Nov 20
PINOY BIG BROTHER: PAGSUBOK SA KATATAGAN by Pablo Libiran  |  Posted in Articles  |  on Tue, Nov 20, 2007

I’m gonna die!…I’m gonna die…Hu Hu Hu! Ito ang palahaw na iyak ni Mariel Rodriguez, isa sa mga mainstay sa programang Wowowie na palagiang napapanood tuwing tanghali sa Channel 2 at Entertainment Live tuwing Sabado. Ito’y naganap nang hindi na siya palabasin sa Bahay ni Kuya nang minsang maghatid siya ng isang kalahok sa naturang naiibang programa.

Noong una ay nagbibiro pa si Mariel nang pagsasabing “Ano kaya ang pakiramdam ng mga mapapasali sa Bahay ni Kuya?” At bigla nga, sa paghahatid niya ay hindi na siya pinalabas sa naturang tahanan. Panay ang iyak ni Mariel. Paano na raw ang mga programa niya? Paano na raw ang mga personal commitments niya at ni wala siyang gamit o kaya’y mga pagkain sa biglaang pagpasok niya roon.

Iyak siya nang iyak, pero wala siyang magawa dahil may naging kasunduan na pala si Big Brother at ang manager ni Mariel na si Boy Abunda na ipapasok si Mariel sa Bahay ni Kuya dahil maganda at mahalagang papel na gagampanan siya sa naturang programa.

Medyo natigil sa pag-iyak si Mariel nang kausapin siya ni Kuya sa confession room at sinabi sa kanya na gusto ni Big Brother na siya ang maging mata at tenga sa loob ng Bahay ni Kuya. Itinanong ni Mariel: “Hindi ba’t may mga camera naman at mga microphone sa bahay na iyon? “ Bakit kailangan pa raw siya roon?

“Iba na ang may personal akong tenga at mata, Mariel. At ikaw iyon dahil nagtitiwala ako sa iyo!” ito ang pahayag sa kanya ni Kuya. At tumahan lang sa pag-iyak si Mariel nang sabihin ni Big Brother na ipinadala na niya ang mga gamit at mga mahahalagang pangngangailangan ni Mariel.

Ang totoo, hindi lang si Mariel ang nakadama ng pagtutol sa pagpasok sa Bahay ni Kuya. Maging si Ethel Booba ay tumanggi rin sa role na gagampanan niya sa Pinoy Big Brother. Pero wala siyang magawa dahil maimpluwensiya si Kuya. Alam nito kung saan dapat ilagay ang isang artista para mapabuti ang buhay niya.

Kunsabagay, maganda rin naman ang resulta ng mga produktong artista sa bahay ni Kuya, Si Sam Milby at Francing ay mga produkto ng programang ito. Na matapos magwagi ay umani ng labis na popularidad at paghanga sa kani-kanilang mga tagasubaybay. Bukod doon ay talagang may malaking halaga at napakarami pa nilang produktong pinakinabangan. Kasama na rin dito ang bahay at lupa na ibinigay sa kanila.

Sa Pinoy Big Brother ay maraming matututuhan. Hindi lamang pag-arte nang natural. Matututo rin silang gumawa ng mga gawaing bahay. Maging ang pakikisama at pakikisalamuha sa mga taong noon lamang nila makakasama sa kanilang buhay. May mga mahihirap ding assignment na ibibigay si Kuya sa mga taong gusto niyang subukin at parusahan.

Katulad na lamang ng pagpapakain ng baboy, pagpapaligo at paglilinis ng kulungan nito. Iyan ay mga gawain na maaring hindi pa nararanasan ng sinumang kasapi o magiging contestant sa Bahay ni Kuya. Pero iyon ay gagawin at gagampanan dahil parte iyon ng pag-aaral.

Ang sinumang tututol at susuway sa mga patakaran ni Kuya ay matatanggap na kaparusahan. Mga kaparusahan na maaaring kung hindi susundin ay matatanggal ka o mapapalabas sa Bahay ni Kuya. At ang maari lamang makapagligtas sa iyo ay ang mga taong magpapadala ng text messages na makikiusap na mailigtas ka.

Kung minsan, masasabi natin na masyadong mahigpit si Kuya, lalo na sa pagpaparusa. Kung minsan naman ay may mga utos siya na nakakatawa. May gagawing payaso. Magsusuot ng iba’t ibang costume at maraming pang iba. Mga gimik at mga kautusan na susubok talaga sa katatagan ng isang tao. Hindi rin maaaring maging plastic ang ugali mo. Dahil kapag may makakakita sa tunay na ugali mo ay talagang tatalakan ka at sisigawan ng iyong mga kasama.

Bawal ding makialam sa gamit ng iba. Talagang ipoprotesta ka. Kaya naman kailangan marunong kang makisama. Kapag mabait ka ay ipagtatanggol ka ng iyong mga kasama at ipaglalaban ka nila upang huwag maalis sa Bahay ni Kuya, May pagkakataon din na mamahalin at iibigin mo ang iyong mga kasama.

Marami pang ideyang napapaloob sa Bahay ni Kuya na naiiba. Wala nito sa ibang programa. At masasabi nating na ang Channel 2 lamang ito makikita at masasaksihan.