Jan 25
LOBO: BAGONG HAMON KAY ANGEL LOCSIN by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jan 25, 2008

Sa maraming pelikula ay napanood na natin si Angel Locsin. Hinangaan na rin natin siya sa tele-nobelang Darna. Gayon din sa Mulawin bilang si Alwina. Maging sa mga pelikulang drama na kung saa’y nagpamalas ng kakayahan niya bilang mahusay na artista ay nakita na rin natin ang husay niya. Subali’t dahil na rin sa mga intriga at hindi pagkakaunawaan, ang dating studio na nagpakilala at nagbigay sa kanya ng mga magagandang role ay iniwanan niya.

Ngayon, si Angel ay nasa ibang bakuran na. Nasa Chanel 2 na siya. At matapos ang matagal ding pagkawala sa mga tele-serye, ngayon ay muli mapapanood si Angel sa isang bagung-bagong tv series na pinamagatang Lobo. Dito’y love interest niya si Piolo Pascual na talagang nag-aral pa ng target shooting para maging makatotohanan ang role na gagampanan niya.

Ang totoo, ngayon pa lamang ay marami nang naiintriga sa teaser o trailer na ipinalalabas ng Channel 2 sa tele-nobelang ito. Ipinakikita sina Piolo at Angel na tumatakbo sa kagubatan. Nang magkadaupang-palad sila at magyakapan ay kinalmot ni Angel ang pisngi ni Piolo. Nabago ang reaksiyon ng binata. Mula sa kasiyahan ay naging seryoso at lumungkot ang mukha ni Piolo.

Ipinakita rin sa naturang trailer ang pagbaril ni Piolo sa puting lobo. Na nang bumagsak sa lupa ay tumambad sa kanya ang hubad na katawan ni Angel Locsin. Gayon na lang ang pagsigaw at pag-iyak ni Piolo nang malaman niyang ang nabaril pala niya ay ang babaing mahal na mahal niya na walang iba kundi si Angel Locsin.

Dahil sa maikling pakitang iyon, lumikha agad iyon ng malaking intriga sa isipan ng mga manonood at masusugid na tagasubaybay ng mga tele-nobela. Sabi nga ng isang nakapanood: “Ay, mamamatay pala si Angel sa naturang series. Parang hindi yata maganda iyon!”

Ang sagot naman ng kanyang kausap: “Puwede ba namang mangyari iyon, e bida ‘yon! Tiyak na gagawa ng paraan ang director ng naturang tele-nobela para hindi mamatay si Angel. Ayaw ng mga manonood na namamatay ang bida!” iyon ang mga pahayag nila sa nakitang trailer ng naturang series.

Maganda rin ang magiging pasok ng TV series ni Angel sa Enero. At gaya ng mga nauna niyang pelikula at mga series sa telebisyon, ngayon pa lamang ay pinananabikan na iyon ng mga manonood. Hindi lang dahil mahusay gumanap si Angel kundi may napakaganda rin itong mukha at napakaseksing pangangatawan na talagang hinahangaan ng mga kalalakihan. Idagdag pa rito na ang makakatambal niya ay isa pa ring matinee idol na walang iba kundi si Piolo Pascual.

Sa ngayon, napakarami ring mga television guesting na ginagawa ni Angel. Madalas ay nagiging co-host siya ni Willie Revillame sa programang Wowowie. Gumanap din siya sa Maalaala Mo Kaya na kung saa’y hinangaan din ang pagganap niya. Dito’y nakatambal niya si Sam Milby.

Bukod diyan, kabi-kabila rin ang mga ginagawang commercial ni Angel. May commercial siya ng Head and Shoulder Shampoo. Nakasama rin niya si Eric Morales sa isang fruit juice commercial at sa kanya rin ipinangalan ang isang pabango ng Avon.

Kung tutuusin, bibihira sa mga artista natin sa ngayon ang may pangalan ng isang produkto. Lalo pa’t iisipin na pambabae ang pabangong ito at mangangailangan talaga na maging kaakit-akit ang magiging endorser nito. Bukod duon ay talagang kailangang maganda at mukhang mabango. Iyon bang makita lamang at malanghap ng kalalakihan ang amoy ay maiisip agad nila na si Angel Locsin ang inaamoy at hinahalikan nila.

“Isang napakalaking karangalan po para sa akin na maging endorser at malagay sa pangalan ko ang pangalan ng isang pabango. Isang napakahalagang alaala nito na tataglayin ko habang nabubuhay ako,” ang pahayag ni Angel nang makapanayam.

“Maraming salamat din po sa ABS-CBN sa pagtitiwala nila sa akin na ibigay ang role sa tele-nobelang Lobo. Sisikapin ko pong hindi masira ang pagtitiwala nila at ng mga taong naniniwala sa aking kakayahan,” ang pahayag niya.

Marami pa ring mga intriga ang pilit na ibinabato kay Angel. Pero sabi nga niya: “Ngingitian at kikindatan ko na lang sila. At baka-sakali, pag may napatunayan na ako sa kanila, baka matigil na ang kanilang mga ginagawang pang-iintriga sa akin,” ang nakangiti niyang pahayag sa amin.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/