Nov 20
SCI-FI ENCOUNTER by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Tue, Nov 20, 2007

According to some veterans in the movie industry, ang science fiction movie ang bumuhay sa mga independent filmmakers nung dekada 1960s sa Amerika. Noon ay namayani ang science fiction kasabayan ng mga horror at cowboy films. Dito naman sa atin ay hindi gaanong umalagwa ang mga science fiction although maraming horror movies ang namulaklak sa box office. At kahit walang tunay na cowboy sa Pilipinas ay umani rin ng pera ang pamumuhunan ng mga producers sa mga ala cowboy movies natin nung araw.

Nahirapan ang mga producers sa mga science fiction movies dahil magastos ang costume at set lalo na kung malakihan ang shooting. Noong araw na wala pang computer ay hindi biro ang magpakita ng space ship na lumilipad sa kalawakan. Kahit may mga camera tricks na ay gagastos pa rin ng malaki-laki para lang sa set. At lalong mahirap magpakita ng maraming tao na naka-costume dahil hindi puwede ang camera trick sa ganung camera shots. Ilan lamang ang flying characters na sumikat sa mga camera tricks gaya nina Captain Barbell at Darna.

Wala mang masyado sa pelikula ay nakasiksik naman sa komiks ang mga sci-fi stories natin. Ang Zuma ang isa sa pinakasikat na alien character sa komiks na hindi man straight sci-fi ay maituturing na ring scientific dahil sa pagbalangkas ng pagiging imortal ni Zuma. Ganun din ang tono ng Darna dahil sa kung anong meron ang bato na nagbibigay ng lakas kay Darna. (Mas realistic ang Darna nung araw dahil magkaiba ng anyo si Narda at Darna samantalang ang TV remake ni Angel Locsin ay parehong siya ang papel na Darna at Narda – mahirap paniwalaan na hindi mabubuking ng tao).

Sa pagdating ng computer ay maraming imposible na naging posible na. Ang mga mahihirap na camera tricks nung araw ay sandali lang gawin sa computer ngayon. Bukod sa mga animation ay meron ding mga 3D (3-dimensional) drawings na akala mo talagang totoo. Gaya ng mga space ship na lumilipad ay kayang-kaya na ng mga digital artists natin at hindi pa gaanong kamahalan ang bayad. At hindi na rin problema ang magagastos na costume dahil puwedeng digital art na lang o CGI (computer-generated image) ang gamitin.

Sa TV ngayon ay click sa mga bata ang Kokey ng ABS-CBN sa umpisa ng primetime. Si Kokey ay parang si ET na nakakatuwang parang bata kung mag-isip at kumilos at mahilig din siya sa mga bata. Ang talagang focus ng Kokey ay mga bata kaya mga batang characters ang binigyan ng exciting na mga eksena. Andun din ang friendly arguments ng magkapitbahay na sina Ruffa Gutierrez at Eugene Domingo na madalas sa comedy napupunta lalo na sa paglitaw ni Redford White. Ayon sa isang balita ay patterned daw sa mukha ni Boy Abunda ang hitsura ng character na Kokey.

Si Superman ang pinakasikat na foreign superhero kaya siguro sa kanya naka-pattern si Lastikman. Pareho silang ipinanganak sa ibang planeta at pareho ring may foster parents sa planetang earth. Medyo naiba lang nang konti si Lastikman dahil ang nanay niya ay isang earthling at ang tatay lang niya ang alien. Ang exciting sa Lastikman ay ang paghaba ng kanyang mga kamay o paa at puwede ring maging bola ang kanyang katawan. In short, si Lastikman ay parang goma na puwedeng mabanat o mag-iba ng korte. Ngunit dahil sa piling ng mga earthman siya lumaki kaya ang personality niya ay isang pangkaraniwang tao rin. Ang Lastikman ang bagong TV series ng ABS-CBN na kasunod ng Kokey.

Sa kabilang channel naman ay Zaido ang pantapat ng GMA-7. Ayon na rin sa titulo, si Zaido ay isang pulis pangkalawakan (space police) na siyang dadakip sa mga masasamang mga aliens. Ang pinaka-history ng Zaido ay nag-ugat kay Shyder, ang animated cartoon character na gawa sa Japan na sumikat nung late 1990s. Ang character ni Dennis Trillo ay apo raw ni Shyder ayon sa kuwento ng character ni Ian De Leon.

