May 02
GOMA VS. CESAR by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Wed, May 2, 2007

Tuwing election ay malakas ang raket ng mga celebrities. Tulad ng asukal sa langgam, ang mga artista ay ginagamit ng mga pulitiko sa kampanya upang humatak ng mga tao para may siguradong audience sila sa kanilang talumpati.

At dahil mukhang mabisa ang nasabing formula, mismong mga artista na ang sumabak sa pulitika upang pakinabangan ang kanilang angking kasikatan. Sa Philippine politics ay pangkaraniwan ang pagsulpot ng pangalan ng mga artista sa tiket ng mga partido. Mula sa mababang posisyon ng konsehal hanggang sa pinakamataas na puwesto ng presidente ay hindi mawawala ang mga artista.

Sa kasalukuyang kampanya ay walang pagbabago sa trend. Mga artista pa rin ang nagdadala sa mga pulitiko. Si Sarah Geronimo ang endorser ni Ed Angara, si Jennylyn Mercado naman kay Manny Villar at marami pang hindi mabilang na mga celebrities na ginawang political endorser. Medyo nakalalamang si Ralph Recto dahil asawa niya si Vilma Santos. Ganun din ang kalamangan ni Kiko Pangilinan dahil maraming fans si Sharon Cuneta.

Ang popularidad ang nagbigay ng lakas ng loob kay Richard Gomez para tumakbong senador. Una siyang kumatok sa kampo ng dating pangulong Joseph Estrada. Ngunit hindi lang si Erap ang gumagawa ng desisyon sa Genuine Opposition kaya hindi rin nakapagtataka nang pagsarhan ng pintuan si Richard kahit naging 11 na lang ang kandidato ng Genuine Opposition. As a sign of desperation, nagparinig si Goma sa Team Unity ngunit hindi rin siya pinansin. Dahil siguro kasubuan na, napilitang maging independent candidate si Goma at balitang nagparada siya ng 30 milyon ng sarili niyang pera para gastusin sa kampanya.

May mga nalungkot at may mga natuwa sa nangyari kay Richard Gomez. Naunang natuwa ang mga pulitiko ng Bulacan. Governor sa Bulacan ang unang puntirya ni Goma at halata namang nanginig ang mga magiging kalaban niya. Ngunit dahil sa pagbabago ng isip ni Goma ay masayang tumakbo bilang Governor si Obet Pagdanganan laban sa anak ni Josie Dela Cruz, ang kasalukuyang Gobernador.

May konting pagkakaiba ang guhit ng palad ni Cesar Montano. Atubili siyang tumakbo sa pulitika at ang huling salita niyang binitawan ay hindi pa siya handang pumasok sa national politics, specifically sa senate. Pero obvious ang magandang alok kay Cesar kaya biglang nagbago ang kanyang isip upang palitan si Jericho Petilla sa ticket ng Team Unity. Kabi-kabila ang tsismis na 200 milyon ang ibinigay kay Cesar para sumapi sa Team Unity.

Katulad ni Richard Gomez, pagka-gobernador ng Bohol ang unang target ni Cesar. Marami ang nagsasabi na instrumental ang mga politicians sa Bohol kung bakit pumayag si Cesar na tumakbo sa senado. Mahirap nga namang kalaban ang isang sikat na artistang tulad ni Cesar kaya ngayon ay maluwalhati na ang kalooban ng mga kandidatong gobernador sa Bohol.

Sa pag-arangkada ng kampanya ay kampante ang mga supporters nina Richard Gomez at Cesar Montano. Para sa mga insiders ng 2 artista ay walang dudang mananalo ang kanilang mga manok laban sa mga pulitiko. Ngunit sa paglabas ng unang survey ng SWS (Social Weather Station) ay nangungulelat si Goma at Cesar sa puwestong ika-22. Ang magic 12 na sinasabi ay pinangungunahan ni Loren Legarda, Ping Lacson at Manny Villar. Mabigat man ang resulta ng nasabing survey ay nagpakita ng tibay ng dibdib si Goma dahil walang narinig sa kanya kundi “tuloy” ang laban. Sa kabilang banda naman, umamin si Cesar at ang asawang si Sunshine Cruz na pinag-iisipan pa nilang mabuti kung itutuloy o hindi ang pagtakbo ni Cesar. Lumutang tuloy ang usap-usapan na hindi naibigay kay Cesar ang pabuyang 200 milyon.

Dahil malapit kay FPJ, hindi kataka-takang tulungan ni Susan Roces si Goma. Malaking bagay ang suportang ibinigay ni Susan kay Goma, gayun din ang suporta ni Susan kay Chiz Escudero. Bukod dyan ay nagbigay rin ng suporta si Mother Lily Monteverde kay Goma at Chiz. Ang nasabing mga suporta ay agad naramdaman sa susunod na survey kung saan nasa ikatlong puwesto na si Chiz (kasunod ni Loren at Villar) at si Goma naman ay naka-akyat sa ika-18 puwesto.

