Jul 11
ANG INDUSTRIYA NG PELIKULANG PILIPINO AT ANG INDIE FILMS by William Mayo  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jul 11, 2014

Ang Independent films ay hind na bago sa mundo ng Philippine Cinema. Sa mga panahong namamayani ang ‘Big 4 ‘ major film studios na kinabibilangan ng LVN. Premier Productions, Sampaguita Pictures at Libran, ang lahat ng produksyong pampelikula sa labas ng malalaking kumpanyang ito ay tinatawag na ‘independents’. Ang katawagang ito ay may patungkol lamang sa pamumuhunan at hindi sa uri, istilo o intensyon ng pelikula. Karaniwang ang ‘independents’ ay may mas mababang ‘cost of productions’ at nagtatampok sa mga artistang ‘freelancers’ o di nakakontrata sa anumang malalaking kumpanya. Bagama’t mga independents ang mga pelikulang ito, sila ay kabilang sa iisang Industriya ng Pelikula sa bansa. Nakatuon sa iisang langkay ng manonood, itinatanghal sa parehong sinehan ng ‘major studios’ at may malinaw na pakay ng artistikong paglikha ng pelikula at negosyo.

Mahalagang bigyan natin ng ibayong pang-unawa ang salitang ‘Industriya’ upang mahimay natin ang kasalukuyang kalagayan ng ‘Industriya ng Pelikulang Pilipino” sa gitna ng pagsulpot ng panibagong uri ng Independent Films o mas kilala sa tawag na ‘Indies’.

Industry is an organized economic activity concerned with manufacture, extraction and processing of raw materials, a branch of commercial enterprise concerned with the output of a specified product or service: A clear indication of the way in which human effort has been harnessed as a force for the commercial production of goods and services is the change in meaning of the word industry. Coming from the Latin word industria, meaning “diligent activity directed to some purpose,” and its descendant, Old French industrie, with the senses “activity,” “ability,” “skills” and “a trade or occupation”.

Samakatuwid, ang Industriya ay isang organisadong paggawa at negosyo na ginagamitan ng abilidad, skills tungo sa isang paglikha ng isang produkto o serbisyo. Malinaw din na bagama’t ang paglikha ng pelikula ay isang gawang sining at teknikal, bilang isang industriya, ito ay naiikutan ng iba’t ibang pwersa ng pagnenegosyo. Sa pagiging Industriya ng pag gawa ng pelikula hanggang sa pagtatanghal nito sa mga sinehan ay hindi maiiwasan ang pag uumpugan ng pwersang pang negosyo at mga mithiing artistiko. Kasama na dito ang higit na naka-gulong sensura at mataas na buwis ng gobyerno.

Sa ngayon, ang Independent filmmaking o mas kilala sa tawag na Indie Films ay binigyan ng ibang kahulugan at ang nakagawiang pelikula ay tinawag na ‘Mainstream’.

Sabi ng mga nasa sector na ito, “ As we all know, Indie Films are films that are not made by mainstream movie film productions and not made in the mainstream movie studios, rather as its name says, it is a film production that is independent of the influences, powers and authority of the mainstream ones.”

“The emergence of digital cameras and their high-tech accessories in the market have spawn the growth of Indie films. For anyone now could make his or her own movie films in accordance to one’s own personal styles and way without the influences of the mainstream movie outfits, which indeed have a good effects on movie industry in the world, especially also in the Philippines where these indie films becomes so prominent and have salvage the almost dying Philippine movie industry.

Ang Indie Films ay bahagi na ng Philippine Cinema subalit hindi tumpak na sabihin na bahagi sila ng Philippine Movie Industry at lalong malaking kahunghangan na sabihin na naisalba ng Indies ang Industriya ng Pelikulang Pilipino. Paano mo maisasalba ang isang Industriya na hindi ka naman kasali o bahagi nito?

Parang kabuteng sumusulpot at nawawala ang Indie Filmmakers. Nakapang-hihihinayang ang iba na sadyang mayroong talino at skills sa paggawa ng isang ‘Visual Narrative’. Ang iba naman ay mabuti na ngang nawala dahil sa kanilang pagiging ‘iresponsable’ sa pag hawak ng ganito kasensitibong medium at marami rin ang kusang naglaho dahil sa tahasang pagtalikod sa katotohanang ang pag gawa ng pelikula ay di tulad ng ibang sining na kailangan lamang brutsa, pintura at canvas ay tapos na. Ang iba naman ay nagkalat pa sa paghahanap ng mga ahensya at organisasyong nagbibigay ng ‘Grants’ para sa kanilang pinapangarap na ‘Indie Film’. Pero hanggang kalian ito?

Ang ilan sa mga ‘Indie Filmmakers’ na ito ay nandyan pa. Sila yung masigasig na sumali sa mga International Film Festival na kung papalarin ay magiging pamasahe para tanggapin ng lokal na manonood. Ang pinakamatayog na narating ay ang pagwawagi ni Brillante Mendoza sa Cannes Film Festival sa kanyang pelikulang ‘Kinatay’ subalit sa kabila nito ay nabigo pa ring bumaon sa kamalayan ng nakararaming Pilipinong manonood.

Kung ating mapapansin, ang mga lumulutang-lutang pang Indie Filmmakers ay yaong mga may pagtatangkang yumapak at tumawid na sa mga sinehang teritoryo ng ‘Mainstreams’. Bagaman at ayaw pang maghulas ng kanilang balat-indie, gusto na rin nilang malabas sa mga sinehan at kumita ang kanilang mga Obra. Maswerte na kung mabigyan ito ng 3 o limang sinehan at karakang inaalis kung hindi umabot sa minimum ang kita nito maghapon. Hindi naman ekslusibong nangyayari ito sa mga indies kundi sa lahat ng pelikulang sadyang di kumikita. Sabi nga nung isa kong kaibigang theatre Booker…’if indies are Artistic Expressions, express it somewhere else , not in my theatres’. Kasi nga naman ay napakalaki ng kanilang overhead sa pagpapatakbo ng kanilang mga sinehan. Ito ang mga influences, powers and authority of the mainstream na kinamumuhian ng mga indies.

Sabi pa nila…’The surge of Pinoy indie films and Pinoy indie directors has given Filipinos a much needed alternative movie viewing experience than resorting more in foreign movies, and aside from the spamming repetitive story plots of some mainstream movie film outfits’.

Isa pa itong pagbaluktot ng katotohanan, upang patunayan na ang Indies ang nagsalba sa movie industry. Ang totoo, nang humina ang daloy ng manonood sa takilya hindi naman sila bumaling sa panonood ng ‘Indies’ kundi ang inatupag nila ay ang malalaking local ‘teleserye’ kasama na dito ang ‘Mexican Telenovela’, Taiwanese Soap at Korean Wave Telemovies at iba pang source of entertainment sa internet but not significantly sa Indie Films.

(May karugtong)

(Si Director William Mayo ang kasalukuyang chairman ng Cinema Committee ng National Commission for Culture and the Arts—Editor)


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/

\