Feb 28
ANG KUWENTO SA PELIKULA by Bobby Villagracia  |  Posted in Articles  |  on Fri, Feb 28, 2014

Ika-2 Bahagi

Tunay at hindi mapapasubalian ang katotohanang malaki ang negatibong epektong idinulot ng telebisyon sa pelikula sa ating bansa, higit ang mga telenobela at dokumentaryong pelikula o documentary films na maihahalintulad sa likhang sining na ito.

Sa pananaw ng masang Pinoy na sa simula’t-simula ay yumakap, sumu-baybay at tumangkilik sa pelikula, nabaling ang kanilang atensyon sa libreng panooring ito dahil sa labis na pagtaas ng bayarin sa panunuod sa sinehan na sa kasalukuyan sa mga malalaking mall na lamang matatagpuan ng mga siyudad at bayan.

Batay pa sa pananaw na ito, nag-ambag din sa kaganapang ito ang pagsasara ng mga sinehang tinatawag na “downtown theater” na dati, natatagpuan sa iba’t-ibang abalang mga lugar sa siyudad o bayan.

Nag-ambag din sa pangyayaring ito ang paglabas ng mga sikat na artistang napapanuod lamang sa pelikula ngunit gumaganap na sa mga telenobelang ipinalalabas gabi-gabi simula Lunes hanggang Biyernes.

Ngunit marami ang naniniwala sa industriya ng pelikulang Pinoy na bagama’t tutuo ang pangyayaring ito, hindi dapat ito maging hadlang sa pagsulong, sa halip ituring na hamon at pagsubok upang higit na mapaganda ang likhang sining na ito. Marami sa mga nasa industriya
ang nagtataglay ng hindi pangkaraniwang malikhaing kaisipang ang naniniwalang muling babalik, sisigla at yayabong ang likhang sining na ito dahil likas na mahilig ang mga Pilipino sa pelikula.

Hindi maitatatwa ang katotohanang pinilahan, pinagkaguluhan at tinangkilik ng maraming dekada sa ating bansa ang likhang sining na itong nagbunga sa mga artistang kinabibilangan nina Manuel Conde, Atang de la Rosa, Rogelio de la Rosa, Carmen Rosales, Gloria Romero, Hilda Koronel, Elizabeth Oropesa, Dante Rivero, Dolphy, Amalia Fuentes, Eddie Garcia, Susan Roces, Boots Anson Roa, Fernando Poe Jr., Joseph Estrada, Ramon Revilla, Ace Vergel, Rudy Fernandez, Christopher de Leon, Alma Moreno, Lorna Tolentino, Ramon “Bong” Revilla Jr., Gretchen Barreto, Nora Aunor, Vilma Santos at marami pang iba.

At batay sa pagsusuri ng mga kritiko ng pelikulang Pinoy, naganap ang pangyayaring ito sa kabila ng paggamit sa buod o plot ng kuwentong paminsan-minsan hango sa konsepto ng likhang sining na itong nagmula sa Amerika, Englatera at iba pang kanluraning bansa.
Ayon pa sa kritiko, kabilang pa sa payak na dahilan ang katotohanang sinamba at iniluklok sa pedestal ng tagumpay ng masang Pinoy ang mga artistang iniidolo at hindi isinaalang-alang ang paksang tinatalakay sa kuwento ng pelikula. Ang mahalaga sa masang Pinoy, mapanuod ang artistang iniidolo dahil nagbibigay na sila ng kaligayahang higit sa inaasahan nilang ipagkakaloob ng perang ginastos sa pagpasok sa sinehan.

Sa panahong ito, tuluyang nasantabi ang buod o paksa ng kuwentong dapat ding pahalagahan para sa isang mahusay at may katuturang panooring maghahatid ng kapaki-pakinabang na aral sa buhay. Ayon pa sa mga kritiko, nangyari ito dahil marami sa masang Pinoy ang pumasok sa sinehan sa payak na dahilang maaliw ng mga artistang iniidolo at sinasamba ang kasikatan. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unting naglaho ang kasanayang ito at marami sa kanila ang namulat na mahalaga rin ang mensahe o layunin ng kuwento ng pelikulang kanilang pinapanuod.

Ngunit ano ba talaga ang naging epekto ng telebisyon sa pilekula?