Kabaligtaran naman ang nangyayari kay Cesar. Nanatili siya sa traditional campaign style na pag-iikot kasama ang iba pang kandidato ng Team Unity. Ang isang disadvantage kay Cesar ay ang pagiging dikit niya kay Chavit Singson. Marami ang nagsasabi na si Chavit ang humahatak kay Cesar pababa sa rankings ng survey. Alam ng lahat na si Chavit ang isang dahilan ng pagkaka-kulong ni Presidente Erap at sa lakas ng popularidad ni Erap sa mga botante ngayon ay napipihong mababa ang botong makukuha ni Chavit Singson.

Sa pagpasok sa homestretch ng campaign ay kanya-kanyang desperate moves ang mga wala sa magic 12. Buhos ang political ads sa TV at radyo ng mga may perang gaya ni Manny Villar, Ralph Recto, Kiko Pangilinan. Si Tito Sotto naman, bukod sa kanyang political ads, ay may konting kalamangan dahil sa Eat Bulaga. Ang isang nakakatawang political ad ay yung kay Tessie Oreta kung saan humihingi siya ng paumanhin sa mga tao dahil kumampi siya kay Erap during the impeachment proceedings. Kiss of death ang political ad niyang yun at na-realize din siguro nila kaya agad itong pinalitan.

Sa kabila ng endorsement nina Susan Roces at Mother Lily ay hindi pa rin maka-abot sa magic 12 si Richard Gomez. Ganun din si Cesar Montano na kadikit sa ranking ni Chavit Singson at ng kulelat na si Jamalul Kiram. Ang nangunguna sa latest survey ng Pulse Asia ay si (1) Loren Legarda, kasunod sina (2) Chiz Escudero, (3) Manny Villar, (4) Panfilo Lacson, (5) Kiko Pangilinan, (6) Allan Peter Cayetano, (7) Gringo Honasan, (8) Noynoy Aquino, (9) Ralph Recto, (10) Ed Angara, (11) Joker Arroyo at (12) Migz Zubiri. Malaki pa raw ang pag-asa nina Koko Pimentel at Tito Sotto.

Sa nasabing panghuling survey ng Pulse Asia ay hindi pa rin matanaw ang anino nina Richard Gomez at Cesar Montano. And considering that Tito Sotto is lagging behind the magic 12 positions, malinaw na palatandaan yan ng pagbabago sa kalakaran ng ating election. Parang naging matalino na yata ang mga botante at tila walang epekto ang kasikatan ng mga artista ngayon kung ang survey ang pagbabatayan.

Upang makatawag-pansin ay sinita ni Richard Gomez ang E-VAT law ni Ralph Recto. Alam ng mga handlers ni Goma na maraming fans si Vilma Santos pero calculated risk ang kanilang plano. Siguradong lulutang ang pangalan ni Goma dahil alam ng tao kung gaano kalaki ang nakakaltas sa kanila ng E-vat. At bilang tulong na rin sa kapuwa niyang artistang si Cesar Montano, nagsalita rin si Goma na dapat ayusin ni Cesar ang kanyang pamilya dahil hindi niya nabibigyan ng sustento ang anak niya kay Teresa Loyzaga. Ang pagsasagutan ni Goma at Cesar ay kinagat ng showbiz media pero sa kasamaang palad ay hindi kumagat ang mga respectable columnists. Sa pangyayari ay nagkaroon tuloy ng hidwaan si Cesar at Richard pero wala itong naitulong sa kanilang kampanya.

Pagkatapos ng bilangan, malalaman kung ano ang magiging kapalaran ng ating mga artistang kandidato. Sa ngayon ay tanging si Tito Sotto lamang ang may pag-asang manalo pero hindi pa rin tayo nakakasiguro sa mga mangyayari. Maaaring mag-iba ang isip ng mga tao lalo na sa mga huling araw bago magbotohan.

Hindi imposibleng mangyari na manalo ang 3 artista gaya nung 2004 elections kung saan nagwagi sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Lito Lapid. Ngunit sa loob ng 3 taon ay maraming revelations at pagmumulat sa isipan ng mga botante. Lalo na ang pag-amin ni Lito Lapid na hindi niya kaya ang trabaho sa Senado dahil puro English ang salitaan. Malaki ang ipinag-iba ng 2004 sa 2007. At sa dating 3-0 na pinagwagian ng 3 showbiz senators ay maaring maging 0-3 ngayon kung saan matatalo ang 3 showbiz senatorial candidates.

Manalo man o matalo, ang tanging hiling ng publiko ay wala sanang mangyaring dayaan. Hello, Garci?

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.