Dec 19
ANG MARAMING PAGBABAGO SA BUHAY NI KRIS AQUINO by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Wed, Dec 19, 2007

Talagang totoo yata ang kasabihan na basta pinasok mo ang daigdig ng show business, kailanman ay hindi mo na ito maaatrasan. At kahit ano pang intriga ang pumasok sa iyong buhay, nanaisin mo pa rin ang manatili ka sa buhay na iyong ginagalawan. Ang mga salitang ito ay napatunayan namin kay Kris Aquino. Na bagama’t sinasabing idi-devote na lang niya ang buhay niya sa kanyang asawa at sa dalawa niyang anak, ay talagang hindi niya maiwanan ang daigdig ng klieg light na kanyang ginagalawan.

Natatandaan pa namin sa isang pakikipanayam na ginawa sa kanya ni Boy Abunda, sinabi ni Kris na: “isang programa na lang ang imi-maintain ko, Kuya Boy”. Dalawa ang kanyang programa sa Channel 2– ang Game Ka Na Ba? na isang noontime show at ang Deal or No Deal” na pang-gabi. Binitiwan ni Kris ang Game Ka Na Ba? at ito’y kinuha ni Edu Manzano na siyang nakapalit ni Kris noong buntis pa siya. Nanatili si Kris sa pang-gabing programa niya.

Subalit sa wari ay ititigil na rin niya ang Deal or No Deal dahil nagpalipat-lipat ito sa iba’t ibang oras at mismong nagpaalam na rin sa kanyang mga tagasubaybay. Umiiyak siya noon. Pero bigla, nabalik uli ito sa dating oras at sinabi ni Kris na muli itong iri-retain sa telebisyon.

At hindi lang iyon ang naganap. Nagkaroon pa uli ng show si Kris sa umaga. Dito’y naging co-host ni Kris si Boy Abunda sa Boy & Kris sa umaga. Muling nagbalik sigla ang career ni Kris. At sinabi nga ng mga nakakapanood sa kanya na tila lalong sumisigla si Kris at dumarami ang mga taong humahanga sa kanya.

Dahil ngayon, hindi lang si Kris Aquino na nakikipagbiruan sa mga contestant ang ating napapanood. Nag-luluto na rin si Kris ng iba’t ibang putahe at talaga namang bawa’t nakakatikim ng niluluto niya ay nasasarapan. Unti-unti, binabago na siya ng image niya na sigaw lang nang sigaw sa pelikulang ginagampanan.

Ngayon, ang nakikita ng marami ay isang Kris Aquino na seryoso sa buhay. Na bagama’t abala sa kanyang mga showbiz schedule ay nakukuha pa rin niyang mag-ukol ng panahon sa kanyang kabiyak na si James Yap at sa kanyang dalawang anak.

Sa tingin ng marami ay napakalaki ng ipinagbago ni Kris. Hindi na siya iyong nagpapa-link sa kung sinu-sinong lalake at sa tingin ay nagkaroon na siya ng leksiyon sa isang pangyayaring naganap sa kanila ni James Yap na muntik ng ikasira ng kanilang pagsasama.

Sabi pa rin ng mga kaibigan naming movie reporters, malamang na magtayo ng restaurant si Kris in the future. Dahil nakikilala na nga siya sa pagluluto at pagpapakita kung papaano niya niluluto ang iba’t ibang putaheng iyon.

Bukod dito, may mga project pa rin si Kris na kung saan ay nagpa-fund- raising siya para makatulong sa mga kababayan nating mahihirap, lalung-lalo na sa mga kabataan. Maging ang mga ginamit niyang sapatos, bag at mga kasuotan ay ipinapi-premyo niya sa kanilang programa basta’t tatawag ka lang sa number na ipapakita nila sa kanilang programa ni Boy Abunda.

At kung ikaw ang magiging mapalad na makakuha ng anumang bagay na ginamit ni Kris, hindi ba’t magiging very proud ka at masasabi mo na “ang gamit na ito’y dating pag-aari ni Kris Aquino!”. Sabi nga ng mga nakapanood noon, kahit daw ipa-auction iyon ay tiyak na pagkakaguluhan ng mga bibili dahil kilalang-kilala na at maraming umiidolo kay Kris.

Bilang isang journalist at batikang host ng programa, ipinakikita ni Kris ang galing niya. May mga pagkakataon na nagagawa niyang lilvely ang interview kahit wala iyon sa script o sa listahan ng mga taong iinterbyuhin niya. May namana nga raw si Kris sa kanyang ama na si dating senador Benigno Aquino.

Kung nao-obserbahan din ninyo, isa si Kris sa mga nangungunang commercial endorser. Sa San Miguel Beer, White Cat Powder, sa shampoo, heartvit vitamins, sa food seasoning, maging sa Pampers, ay kinukuha at binabayaran ng malaking halaga si Kris. Ito ay katunayan lamang na maraming tao ang naniniwala sa kanya.

Kaya kahit ano pa ang intriga na ipukol o likhain kay Kris Aquino, naniniwala kami na ang pangalan niya ay nakatatak na sa isipan ng publiko. At marahil, pag dumating na ang panahon na hinog na hinog na si Kris, magiging isang mahusay na artista si Kris na tatanggap din ng parangal.

Samantala, katatapos lang gawin ni Kris ang pelikulang Patayin sa Sindak si Barbara. Dito’y co-star si Ms. Susan Roces na siyang gumanap sa title role ng naunang Patayin sa Sindak … dito’y inspirado si Kris at patutunayan niya ang kanyang kakayahan bilang artista.