Muli, batay sa aklat na A Primer for Film-Making nina Kenneth H. Roberts at Win Sharples Jr., tinalakay rin ang epekto ng telebisyon sa pelikula dahil naramdaman din ang negatibong dulot ng panooring ito sa Amerika at iba pang kanluraning bansa. Sa aklat, inihayag ng dalawang batikan sa larangan ng pelikulang madalas natitigil ang palabas sa telebisyon dahil sa komersyal kaya’t hindi na kailangan ang mabusising pagbuo sa magandang plot o buod, sa halip dapat pagtuunan ng pansin ang magkakasunod na pang-akit o atraksyon upang subaybayan ang programa.

Pinatunayan din ng aklat na sadyang mahirap makuha ang atensyon ng mga manunuod sa simula ng pelikula hanggang katapusan kaya kailangang mahalaga ang bawat eksena ng kuwento. Ito rin daw ang pangunahing dahilan upang baguhin ang pelikula sa anyong “cinematic cinema” sa paglalahad ng kuwentong mayroong tauhan kakaiba sa dula at kalimutan ang paraan ng paglalahad ng kuwentong may pangkaraniwang kaganapan sa mga tauhan.

Batay pa rin sa nabanggit na aklat, kahit naganap ang pagbabagong ito sa kuwento, nananatiling may halaga at napapanahon ang mga pangkara-niwang ideya, pananaw at twist na nagamit na sa simula’t-simula ng industriyang ito. Nananatiling characterization o mahusay na pagpapa-galaw ng mga tauhan ang pangunahing kasangkapan ng mga manunulat upang makagawa ng magandang pelikula at batayan sa paglikha ng tauhang kailangan sa kuwentong epektibong maihahatid ang layunin o paksa sa manunuod.

Kabilang pa rin sa mga pagbabagong natuklasan ng mga gumagawa ng pelikula ang katotohanang hindi nagbibigay ng kasiyahan sa mga manunuod ang tauhang walang kinalaman sa kuwento, sa halip nagdudulot lamang ito ng kaguluhan. Sa pangkalahatan, nais ng mga manunuod na may kaugnayan sa kuwento ang bawat tauhang lulutang at may sariling layuning magbibigay sa kanila ng karagdagang interes upang panoorin ang pelikula mula sa simula hanggang sa katapusan.

Ayon pa sa aklat, kinakailangang isaalang-alang ng mga manunulat ang kaugnayan o halaga ng bawat tauhan ng kuwento, higit sa mga pangunahing tauhan upang magkaroon ng naiiba at sariling katauhan o identity na madaragdag sa susubaybayan ng mga manunuod. Sa dahilang ito, nangangailangang magsagawa ng ibayong pagsisikap ang mga manunulat upang magkaroon ang kaniyang kuwento ng mga tauhang magbibigay ng interes o kasiyahan sa mga manunuod na subaybayan ang magaganap sa kanila sa pagpapatuloy ng pelikula.

At higit sa lahat, kinakailangan ding isaalang-alang ang oras ng eksena o scene dahil mahalaga ito upang makagawa ng panooring aakit at susubaybayan ng mga manunuod mula simula hanggang sa katapusan.

At kabilang pa sa mga pangunahing alituntunin o basic rule sa paggawa ng pelikula ang pagpapahalaga sa nakasanayang pamantayang hindi dapat lalagpas ang bawat eksena o scene sa loob ng tatlong minuto.

Tuwina, dapat isalang-alang ng mga manunulat ang alituntuning dapat maihayag o maipakita sa manunuod sa loob ng oras na ito dahil kung hihigit sa tatlong minuto ang eksena o scene, babagal ang takbo ng mga pangyayari sa kuwento na maaaring kababagutan ng manunuod.

Magkakaroon ng katuparan ang alituntuning ito sa pagsasagawa ng “minute script-page” upang matiyak na masusunod ang pamantayang napatunayang mahalaga sa maraming pelikulang nalikha ng mga itinuturing na henyo sa larangang ito.

Higit sa lahat, dapat ding magkaroon o taglayin ng ng bawat iskrip ang “form continuity” o maayos at makabuluhang daloy ng pangyayari para sa magandang ugnayan ng “visual at auditory images” na lubos at ganap ding mahalaga upang makagawa ng pelikulang tatangkilikin ng mga manunuod at maaaring humakot ng parangal maging sa ibang bansa.

(Itutuloy)


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/