Feb 01
KAPE AT GATAS by Rendt Viray  |  Posted in Articles  |  on Fri, Feb 1, 2008

(Unang nilathala nuong Pebrero 28, 2006 sa Yahoo E-group ng mga Vilmanians)

Magmula pagkabata, natanim sa utak ko ang mahabang pagtatalo tungkol sa kung sino ang mas magaling. Si Vilma o si Nora? Sa mura kong kaisipan, mas magaling si Darna kaysa kay Super G dahil bukod sa mas maganda ang costume nito ay lumilipad pa ito!

Sa mga may kaisipan na nang panahong iyon, ang paghahambing sa dalawa’y lagi nilang tinataguriang kape’t gatas. Sabi ng mga nakakatanda, si Vilma ay ang gatas at si Nora ang kape. Marahil ito ay pagkukumpara sa kutis singkamas ni Vilma sa kayumanging kutis ng Bikolanang si Nora. Talagang kung ikukumpara mo sila’y laging magkasalungat. Tunay na kape’t gatas.

Kung ang kape’y nakaka-adik ganyan marahil ang mga nararamdaman ng mga Noranians. Karamihan lahat ay magsasabi na walang masama kung uminom ka ng kape pero kung ilang basong caffeine ang ilalagay mo sa iyong sistema hindi na ito mainam sa iyong kalusugan.

Kung ikukumpara mo naman sa gatas, ang sustansiyang makukuha mo’y mas malawak. Bukod sa tumutulong ito upang ang mga bata’y lumakas at lumaki, sa pagtanda mo’y makakatulong rin ito upang maiwasan ang mga karamdamang nauukol sa buto.


art-kape-at-gatas-pic-2.JPG

Kapag naiisip ko, kung si Nora ay ang kape at si Vilma ang gatas, talagang kahit saang angulo mo isipin na-aangkop ang mga komentong ito sa kalagayan ng dalawang aktres. Nakaka-adik ang talento ni Nora… parang kape. Magigising ka sa mga unang lagok. Makakatulong itong gisingin ang iyong sistema lalo pa’t ika’y merong mga tinatapos na proyekto. Kung istudyante man o trabahador, nakakatulong ito sa pagpapalipas ng oras, ng mga aksiyon. Pero sa mahabang panahong paginom mo ng kape, nakakasama ito sa iyong kalusugan. Nagkakaroon ng mantsa ang iyong mga ngipin. Nagiging hudyat ito ng kadalasang simula ng migraine. Ng mga sakit sa ulo. Ng mga sakit sa sikmura. Lalo pa kung sasabayan ng sigarilyo. O hindi mo ba naiisip na merong masamang epekto ito sa utak? Nawawala ang paglawak at pagtanggap ng katotohanan. Pangkaisipan. Nawawala sa tamang oras at panahon. Minsan nasa dekada 70 pa rin ang alaala pero 2008 na ang taong nilalakbay. Ito ang kape. Angkop na angkop sa kalagayan ni Nura.

Ang maaliwalas na gatas, si Ate Vi. Kung iisipin mo, hindi ba’t kailangan pa ng gatas upang sumarap ang timpla ng kape? Paano dulot ng gatas ay bitamina at sarap. Hindi lamang ang kape ang may kailangan sa malinamnam na gatas. Mas lalong sasarap ang mainit na tsaa o mainit na tsokolate kung merong sariwang gatas? Tiyak na aminado kayo. Hindi lamang ang mga bata ang kailangan ng mga bitamina ng gatas, maging ang mga atleto at ang mga matatanda umiiwas sa sakit na dulot ng katandaan. Hindi nga ba’t pati ang may sakit sa mga sikmura ay binibigyan ng gatas upang maibsan ang mga dinaramdam nila? Pati na rin ang mga taong merong bisyo sa gamot upang bumaba ang pakiramdam na “high”, binibigyan ng gatas. Paano nakaapak sa lupa ang biyaya ng gatas. Ito ang gatas. Angkop na angkop sa kalagayan ni Vilma.

Talagang kung babalikan ko ngayon kapeng-kape si Nura at gatas na gatas si Ate Vi. Hindi nga ba’t ang turing ng taong bayan ng Lipa, si Ate Vi’y inang bayan dulot ay kaginhawaan, dulot ay ligaya, dulot ay kalusugan ng mga bata’t mga mamamayan. Samantalang si Nora ang dulot ay pait ng lasa ng napabayaang kape. Kulang sa tapang at hindi na mainit. Masakit mang tanggapin ng mga umiinom ng kape, hindi na nila iinumin ito lalo’t pa’t malamig pa sa yelo’t hindi na ito kaka-brew lang. Mapait sa panlasa. Ang resulta sa lababo ang bagsak. Kawawang kape.

Ilang pang pagkukumpara…nuong ako’y naging tinedyer na, nuong ako’y nasa high school, napuna ko nuon na halos lahat ng mga kaibigan kung bakla ang gusto nila si Ate Vi. Paano naman talagang super ganda na, super seksi pa at laging hinahabol ng mga poging aktor. At ano naman ang napuna ko sa idolo ng kabila?


art-kape-at-gatas-pic-3.jpg

Si Nora ang idolo ng mga kuya. As in mga “tibo.” Tutuo po ito. Wala namang masama rito. Katunayan marami akong mga kaibigang tibo na maka-Nora. Sila pa nga ang nagtatanggol sa akin kapag merong mga tumutukso sa aking “atseng” “klabeng” at “bading.” Talagang sila po ang katuwang ng mga tribo ng “divah Vilma”. Ang tawag ko sa kanila’y mga “AmasonaGUY” Paano talaga pong pati pagkilos nila’y Nurang-nura. Pati “po” at “opo.“ Aba kahit sa nickname pa lang merong ba namang babae na ang palayaw ay “GUY?!”

