Dec 13
SINO NA BA ANG BAGONG REYNA NG TELENOBELA? by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Thu, Dec 13, 2007

Marami ang nagtatanong kung sino na raw ngayon ang bagong reyna ng tele-nobela? Si Judy Ann Santos pa rin ba o naagaw na sa kanya ang korona? Matatandaan na noong magbuntis at manganak si Claudine Barreto ay nawala na ang mahigpit na kaagaw ni Judy Ann, Samantalang si Angel Locsin na pantapat ng Channel 7 sa kanila ay lumipat na rin sa Channel 2 at hindi pa nasisimulan ang bagong tele-serye niya.

At ayon sa maraming kritiko, naagaw na ng bagu-bago pa lamang artista ng Channel 7 na si Marianne Rivera ang pag-rereyna sa mga tele-nobela sa kanilang teleserye na Marimar. Dito’y katambal ni Marianne si Dingdong Dantes na gumaganap bilang si Sergio.

Bagama’t sinasabi na simple lang ang istorya ng Marimar na tungkol sa isang batang naulila ng kanyang ama’t ina nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan nila. Napulot siya ng dalawang matanda–sina Lolo Pancho at Lola Pacita na ginagampanan nina Leo Martinez at Caridad Sanchez, Nang magdalaga ito ay nakilala niya si Sergio na inibig niya at minahal. Pinakasalan siya ni Sergio na isang mayaman.

Naging mahigpit na karibal ni Marimar kay Sergio si Angelika na ginagampanan ni Katrina Halili na dating kasintahan ni Sergio. Lahat ng paraan ay ginawa ni Angelika para saktan at alipustahin si Marimar. Inutos rin niya itong ipapatay, subali’t himalang nakaligtas sa kamatayan si Marimar.

Nang mangibang-bansa si Sergio ay naiwan niya si Marimar na buong-pusong nagmahal at naghintay sa kanya. Wala silang naging komunikasyon dahil ang cellphone na ibinigay ni Sergio sa kanyang driver at katiwala ay nakuha ni Angelika.

Ang ama ni Marimar (Jestoni Alarcon) na nakaligtas pala sa pagbagsak ng eroplano ay hindi tumigil sa paghahanap kay Marimar. Hanggang sa nang muli silang magkita ay hindi rin nagtagal ang kanilang pagsasama. Inatake sa puso ang ama ni Marimar nang ma-hostage si Marimar at ang anak niya ng isang babaing nagpapanggap na Marimar.

Nang mamatay ang ama ni Marimar, nagpunta ito sa ibang bansa upang mag-aral. Nang magbalik ito ay binago niya ang kanyang pangalan. Nagpakilala siyang si Bella Aldama na siyang nag-iisang tagapagmana ng kanyang ama na galing pala sa isang napakayamang angkan.

Subali’t sa kabila ng pagpapanggap ay nakilala pa rin siya ni Sergio nang muli siyang magkita. Muli nitong sinuyo ang asawa at maraming pagsubok na namagitan sa kanila. Isa pang kontra-bida ang pumasok sa buhay nila na ginagampanan ni Marvin Agustin. Gusto nitong pakasalan si Bella dahil nalulugi na ang kanyang negosyo.

Ngayon ay lalong gumaganda ang mga eksena. Nagiging palaisipan sa mga manonood kung muling magkakasama sina Marimar at Sergio.

Lalo pang naging maganda ang eksena nang makilala ng anak ni Marimar si Sergio na tunay niyang ama. Ayaw mang makitungo ni Marimar kay Sergio ay mapipilitan siya dahil sa kahilingan ng kanyang anak na ipinamalas ang kasiyahan nang makilala ang tunay na ama.

Ang totoo ay hindi ako palapanood ng teleserye sa telebisyon. Subali’t mula Lunes hanggang Biyernes ay naka-ugalian ko nang panoorin ang Marimar. Na bagama’t marami-rami akong nakikitang mga puna ay masasabi ko na rin na kasiya-siya at kapana-panabik na subaybayan.

Kahanga-hanga ang pagganap ni Marianne Rivera na bagama’t masasabing baguhan pa lamang ay may ipinamamalas nang galing sa pagganap. Lalo na sa pag-iyak. Malayang dumadaloy ang kanyang luha, lalo na’t nagkikita sila ni Sergio.

Mahusay rin ang mga manunulat nito na nabibigyan ng mga bagong twist ang istorya. Buong akala mo ay matatapos na, pero nagagawa pa nilang mapahaba ang istorya.

Sa kabuuan ay hindi nagkamali ang pamunuan ng Channel 7 sa pagbibigay ng break kay Marianne Rivera na gampanan ang isang telenobela na ngayon ay pangunahing sinusubaybayan ng masa. Ayon na rin kay Leo Martinez na isa sa mga gumanap sa naturang serye, napakataas ng rating ng Marimar na halos tumalo na sa lahat ng rating ng tele-nobela sa isang istasyon.