Feb 21
ANG KUWENTO SA PELIKULA by Bobby Villagracia  |  Posted in Articles  |  on Fri, Feb 21, 2014

Unang Parte

Gaano kahalaga ang kuwento sa pelikula?

Maraming kuro-kuro at pala-palagay tungkol sa bagay na ito ang bawa’t taong may interes sa likhang sining na ito, pangkaraniwan man o may kinalaman sa industriya. Bagama’t magkakaiba, nakakahigit ang paniniwalang napakahalaga ng kuwento sa pagbuo ng pelikula dahil sa paniniwalang ito ang kaluluwa ng likhang sining na ito.

Likhang sining na sinasabing unang pinauso ng Pilipinas sa mga bansa sa Asya ngunit sa paglipas ng panahon, maraming naniniwalang nahuhuli na ang ating bansa. Marami rin ang naniniwalang napakahalagang sangkap ng kuwento sa paglikha ng pelikula dahil nagmumula ang magandang likhang sining na ito sa bagay na ito. Ngunit may naniniwala ring isa lamang ang kuwento sa mahalagang sangkap at hindi lubos at ganap na batayan sa paggawa ng maganda at maipagmamalaking pelikula.

Marami rin sa bumubuo sa mga “citer” para sa Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP) na kinabibilangan ng mga iba’t-ibang manggagawa sa industriya, ang naniniwalang kuwento ang pundasyon ng isang magandang pelikula. Ang mga citer ng Luna Awards ay binubuo ng mga director, script-writer, cinematographer, editor, production designer, musical scorer, sound mixer, performer at iba pang manggagawa sa industriya na pipili sa mga pelikula at mga indibiduwal na mabibilang sa mga pagbobotohan para sa awards na ito.

Ginawa ang pagpili sa posibleng nominees sa Ta Ma mini theater ng MOWELFUND Plaza sa Cubao, Quezon City noong nakaraang buwan ng Disyembre at ipinagpatuloy sa Enero, 2014 para sa ika-32 Luna Awards sa taong kasalukuyan, 2014. Isa sa kategoryang pinaglalabanan ang best screenplay.

Ngunit ano ba talaga ang katangian ng isang magandang kuwento para sa pelikula?

Batay sa aklat na A Primer For Film-making na sinulat nina Kenneth H. Roberts, director of Cinema at Win Sharples Jr., lecturer sa Films sa Lehman College sa Amerika, nararapat na nagtataglay ng katangiang hihikayat sa mga manunuod na subaybayan ang kuwento o pangyayari sa likhang sining na ito na tinatawag na “continuity”.

Sa bagay na ito, masasabing masarap at masustansyang sahog ng isang kuwento ang twist o ikot ng pangyayaring hindi lang bubuhay sa interes ng mga manunuod kung hindi magbibigay ng sigasig at alab upang panoorin ang pelikula. At bukod sa mga bagay ito, napakahalaga ring sangkap ang magkakatugmang katangian ng “visual” at “auditory images” upang manatili ang interes ng mga manunuod na panoorin ang pelikula hanggang sa pagwawakas.

Ayon pa sa aklat, nararapat na ang pelikula, tutuo o likhang isip, ay dapat bigyan ng timbang o pagpapahalaga ang kuwento at mga tauhan upang magkaroon ng layang maipahayag ang paksa at layunin nito. Sinasabi rin sa aklat na sa simula’t-simula pa ng paggawa ng pelikula ibinabatay ang takbo ng kuwentong sinasabing pundasyon o batayan sa pagsulat ng iskrip sa Aristotelian precepts na inilatag mahigit ng dalawang libong (2,000) taon ang nakakaraan para sa pagtatanghal ng dula o theater.

Kahit ang mga unang pelikulang tinatawag na silent movie dahil sa kawalan ng tunog o sound, naging pangunahing batayan din ang Aristotelian precepts ngunit sa paglipas ng panahon naging mahalagang sangkap din sa likhang sining na ito ang usapan o dialoque.

Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng pagbabago sa paggawa ng pilekula higit noong dekada 50 sa pamamagitan ng mga mahuhusay na film-makers na sina Bergman, Kurosawa, Fellini, Antonioni at French film-makers na “New Waves na kinabibilangan nina Godard, Truffaut at Resnais. Sa kabila ng inobasyon at pagbabagong ito, nananatiling kuwento at mga tauhan o characterization ang “meat and potatoes” na kailangang isaalang-alang sa paggawa ng pelikula.

Naging daan din ang pagbabagong ito sa paglitaw ng bagong uri ng kuwentong may ibang anyo para sa pelikulang tinawag na “cinematic form” na higit na angkop sa likhang sining na ito ngunit hindi ito nangangahulugang lubusang nabawasan ang halaga ng kuwento na pinagtiyagaang buuin o likhain sa mahabang panahon ng mga manunulat.

Naging ugat din ang pangyayaring ito ang pagbibigay ng timbang sa mga manunuod na nagnanais sa mabilis na pag-usad at maraming nakikitang larawan sa pelikula ngunit kaunti lamang ang mga usapan o dialouqe. Tunay na sa panahong ito, hindi lang nabawasan ang pagbibigay timbang ng pelikula sa usapan o mga katagang binibigkas ng mga tauhan kung hindi pati na rin ang pagbibigay halaga sa “sequential narrative” o mahabang usapan at “dramatic” choice o madamdaming pangyayari sa buhay. Naging ugat ng pagbabagong ito ang impluwensya ng mga “commercial advertisements” sa telebisyon kung saan gumagamit ng “rapid pace” o mabilis na pagkukuwento ng pangyayari at “visual excitement” o kasiyahan sa mga larawang pinapanuod na inihahatid ang kuwento sa loob ng animnapung (60) segundo!

Ngunit hindi lamang anyo ang dahan-dahang nagbago sa pelikula kung hindi pati na rin ang kabuuan ng sining na ito upang makaagapay sa takbo ng panahon. Gayunpaman hindi lubos na nasapawan o natabunan ng mga pagbabago ang lumang pamamaraan sa paggawa ng pelikula na batayan o pundasyon ang “well plotted stories” o magandang kuwento dahil hindi kayang ihatid ang mensahe ng pelikula sa pamamagitan lamang ng anyo. Marami sa mga tagatangkilik ng pelikula ang hindi lubos at ganap na nasiyahang panoorin ang isang pelikulang halos magkakatulad ang takbo ng pangyayari dahilan upang kaagad lumabas ng sinehan, hindi na ipagpatuloy ang panunuod at tuluyang ibaon sa limot.

Nagdudumilat na patunay ang pangyayaring ito ang hindi lubusang tinatangkilik ng mga manunuod sa pelikulang may pangkaraniwang kuwento at nagtatapos sa istilong “happy-ever-ending”.

Hindi rin maitatatwang hanggang sa kasalukuyan panahon patuloy pang namamayagpag ang ganitong uri ng pilekula ngunit sa pangkalahatan, lumulutang o nakakaangat ang mga likhang sining na nagkaroon ng lubos at ganap na kalayaan ang manunulat na ihayag ang pansariling pananaw. Sa pangkalahatan, dapat isaalang-alang ng isang manlilikha sa larangan ng sining ang “gusto” ng mga manunuod o publiko sa anumang larangang kinabibilangan o nais magampanan higit sa paggawa ng pelikula. Ngunit hindi pa rin maitatatwa ang katotohanan sa anumang sining mahalaga ng magandang kuwentong may kahanga-hangang tauhan na labis na kinalulugdan ng manunuod. Kaya dapat pahalagahan ng mga gumagawa ng pelikula o fil-makers ang kagusutuhang ito ng mga manunuod upang patuloy na mamayagpag sa industriyang kinabibilangan.

Ngunit hindi ito nangangahulugang dapat sumunod ang filmmaker sa “conventional theatrical plotting” o nakasanayang uri ng kuwento at mga tauhang angkop sa dula. Dahil higit na malawak ang mundo ng pelikula sa pagbuo ng bago at epektibong paraan upang makagawa ng likhang sining na maituturing na obra-maestra keysa sa mga itinatanghal sa dulaan sa pamamagitan ng isang maganda, malalim, makabuluhan, epektibo at naiibang kuwentong tatangkilikin ng mga manunuod hanggang sa mga darating na panahon.
(Itutuloy)


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/