Si Ate Vi ay ang tunay na reyna ng mga bakla. Magmula sa kanyang paggiling giling sa Burlesk Queen at pag-e-emote sa Rubia Servios habang nire-rape ng machong-machong si Philip Salvador, talagang feel na feel ng mga tribong divah Vilma! Aba , walang papasok sa takilya kung si Nura ang rareypin ano poh! At ang pagdedeliber ng lines talagang baklang bakla si Ate Vi, ” Para kang karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain!!!”

Samantalang si Nura talagang bawat linya nya ay palaban na parang buksingero, merong diin sa dulo at may matsing tirik ng mata! “Hayop! hayop! hayop!” ang sigaw niya sa Ina Ka ng Anak Mo. O divah na-get mo? Tapos talagang pinangatawan ng mga AmasonaGuy ang kanilang pagmamahal kay Nura. Dinayo nila ang mga sinehan nuong panahon ng T-bird at Ako. Mild lang ang resulta sa takilya ng movie na ito paano naman hindi pantay ang bigat ng role, nadehado si Ate Vi buti na lang at nasolve ang billing. Pabilog. Aba , si Ate Vi yata ang reyna ng takilya. Lahat ng movie niya that year ay patok. Paano talagang mas marami ang tribo ng divah Vilma. At ngayon panahong ito, naglaho na ang mga AmasonaGuy dahil ngayon wala nang pa-mhin na tibo. Kahit nga si Aiza Siguerra nag-li-lipstick at nagsusuot ng gown (at least kapag may concert lang). So nawala na ang mga typecast na tibo. Nag-mainstream na rin sila. Parang Brokeback Mountain baga medyo natanggap na. Pero ang mga Divah Vilma, going strong pa rin. On top of the world ang mga bading na katulad ko. Accepted to the max unti-unti.

Musmos pa lang ako nakagihasnan ko na ang mga pagtatalo ng mga Noranians at Vilmanians. Maliwanag pa sa sikat ng araw tulad ng sinabi ko sa una, kape’t gatas. Kung manganganta ang bikolanang bulinggit, mananayaw naman ang orihinal na Tondo girl. Kitang-kita naman sa mga naunang tv show, ang galing ni Ate Vi sa pagsasayaw. Alam niya, wala siyang laban sa pagkanta. Alam ito ng direktor nilang si Tony Santos Sr. Alam ito ng mga dakilang tauhan ng mga radio tulad nina German at Kuya Ike, Inday Badiday, Eddie Ilagan at Ben David kung kaya kapag nariyan si Ate Vi, hindi pagkanta ang hiling ng lahat kundi ang ispesyal na pagsayaw. Tinedyer pa lamang si Ate Vi, talagang bonggang-bongga na ang mga production design ng bawat pagsasayaw niya. Nariyan ang folk dance na tinikling at muslim dance na meroong payong at pati na rin ang mga hula hula at Hawaian dance. Walang tatalo sa mga sayaw ni Ate Vi.

Sinubukan rin naman ni Nura ang pagsasayaw pero kahit po ang kanyang mga taga-hanga aminado na parang tuod po sa tigas ng katawan nito. Kumanta ka na lang mas bongga pa ang kadalasan na sinasabi ng mga tao. Dahil sa higpit ng labanan, kumanta na rin po si gatas! Aba ! himala ng mga himala, patok rin po sa pagkanta si Baby Vi! Busilak na ginto ang naging bunga ng mga kantang Sweet Sixteen, Bobby Bobby Bobby pati na rin ang mga duet nila ni Bobot Mortiz. Talagang palaban siya. Ang mga kanta ni Ate Vi ay talagang signature songs niya. Kapag narinig mo ang mga kanta niya alam na agad ng tao na si Ate Vi iyan. Kung ikukumpara kay Kape, aba anong signature song niya samantalang siya ang sinasabi nilang merong golden voice? Hindi puedeng sabihing kanya ang Impossible Dream o kahit ang Handog, no no no noh… wala po siyang signature song. Kung merong Tukso at Bakit si Eva Eugenio at Imelda Papin o Di Na Natuto at Anak si Gary V at Freddie Aguilar wala pong kantang kanyang-kanya na pinasikat niya si Nora.

Pagdating ng dekada 80 bumulusok lalo ang pagsikat ng mananayaw samantalang bumulusok rin naman ang karir ng manganganta. Yun nga lang tulad ng pagkukumpara natin sa kanila na kape’t gatas, pabagsak ang naging resulta nito. Sayaw, Vilma, Sayaw sa naglalakihang production number ng kanyang multi-awarded show Vilma! samantalang ang idolo ng mga umiinom ng kape ay naglaho. Tumiklop dahil wala ng produkto gustong maglagay ng kanilang mga ad. Ang manganganta’y hindi na kumakanta kundi nagli-lipsync. Kunwari kumakanta pero sumasabay lang sa mga tunog ng plaka. Kahit sino mang mangmang alam na hindi live ang mga kinakanta niya sa kanyang show na Superstar. Kung tutuusin dapat binago na ang name ng show niya dahil nang pumasok ang dekadang ito hindi na siya superstar dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na papalubog na ang kanyang karir. Daig pa niya ang kumakanta sa perya samantalang ang mananayaw ay pinananabikan sa tuwing magbubukas ang kanyang show dahil sa magarbo at talagang pinag-isipan na dance number.

(May karugtong)


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/