Aug 06
ANG INDUSTRIYA NG PELIKULANG PILIPINO AT ANG INDIE FILM by William Mayo  |  Posted in Articles  |  on Wed, Aug 6, 2014

(Ikalawang bahagi)

May mga ‘mainstream producers’ na pumatol din naman sa indies. Sadya kasing kamangha-mangha ang mga tropeo at karangalang uwi nila galing sa mga International Film Festival. Mayroon pang sumali sa Metro Manila Film Festival na maliwanag na isang labanan sa takilya.

Ang ending, bigo na sa takilya ang pelikula, sawi pa sa awards. Ang prodyuser naman ay di pa tapos sa pagkwenta sa kanyang naluging puhunan.

Eto pa…Moreover, it also gives opportunity for an ordinary Filipino to shine and be a star without the help of the mainstream ones, which is true. The proof of this is the success of the Pinoy indie film director Brilliante Mendoza who won as best director in the International Cannes Film Festival for his indie film “Kinatay”, and his other indie film “Lola” won as best film at the 6th Dubai International Film Festival, feats which a mainstream director can’t achieve.

Napaka unfair ng pananaw na ito sa ating mga ‘National Artists’ for Films na lahat ay nanggaling sa ‘Mainstream Cinema’

Sa puntong ito, makatarungang alalahanin natin na mula sa mga pelikulang tinatawag nilang ‘mainstream’ nanggaling ang mga unang pelikulang nagwagi sa ibat-ibang International Film Festivals at naghatid sa atin ng mga karangalan at pagkilala bilang pangunahing mga filmmaker sa Asya. Ito ay mga pelikulang tulad ng ‘Genghis Khan ni Manuel Conde, Anak Dalita ni Lamberto Avellana, Flor Contemplacion ni Joel Lamangan at marami pang iba. Lahat ng ito ay sa panahong hindi pa tig-sisingko ang International Film Festivals na patuloy na dumadami… mga tatlong libo na yata silang lahat kung di ako nagkakamali.

Moreover, Brillante’s favorite lead indie actor for all his indie films –Coco Martin- has now become famous and popular like him and is now a mainstream actor and won a best acting award for his winning performance.

Ang pagpasok sa Mainsream Cinema ay tulad din ng pagsuot sa ‘butas ng karayom’. Si Coco Martin ay isa sa nanguna sa pag-gamit ng Indies para maka-tuntong sa mainstream. Ito rin ang nasa likod ng batok ng maraming Indie filmmaker bagama’t di nila aaminin.

Sa aking pagkaka-alala, walang pa mang 20 taon ang tinatawag nilang ‘Indie Films’ at ang Industriya ng Pelikulang Pilipino naman ay sasapit na sa kanyang ika-100 taon sa 2019, kaya hindi ko mahinuha kung saan nila hinugot ang salitang ‘isinalba ng Indies ang Industriya ng Pelikula?

Ang aking mga nasabi ay hindi para i-etsepwera ang Indie Films bilang bahagi ng ating Kultura at ng Philippine Cinema sa kabuuan. Sa katotohanan ay isa ako sa masugid na sumusuporta sa pagkakaroon ng Indie Section sa MMFF bagama’t di pa rin ito nakakakuha ng respetadong bilang ng mga manonood. Ganun din ang Cine Rehiyon na nasa ika-7 yugto na, na pangunahing proyekto ng NCCA-Committee on Cinema na akin ding pinangungunahan.

Ang ‘Mainstream Cinema’ ay marami ding pagkukulang at talaga namang may mga nakasusukang sistema, subalit bahagi ito ng isang ‘industriya’ na naiikutan ng marami at ibat-ibang interes. Bilang bahagi ng industriya, ay wala nang ka-ipokritohang tinatanggap namin ang ganitong mga katotohanan ng isang sining at propesyon na para magpatuloy ay kailangan ang pagtanaw sa aspetong negosyo.

Sa huli, ay isang paglilinaw…lahat ng filmmakers na naghahandog ng pelikulang panoorin ay bahagi ng isang mayamang ‘Philippine Cinema’. Ang ‘Industriya ng Pelikulang Pilipino’ ay isang bahagi. Sa kabila ng masalimoot nitong katayuan ay may malinaw namang intensyon, ang makapaghandog sa manonood ng pelikulang tatangkilikin sa takilya.

Ang ‘Indies’ naman, sa kabilang panig, ay isang progresibong sektor na tila nangangapa pa kung ano ba talaga. Short Films na 30 minutes ba o Long Film na 7 oras ang gagawin? Kailangan bang kumita o hindi? Sa sinehan ba ilalabas o sa Plaza o sa Auditorium? Kukuha ba ng mainstream actors o kapitbahay na lang, kaibigan ? Steadycam ba o bibitbitin na lang ang camera?

Ang Indie Films daw ay higit na makatotohanan na nagpapakita ng mga sakit ng ating lipunan.

Ipakita ang mali para luminaw ang tama? Pwede rin namang magpakita ng tama para makitang ito talaga ang tama. Pagod na rin naman ang bayan sa walang humpay na pagsampal sa kanila sa mga panoorin ng kanilang mga kamalian, mga sakit at mga kabiguan.Ang higit na kailangan natin ngayon bilang isang bansa ay mga positibong pananaw na nagpapakita ng ating mga ipinagmamalaki at kagalingan magbibigay sa ating lahat ng inspirasyon at bagong pagasa.

Gusto kong hiramin ang minsang sinabi ng batikang Direktor na si Peque Gallaga…”Let’s not do films for the film critics and the institutes. Let’s make films for the Filipino People !”


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/