Jan 18
KATRINA HALILI – EPEKTIBONG KONTRABIDA by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Fri, Jan 18, 2008

Sa larangan ng pelikula at telebisyon, mabibihira iyong naiistablisadong gumanap bilang kontra-bida. Dahil kahit na anong bait ng isang artista, tiyak na may magagalit at maiinis sa kanya. Mas madali raw gampanan iyong role ng isang bida kaysa role ng isang kontra-bida o supporting actor o actress.

Pero sa pamamagitan ng GMA production, isang kontra-bida ang naipakilala nila sa katauhan ni Katrina Halili na mas kilala noon bilang product endorser at sex siren. Naganap ang pangyayaring iyon sa tele-nobela na Marimar.

Ang totoo, sa pinaka-latest survey, lumalabas na No. 1 o top rated ang standing ng naturang tele-nobela sa mga itinatanghal na soap opera. Forty eight percent ang rating nito. Isang katunayan na pinapanood ng mas nakararaming tele-viewers ang naturang tele-nobela.

Sinasabi ng mga kritiko na ang tagumpay na ito ng Marimar ay hindi dahil sa kaakit-akit na kagandahan ni Marian Rivera lamang, kungdi dahil na rin sa mala-demonyang pagkakaganap ni Katrina bilang mapang-api kay Marimar. Na dahil sa mga ginagawa niyang kawalanghiyaan, halos wala nang magtiwala sa kanya at lahat halos ng tauhan ay galit sa kanya.

Sabi nga ni Eddie Garcia, “kapag ang audience ay galit na galit sa iyo, epektibo ang role na ginagampanan mo. Pero kailangang itatag mo rin ang loob mo dahil hindi lang sa pelikula o sa mga tele-serye maaaring magalit ang tao sa iyo. Maging kahit sa tunay na buhay ay magagalit din sa iyo ang mga makakapanood ng role mo!”

“At hindi lang iyan. Kung ano ang tawag o pangalan mo sa role na ginagampanam mo ay iyon din ang itatawag sa iyo ng mga tao. Kagaya ni Katrina, mas nakikilala siya sa tawag na Angelica sa Marimar. Tawag na kabaligtaran sa kahulugan ng naturang pangalan,” ang pahayag pa ni Eddie Garcia.

Sa naturang tele-nobela, si Katrina ay dating kasintahan ni Sergio na ginagampanam ni Dingdong Dantes. Na dahil sa labis na pagkagahaman sa pera, ang pinakasalan nito ay ang ama ni Sergio na si Richard Gomez. Nang magpa-kasal naman si Sergio kay Marimar, kung anu-anong bagay ang ginawa ni Angelica para magkagalit at magkahiwalay ang mag-asawa.

Naroroong ipakulong ni Katrina si Marimar. Naroroong hiyain niya ito at libakin sa harap ng maraming tao. Ipinapatay pa niya ito. Subali’t nang matunton si Marimar ng kanyang ama, sa kanya napunta ang milyun-milyong kayamanan. Kaya kung ano ang ginawa ni Angelica kay Marimar ay iyon din ang ginawa ng yumamang si Marimar sa kanya.
Marami na ang natuwa nang nagbangon na at nakapaghiganti si Marimar. Maging si Sergio na dating asawa ni Marimar ay dumanas din ng parusa at paghihirap sa mga ginawa ni Angelica. Naroroong ipinakita ni Angelica ang fake na kasamiento o marriage license nila ni Marimar. Kaya galit na galit si Marimar kay Sergio nang malamang niloko lang siya nito.

Sa ngayon nabago na ang twist ng istorya ng Marimar. Mula sa pagiging kontra-bida ay ipinipilit ni Angelica na kapatid daw siya ni Marimar. Pinatutunayan ito ni Lani Mercado na nagpakilalang ina ni Angelica at maging ang isinagawang DNA test ay nagpatunay na anak nga si Angelica ng ama ni Marimar.

Sa isang eksena, may magka-angkas sa motorsiklo na mga lalaki na babaril kay Marimar. Sa halip na tumama ang bala kay Marimar ay isinangga ni Angelica ang katawan niya para huwag mamatay ang kapatid niya. Sa wari ay nabago na naman ang tema ng istorya. Ang masamang imahe ni Angelica ay napalitan ng pagpapakababang-loob at pagsasakripisyo para mapatawad siya pero pakitang tao lamang iyon.

Sa naturang tele-nobela, ipinakikita ang isang kultura at kaugalian na hindi nagtatagumpay ang kasamaan. At kung dati nang masama, ang naturang kasamaan ay napapalitan din ng pagsisisi at pagbabago. Na kung bagama’t masama ang image ng isang karakter sa mga nauunang mga tagpo, ito ay babaguhin din nila. Ang pagkasuklam ay papalitan ng pag-ibig at pagmamahal.

Bagama’t ang orihinal na istorya nito ay mula sa tele-nobela sa Mexico, nagagawa rin ng mga writer nito na mabago ang ideya at mai-adopt sa kultura at kaugaliang Pilipino. Na siya namang dapat mangyari at gawin ng mga manunulat na hahango ng ideya sa ibang bansa. Kailangang makapagpakita tayo ng magagandang halimbawa na maaaring gayahin ng ating mga kababayan na lagi nang tagasubaybay ng mga tele-nobela at pelikulang itinatanghal sa ating bayan.