Jan 25
PESKY TV SHOWS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jan 25, 2008

Parami nang parami ang mga cable channels. Parami rin nang parami ang mga websites sa internet. At hindi na yata masusugpo ang paglaganap ng mga pirated video at audio. Sa kamurahan at kasikatan ng cell phone ay pangkaraniwan na rin ang cell phone games at text chatting. Mga ilan sa palatandaan na ang mga local TV channels ay papunta na rin sa direksyong tinatahak ng local movies. And because limited din ang oras ng mga tao kaya nagiging mahigpit at mabigat ang competition sa pag-aagawan sa leisure time ng mga Filipiino households.

Ito siguro ang dahilan kung bakit panay ang innovation ng mga local networks. Pero bakit imbes na pasulong ay parang paurong ang nangyayari sa mga palabas nila? Bakit pinipilit halukayin ang mga nasa baul ng kalumaan? Bakit nagkalat ang panggagaya ng mga foreign tv programs? Bakit nawawala ang sense ng mga kuwento? Bakit nagiging garapal ang hosting style ng mga noontime shows?

Umpisahan natin sa mga game shows at contests. Hindi lang isa o dalawa ang mga game shows na galing sa ibang bansa. Ito yung mga may franchise. At hindi biro ang ibinabayad nila para lang magamit nila ang existing format ng One versus One Hundred o ng Deal or No Deal o ng Kakasa Ka Ba Sa Grade 5? Pati ang Philippine Idol na ngayon ay ginawang Pinoy Idol ay balitang malaki ang bayad na franchise fee. Hindi nga ba’t nalugi ng 44 million pesos ang ABC-5 sa Philippine Idol dahil hindi gaanong kinagat ng viewers? Malapit na rin sigurong malugi ang Pinoy Big Brother dahil parang spagheting pababa nang pababa ang ratings. Dapat lang sigurong malugi dahil saan ka ba nakakita ng celebrity edition na wala ka namang makilalang celebrity kundi si Ethel Booba lang?

Ang tanong tuloy ng karamihan – wala na ba tayong mga creative people para mag-isip ng bago at original na game show? Akala ko ba ay magagaling ang mga Pinoy? Bakit magbabayad tayo ng malaking halaga para lang magaya ang mga palabas na copyrighted sa ibang bansa?

Kung sabagay, napakalaki din siguro ng bayad ng GMA-7 kay Manny Pacquiao para lang marinig ng mga viewers ang salitang “bisiklita.” Hindi naman porke sikat sa boxing ay puwedeng dalhin kahit saan. Kung tutuusin ay hindi naman kumita ang mga movies ni Pacquiao at kahit nga festival movie pa ang latest at produced pa niya ay flop din sa mga movie goers. Kailangan ba talagang athlete ang maging host dahil mga stunts at records ang ginagawa ng palabas? Baka mas maganda pa siguro kung ang magiging host ng Pinoy Records ay si Jose at Wally ng Eat Bulaga. Obvious namang sawang-sawa na ang mga tao kay Pacman.

Ang isa pang nakakasawa ay ang walang katapusang mga fantasy serials sa tv during primetime. Much more if one considers na puro rehash naman ang karamihan. Mula sa Darna at Kampanerang Kuba ay eto naman ngayon ang Marimar at paparating ang Dyesebel, Palos at Joaquin Burdado. Mga galing sa komiks na sariling atin man pero totoo namang mga inaagiw na sa kalumaan. Again, parang wala na tayong mga bagong writers o ang mga lumang writers ay wala na yatang bagong ideas.

Prime time tv is not only suffering from rehashed plots and stories. Kung absurdity ang pag-uusapan ay umaapaw ang absurdities sa mga soap sa primetime. For example, sa Marimar ay imposible na ang nangyayari na ang isang mortal enemy ni Marimar ay kanya palang kapatid sa ama. Sa Ysabella naman ay napaka-imposible rin na ang isang tao ay makakapagpanggap sa mga taong malalapit sa kanya. Nang mamatay ang Andrew character ni Ryan Agoncillo ay muli itong binuhay sa papel na Albert, kapatid (o kakambal) pero itong Albert ay Andrew pa rin ang papel sa harap ng close friend nyang si Ysabella. Another corny thing sa Ysabella ay hindi malaman ng writer kung sino ang talagang ipa-partner kay Judy Ann, kung si Derek Ramsay o si Ryan Agoncillo.

And to think na puro fantasy ang namamayagpag na palabas during prime time tv, ano na kaya ang magiging epekto nito sa psychology ng mga bata? On a positive note, mas magandang panoorin ang Lastikman o ang Zaido kaysa sa walang patumanggang awayan, sigawan at iyakan. Pero baka naman mawala sa reality ang kaisipan ng mga kabataan. Kaya siguro mas minabuti ng isang magulang na magpakabit ng DSL (costing 990 pesos per month) para mag-internet na lang daw ang anak niya kesa manood ng tv during prime time.

