Feb 08
MARAMI PANG AWARD NA MAKAKAMTAN SI PIOLO PASCUAL by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Feb 8, 2008

Marami ang humanga at bumilib sa natatanging talino at kakayahan ni Piolo Pascual, lalo’t pag-arte ang pag-uusapan. Ito’y nang mapanood ng mga kritiko si Piolo sa Maalala Mo Kaya sa kanilang series na pinamagatang Piso. Dito’y isang baliw ang ginampanan ni Piolo, isang dating propesor na dahil sa isang naganap na aksidente ay parang nakalog ang kanyang utak. Ang dating disente at pinagpipitaganang guro ay napabayaan ang sarili at gumawa ng mga bagay na kapintas-pintas sa ating lipunan.

Sabi ng mga nakapanood ng episode na iyon, talaga raw pinag-aralan ni Piolo ang kilos at galaw ng isang nasisiraan ng bait. Pati ang pagsasalita at ang panlilisik ng mga mata niya ay talagang kapani-paniwala. Lalo na’t nang ilayo sa kanya ang kanyang pamangkin na inaalagaan niya. Iyak nang iyak at naglulupasay si Piolo na parang isang batang munti.

Nakaka-touch din ang ginawa ni Piolo na pagdadala sa ospital sa kanyang pamangkin nang minsang magkaroon ito ng mataas na lagnat . Kahit nagtapak ito ay pinangko at itinakbo niya ang kanyang pamangkin sa ospital. Talagang hirap na hirap si Piolo at nagkapaltos-paltos ang kanyang mga paa sa layo nang tinakbo niya nang nakayapak. Kaya naman matapos maiabot sa mga nurses ang batang maysakit ay nawalan ng malay si Piolo.

Marami rin siyang pinaiyak nang tuksuhin siya ng mga bata at pagkaraan ay binato pa siya sa ulo. At sa halip na gumanti at magalit ay naluha na lamang siya at napayuko. Salamat sa isang lalaking teacher na nagtanggol sa kanya at inalo si Piolo. Isa raw ito sa mga naturuan niya at iniidolo siya nito dahil sa pagiging mabait at huwarang propesor

Naging makatotohanan ang bawa’t galaw ni Piolo. Halatang pinag-aralan niya nang husto ang karakter ng isang baliw. At sinasabi ng marami na kung pelikula ito ay tiyak na magkakamit ng awards si Piolo. May lalim ang naging pag-arte niya.

Kung natatandaan pa ninyo, ilang taon nang nakakaraan ay umani na rin ng mga parangal si Piolo sa pagganap niya sa pelikulang Dekada 70. Dito’y nakasama niya si Vilma Santos. Best Actor award ang nakamit niya sa FAMAS at Best Supporting Award ang iginawad sa kanya ng Film Academy of the Philippines. Nagkamit din siya ng Best Actor trophy sa pelikulang Milan na pinagtambalan nila ni Claudine Barreto

Sa pinakabagong television series na Lobo na mapapanood sa Channel 2 mula Lunes hanggang Biyernes, isang sundalo ang ginagampanan ni Piolo na dumanas ng hazing. Siya ang naatasang humuli at pumatay sa isang lobo na nang magkatawang-tao ay ginampanan ni Angel Locsin. Si Angel ang babaing mahal na mahal at sinasamba ni Noah o Piolo. Gayon na lang ang pag-iyak at pananangis ni Piolo.

Ayon na rin sa mga nakasaksi ng shooting ng naturang telenovela, talagang nag-ukol ng panahon at dedikasyon si Piolo sa pagpapalaki ng kanyang katawan para magmukha siyang military man. Isa kasi siyang PMA graduate kung kaya dapat lamang na talagang macho looking siya. Maging ang paghawak at pagpapaputok ng baril ay pinag-aralan din ni Piolo para maging makatotohanan ang role niya rito sa Lobo.

Nag-uukol din siya ng panahon para maging perpekto ang pag-arte niya. Kaya naman halos puro take 1 lang ang mga ginagawa sa kaniyang mga eksena. Sinisikap niyang huwag magkamali para hindi magalit ang direktor at ang mga nakakaeksena niya.

Sabi nga ni Angel Locsin: “Noon pa ay pangarap ko nang makatambal si Piolo. At natutuwa ako dahil natupad na ang pangarap na iyon sa teleserye na Lobo. Kayganda ng mga eksena namin. Talagang ma-iinspired ka dahil mahusay umarte si Piolo at napakabait pa niyang kasama. Very gentlemanly siya,” aniya pa

“Marami ang nagpapantasya na makatambal si Piolo Pascual. Maging ang mga katulad kong artistang babae ay nagnanais na makasama siya sa pelikula at telebisyon. Kaya naman maligaya na ako dahil natupad na ang pangarap kong iyon,” ang sabi pa ni Angel Locsin.

Sa kasalukuyan, si Piolo ang isa sa hottest at itinuturing na sexiest actor sa Philippine cinema. Isa rin siya sa pinakapaboritong commercial endorser. Katunayan, siya ang modelo bilang kupido sa commercial ng Clear. Endorser din siya ng MAX’s Fried Chicken, Centrum at San Mig Coffee.

Marami pang awards na tatangapin si Piolo Pascual. Ito ang paniniguro ng mga moviegoer at mga kritiko ng ating pelikulang Pilipino. At huwag lang mababago ang direksiyon ni Piolo, sa darating na panahon ay magiging multi-awarded actor ito gaya nina Fernando Poe, Jr., Joseph Estrada at Christopher De Leon.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/