Jan 22
PELIKULA, MAILAP NA PANGARAP by Bobby Villagracia  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jan 22, 2014

Maging malikhaing manunulat ang pangarap na sumibol sa aking musmos na isipan noong nag-aaral ako sa Bayan-bayan Elementary School, isang barangay sa Labo, Camarines Norte. Isang natatanging pangarap na pilit kong binigyan ng katuparan sa pagpapadala ng kuwento sa Liwayway Magasin na nagbunga sa kabiguan.

Nagpatuloy ang musmos kong pangarap sa paglipat ko sa Tulay na Lupa Elementary School , kalapit na barangay ng Bayan-bayan dahil sa pagsasara ng paaralang una kong pinag-aralan. At sa pag-aaral ko sa Tulay na Lupa National High School, muling naging masidhi at maalab ang pangarap kong maging isang malikhaing manunulat na pilit kong binigyan ng katuparan sa pagpapasa ng mga tula sa pahayagan ng paaralang hindi ko na matandaan ang pangalan.

Ngunit tulad ng una kong isinagawang hakbang sa katuparan ng musmos kong pangarap, nauwi ito sa kabiguan dahil hindi nalimbag ang aking mga tula. Pansamantala, namatay ang alab at ningas ng pangarap na sumibol sa aking kamusmusan na kabilang sa naging inspirasyon ang tiyahin kong madre na si Tiya Gracia, Sor Alba Maria Villaluz na sumulat ng ilang aklat sa kumbento. Ngunit sa pag-aaral ko ng kolehiyo sa Mabini Colleges sa Daet, Camarines Norte, hindi lang ito muling nabuhay kung hindi naglagablab upang magkaroon ng katuparan. Muli, nagsulat ako ng kuwento at tula at isinumite sa pahayagan ng kolehiyong “The Sublime Torch”, ngunit tulad ng mga una kong pagtatangka, nauwi ito sa mapait at masaklap na kabiguan dahil hindi nalathala.

Muli, namatay ang alab at ningas ng pangarap kong maging isang malikhaing manunulat. Pangarap na siguro kung nakapag-aral ako ng journalism, kursong nais kong mapag-aralan nagkaroon ng katuparan ngunit dahil sa kawalan ng perang maitutustos sa pag-aaral sa malaking unibersidad na wala sa aming lalawigan, hindi nagkaroon ng katuparan.

Nagtratrabaho na ako sa Post Office ng muling mabuhay ang pangarap kong maging malikhaing manunulat na nabigyan ng katuparan sa komiks na pinakamalaganap na babasahin sa mahigit pitong libong pulo ng Pilipinas ng panahong ito. Naganap ito sa pamamagitan ng crash course na inialok sa may hilig sa pagsusulat sa komiks na inilunsad ng Roces group of companies kung saan kabilang ang GASI, Atlas at iba pang kompanya sa pamamagitan ni Ginoong Joe Lad Santos, pangkalahatang patnugot ng GASI publications.

Pinili ko ang pinakamaganda kong nasulat na kuwento batay sa anyo ng iskrip ni Ginoong Rodie Metin na may titulong “Minsan may isang pag-ibig” at ipinadala sa koreo sa Lovelife Komiks ng GASI na pinamamahalaan ni Ginoong Pablo Reyna Libiran bilang patnugot. Sa pagpunta ko sa GASI publication sa Lungsod ng Quezon, ipinaalam sa akin ni Ginoong Libiran na isa na akong manunulat dahil nalathala na ang kuwento ko sa komiks na hindi ko nabasa sa probinsya dahil minsan, abalang-abala sa trabaho sa Post Office. Hindi ako mapaka-paniwala sa mabilis na pangyayari sa katuparan ng musmos kong pangarap na maging isang malikhaing manunulat. Ngunit hindi ito guniguni o panaginip dahil hawak ko at binabasa ang komiks na naglalaman ng kuwento kong iginuhit ni Ginoong Roger Miralles.

