsasara ng pinto ni Marilou kasama ng pagkamatay ni Emil at ng kanyang bawal na relasyon. Mahabang listahan pa. Kulang ang espayo. Sa mga pelikulang ito, hindi si Ate Vi ang makikita mo. Paano mong sasabihin hindi magnipiko ang mga pagganap na ito. Natural ang nilalaman. Hindi pagpapanggap. Parang tubig sa batis. Kung titignan mababaw pero malalim pala. Merong laman. Ito ang tunay na diin. Hindi lamang sa diin ng salita kundi diin ng emosyon. Nakatalikod man. Umiiyak ng walang tunog. Nalalaglag na luha. Sumisigaw. Naghihisterikal. Nahihimatay. Tumutulo ang uhog. Sari-saring emosyong hango sa tunay na buhay.


art-kape-at-gatas-pic-1.jpg

Kung naninimdim at nalulungkot, hindi na kailangang ipokus ang kamera sa mga mata ni Ate Vi para maipakita ang tunay na emosyon ng ordinaryong tao. Ito ang tunay na aktres.

Walang makakahigit pa sa reyna ng gatas. Ang siyensa na ang nagpasya. Nakaka-adik ang kape at tulad ng mga bagay na nakaka-adik, masama sa kalusugan. Samantala ang gatas, mula sa mga sanggol, dulot ay bitamina’t magandang kalusugan. Bagay na bagay na pagkukumpara.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/