Mar 21
WINNING ESSAYS 2014 by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Fri, Mar 21, 2014

The FAP website will run the winning essays of the 2013 Metropolitan Manila Film Festival Gender Sensitivity contest for three consecutive weeks. The first two essays are the third prize winners in the teachers’ and students’ categories.

Third Prize/Teachers’ Category
GBBT: Isang Pangangahas na Bigyan ng Pantay na Papel at Kontribusyon sa Pamilya at Lipunan ang Iba’t Ibang Sekswalidad
Ni Ernesto D. Ferrer Jr.
Sergio Osmena Sr. High School

Ang cinema ay mabisang midyum upang magkaroon ng mataas na antas ng kamalayan sa mga isyung may kinalaman sa gawi, gampanin at imahe ng mga babae at lalake. Sa katatapos na MMFF 2013, pinangaralan ang pelikulang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” (GGBT ) bilang pelikulang pinakasensitibo pagdating sa pagtrato ng kasarian.

Suriin natin ang mga isyung pangkasarian na nabigyang pansin sa pelikula. Sa kasaysayan ng Philippine cinema, ito lamang ang pelikulang nangahas na gawing apat ang bidang may iba’t ibang sekswalidad. Nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng pantay na eksposyur ang mga pangunahing tauhang babae, lalake, bakla, tomboy lalo na ang dalawang huling sekswalidad na kalimita’y gumaganap lamang bilang pansuportang karakter o ekstra sa mga pelikula. Ayon nga kay Domino Torrevillas (Philstar, 2014), pinili ang GGBT ng mga hurado mula sa walong kalahok sa MMFF dahil ito’y nagbibigay importansya ng sector ng LGBT (lesbians , gays, bisexuals at transgender) sa lipunan at nagpapakita na nararapat silang irespeto bilang indibidwal.

Naipakita sa pelikula na hindi hadlang ang sekswalidad upang makahanap ng mainam na trabaho: Si Panying (tomboy) ay natanggap bilang mang-aawit at si Mark (bakla) ay napasok bilang waiter sa parehas na bar.

Gayundin, naipamalas sa pelikula na hindi hadlang ang sekswalidad upang magmahal at makaranas ng pagmamahal.

Winasak ng GGBT ang mga de-kahong imahe na ini-uugnay sa mga babae, lalake, bakla, tomboy: pagiging malakas ng mga babae sa pagtaguyod ni Pia ng kanyang pamilya sa kabila ng pag-iwan ng kanyang asawa at pagiging sensitibo ng mga lalake nang aminin ni Pete (asawa ni Pia) na siya’y naging mahina at duwag na asawa’t ama. Gayundin ang isang matatag na baklang naghahanap ng yakap ng isang ama at isang tomboy na sakitin at malumanay magsalita.

Pinakaimportante sa lahat, ang pelikula’y nag-iwan ng makabuluhang mensahe: ang mga babae, lalake, bakla, tomboy ay may pantay na gampanin at kontribusyon sa pagpapanatili at pagpapatatag ng isang pamilya.

Third Prize/Students’ Category
LAHAT SILA’Y BIDA
Ni Angela C. Geronimo
Judge Feliciano Belmonte Sr. High School

Sa makabagong panahong ito na patok na patok ang telebisyon at media ay nakilala natin si Bb. Gandanghari. Nariyan din ang My Husband’s Lover at idagdag pa ang That’s My Tomboy ng Show Time at Super Sireyna ng Eat Bulaga. Ang mga nabanggit ay may palantandaan na malaki na nga ang ipinagbago ng kasalukuyang henerasyon. Hindi na “nakakahon” ang konsepto ng pagtanggap nation sa ideya ng KASARIAN tulad ng isinalaysay sa pelikulang GIRL, BOY, BAKLA, TOMBOY. Dito, lahat ay bida, obvious naman hindi ba?

Hindi man nanguna sa takilya, ito naman ang natatanging pelikulang masasabi kong naging patas at nagsaalang-alang ng maselang paksang gender sensitivity. Naging pangunahing tauhan sa istorya ang magkakapatid na magkakaiba ang kasarian. Inalis nito ang nakasanayan nating set-up na laging boy at girl lang ang bumibida at ngayon naman, joint force na sila kasama sina bakla at tomboy. Pinakikita lang na hindi dapat tayo manatili sa mga palabas na sila lang ang laging bida, na mayroon ding iba pang bahagi ng buhay ng tao kung saan nag-eexist din pala ang napaka-interesanteng mundo ng mga bisexual. Madalas mang hindi mapansin, patunay lang ito na mapa-babae o tomboy, at lalaki man o bading, pare-pareho lang ng mundong ginagalawan. Maging sa paglaban din ng karapatan ng mga bisexual ay pinakita nito na hindi higit o kulang sa natatamasa ng iba ang nakukuha nila.

Patunay lang na anuman ang kasarian, dapat ay walang paghahamak o pagtatangi. Karapat-dapat lang na tanghaling Most Gender Sensitive Movie ang pelikulang ito. Maaari kasi sa mga Eba, pwede rin naman sa mga Adan, hindi tinatangi ang mga kasapi ng Pederasyon, ganoon din naman sa mga Tiboom. Kaya’t kung nais ng pelikulang may pagpapahalaga, pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng ating kapwa na may magkakaibang gender preferences, malamang alam na! Dito ka sa lahat sila, BIDA!


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/