According to the survey ay mataas ang rating ng Lastikman noong umpisa dahil amused daw ang tao sa mga artista. Si Jason Gainza ang foster father ng batang Lastikman na boyfriend ni Carmi Martin. Amused din ang audience sa husay ng pag-arte ng batang Lastikman pati na ang iba pang mga bata. Ngunit ang mas nakaka-amuse ay ang kamalian ng dialogue:

P: Hello, Sandy!
S: (simangot) Do I know you?
M: Hi, Sandy, kaibigan ko si Pare koy.
S: Ha? Kaya pala magaan ang loob ko sa kanya.

Ang tatlong nag-uusap ay mga batang 7 o 8 taon and edad. Si Sandy ay batang mestisahin kaya parang awkward na marinig ang “magaan ang loob ko” mula sa kanya. Bukod sa maling dialogue ay wala rin sa logic ang pagsimangot ng bata at ang biglang pagbabago ng mood. At ang kasunod na dialogue ay sablay na naman.

M: Alam mo ba ang address niya sa Amerika?
S: Hindi eh. Pero magagawaan natin ng paraan.

Obvious na matanda ang scriptwriter ng Lastikman dahil hindi ganun magsalita ang isang batang babae. Nakapanghihinayang na bumababa ang rating ng Lastikman ngayon dahil na nga siguro sa mga awkward na dialogue.

Sa Zaido naman ay far advanced na parang Star Wars. May character na isang alien na mukhang aso. At malamang ay iba-iba pang hitsura ang maglilitawan sa mga darating na araw. Para sa isang bata ay madaling maka-relate sa Zaido kapag spaceship ang nakikita pero ang pinaka-concept ng “pulis pang-kalawakan” ay mahirap maintindihan.

Masyadong malalim para sa bata ang plot ng Zaido kaya ang target naman daw nito ay mga teenagers at adults. Kung gayon, sa tuwirang salpukan ng mga sci-fi series sa TV ngayon ay parang pinaghatian ang audience dahil merong para sa bata gaya ng Kokey at Lastikman at meron namang para sa hindi bata gaya ng Zaido.

Isa sa mga major factors ng movie o TV series ay ang casting. Kapansin-pansin na bukod sa magagandang costume at set design ng mga sci-fi TV series sa ngayon ay paramihan rin ng mga big name stars. Si Dennis Trillo ang panghatak ng Zaido (si Dennis ang pilit na itinatapat ng GMA-7 sa kasikatan ni Piolo Pascual ng ABS-CBN). Kasama ni Dennis sa Zaido sina Pauleen Luna, Marky Cielo, Aljur Abrenica at iba pang malalaking artista gaya nina Lorna Tolentino at Raymart Santiago.

Si Vhong Navarro naman ang magdadala ng Lastikman dahil si Vhong ay naka-ilang blockbuster na rin sa movies kaya may laban ang Lastikman sa Zaido kung casting ang pag-uusapan. Kasama ni Vhong sa casting si Roxanne Guinoo at Jake Cuenca na halatang exploitation ng true-to-life romance nila. Hindi malayong mangyari na mag-guest sa Lastikman si Angel Locsin o kaya ay si Marian Rivera (MariMar) ang dadalaw upang masilayan ng camera ng Zaido.

Sa script ay kanya-kanyang mga suspense at para bang walang katapusan ang action pati na ang mga pagdating at paglutas ng mga problema ng bida. Sabi ng isang scriptwriter na mas madaling magsulat ng sci-fi dahil nasa genre ito ng fantasy at halos kahit ano ay puwede kung fantasy ang istorya.

Very challenging ang sci-fi TV series sa isang Production Designer o Art Director. Napakasarap daw mag-isip ng costume at set design kapag sci-fi ang genre dahil imagination lang talaga ang kailangan. Sabi nga ng isang Production Designer, “Mas madaling mag-imbento ng hitsura kesa sa gayahin ang meron na.” Kapag sci-fi o fantasy ay enjoy silang mag-isip ng mga out-of-this-world na costume at set design.

At sa tulong ng mga animators o digital artists ay nagiging very colorful ang mga eksena. Kahit ang mga tunay na shots ay puwede pang ma-enhance sa pamamagitan ng digital techniques. Marami na ang nagsabi na ang mga animators na Pinoy ang nangunguna pagdating sa husay at pagiging creative kaya hindi malayong mangyari na ang mga sci-fi TV series in the near future ay puro animation at digital tricks na lang. Samantalahin na natin ngayon hanggang nakikita natin sa TV ang mga mukha ng tunay na artista gaya ni Vhong Navarro at Dennis Trillo.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com