Sa noontime shows naman ay walang humpay ang exploitation sa mga contestants. Malaking halaga nga ang ibinibigay nila sa mga winning contestants pero pinipiga naman nila ang mga kawawang sumasali. Sa Wowowee ay pangkaraniwan na pinaiiyak ang contestant matapos ipakuwento ang kahirapan ng kanyang buhay. Sa Eat Bulaga naman ay halos paglaruan na nila ang pagkakamali ng mga contestants. Kapansin-pansin tuloy na ang mga contestants ay puro mahihirap dahil wala ka namang makitang middle-class o disente man lang ang hitsura. Kaya nga naturingang variety shows pero puro pa-premyo lang naman ang kanilang focus na daig pa ang isang charity show kung mamigay sila ng pera. Nakakatawang isipin na ang mga sponsors ay kumakagat sa ganyang shows.

Maganda ang merong investigative journalism na tv program dahil malaking tulong ito sa mga paglutas ng anomalya. Pero exploitation pa rin ang pag-feature nila sa mga katulad ng ikinadenang baliw o ng pulubing pinabayaan ng pamilya. Syempre ang pagkaapi ng pulubi at ng baliw ang tutok ng coverage at pilit nilang palalabasin na masama ang pamilya nila. Pero mas kawawa ang mga taong tumulong sa isang inang gustong itapon ang kanyang bagong panganak na sanggol. Matapos gastusan ang kanilang ampon ay lilitaw na kidnaper pa sila ng sanggol. At imbes na mabalik ang kanilang perang nagasta at pagod ay pipilitin pa silang humingi ng tawad sa ina ng bata right in front of the camera. Ganyan ang investigative journalism sa atin, parang showbiz na kahit ano basta controversial ay worth na ipalabas.

Parang iisa lang yata ang palabas na pambatang tunay. Going Bulilit. Puro bata ang artista maliban kay Dagul na isang unano. Maganda ang mga gags at jokes paminsan-minsan pero kadalasan ay mga corny at luma na rin. Ang isang pangit sa Going Bulilit ay ang paggaya nila sa Nuts Entertainment ni Joey De Leon. Napakasagwa ang ginagawa nilang pagbabakla ng mga batang lalake. Bukod sa bakla ang ayos ay bakla rin ang dialogue ng mga batang lalake. At that young age ay parang sinasabi nilang okey lang maging bakla. Ito ba ay bunsod ng Gender Equality? O talaga lang bakla ang mga writers ng Going Bulilit?

Siguro ay hindi na kailangang pag-usapan ang mga showbiz talk shows dahil wala namang tinalakay doon kundi intriga lamang. Paiba-iba ng style pero pare-pareho lang na intriga at controversy ang inihahain.

Ang kasalukuyang init ng network war regarding the tv rating issue ay lalong nagpadagdag sa negativity ng local channels. Walang magulang na papayag mapanood ng anak nila ang reklamo ng isang tv channel kontra sa isa pang channel na ang buod ay paninira at pandaraya sa ratings. At hindi rin siguro gugustuhin ng magulang na mapanood ng kanilang anak ang pagbubunyag ng dayaan mula sa bibig ng isang nakatakip ang mukha (na later on ay nagpakilalang si Mark Dumago). Ito ba ang legacy ng mga tv channels sa ating mga kabataan?

Ang panalo lang sa tv ay ang mga news. Pero hindi pa rin totally panalo dahil nakakainis namang marinig ang mga salitang eksklusibo. At sabi pa ng spiel ng GMA-7… serbisyong totoo lamang, walang kasinungalingan… Kahit sino naman ang makarinig ng spiel na ito ay iisiping parinig ito sa ABS-CBN na para bang ang ABS-CBN ay sinungaling paminsan-minsan at ang serbisyo nito ay hindi laging totoo. Walang kinaibahan sa restaurant business. Ano ang iisipin ng mga tao sa paskil ng isang restaurant na nagsasabing malinis ang kanilang pagkain?

Ang pagligsahan ng mga tv network sa mga programa ay dulot ng situation na 2 lamang silang naglalabanan. Sa pag-atras ng ABC-5 ay lalong naging mainit ang pagtutunggali ng GMA-7 at ABS-CBN. Umaasa ang ilan na sa pagkakabili ng Solar Entertainment sa RPN-9 ay magkakaroon ng pagbabago at itong pagbabago ay patungo sa 3-cornered fight among ABS-CBN, GMA-7 and the new RPN-9. At sana ay ito na ang magdudulot ng malaking pagbabago para sa serbisyong totoo at kapaki-pakinabang sa sambayanan.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com


Your FEEDBACK can also be posted at www.filmacademyphil.org/forum/