Ipinagpatuloy ko ang pagsusulat sa GASI, Atlas, Affliated at iba pang komiks na inilalathala ng Roces of group of companies hanggang mabigyan ako ng pagkakataong magnobela sa King Komiks na inilalathala ng Atlas Publications na pinamamahalaan ni Mr. June Clemente bilang patnugot. Sa komiks na ito, sinulat ko ang nobelang “Muling magbabaga ang punglo” na naging matagumpay dahil sinubaybayan ng maraming mambabasa sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.

Ngunit kasabay ng pangyayaring ito, umusbong ang panibagong pangarap sa aking isipan sa larangan ng malikhaing pagsusulat sa pamamagitan ng ambisyong makapagsulat ng kuwento sa pelikula. Isang sining na labis ko ring kinalugdan simula sa kamusmusan at pinangarap maging bahagi ang mga lilikhain o susulatin kong nobela o kuwento.

Taong 1986 nang maging kasapi ako ng Screenwriters Guild of the Philippines (SGP) na nasa ilalim ng Film Academy of the Philippines (FAP). Kabilang ako sa maraming tumugon sa panawagan ng guild sa mga bagong manunulat na nagnanais maging bahagi ng samahang nagsusulat ng iskrip para sa pilekula sa pamamagitan ng anunsyo sa Pahayagang Malaya. Ngunit masikip, matinik at maraming sagabal sa panibago kong pangarap kahit nabigyan ng panahon ni Ginoong Joe Carreon ang likas kong hilig sa pagsusulat dahil sa “makalumang kasanayan” sa nabanggit na sining.

Kabilang sa mga dagok na naging dahilan upang manlamig ang pangarap kong makapagsulat ng iskrip sa pelikula ang naganap na hindi pagkakaunawaan sa mga titulo ng pelikula noong dekada 90 na nasa SGP pa ang karapatang mamahala at mangalaga. Kabilang sa mga titulo ng buod o konsepto ko sa pelikula na nasangkot sa insidenteng ito ang “Sandata ko ang hustisya”, “Armas ko ang batas” at “Wala ka ng lupang hahakbangan”.

Ngunit sa pamumuno ni Ginoong Leo Martinez sa Film Academy of the Philippines (FAP) nagkaroon ng maraming positibong pagbabago sa mga nangangarap makapasok at maging bahagi ng mundo ng pelikula. Nagsulong ang FAP ng iba’t-ibang programa at proyekto na makakatulong sa lahat ng may likas talento sa pagsusulat ng iskrip, pag-arte, direksyon, cinematography, paggamit ng camera at iba pang gawaing mahalagang sangkap sa paggawa ng likhang sining na ito.

Kabilang sa mga ito ang “Movie Production for Digital Migration” na ginanap sa SM North Edsa noong ika 28 -30 ng Hunyo, 2013. Sa nabanggit na three (3) day intensive workshop, ipinakita ang iba’t-ibang uri ng digital camera na nagtataglay ng makabagong features at mekanismo na makakatulong sa pagpapaganda ng pelikula. Nagkaroon din ng palabas ng mga bahagi ng mga likhang pelikula ng mga makabagong digital camera na tunay na isang kahanga-hanga at kagila-gilalas na obra sa larangan ng sining.

Sa panig naman ng Screenwriters Guild of the Philippines (SGP) na pinamumunuan ni Dr. Isabel D. Sabullen, nagsagawa ito ng dalawang araw na seminar sa Film Criticism Workshop sa Lecture Room B, Executive Building, 3rd Floor Quezon City Hall, Quezon City noong ika-14 at 15 ng Disyembre, 2013. Nagsilbing resource person si Prof. John Iremil E. Teodoro ng Mirriam College na tumalakay sa iba’t-ibang paksang makakatulong upang higit na mapahusay, malinang at mapataas ang uri ng pelikulang Pilipino bilang isang napahalagang sining ng isang bansa.

Sa workshop, sinagot naman ni Direktor Joe Carreon ang iba’t-ibang katanungan ng mga lumahok tungkol sa iba’t-ibang pangyayari at kaganapan sa mundo ng pelikulang magbibigay liwanag, mahalagang tulong at gabay sa mga nagnanais maging bahagi ng sining na ito. Sa nabanggit ding workshop, nahirang si Atty John Philip L. Cunada bilang manananggol na boluntaryong tutulong sa mga kasapi ng SGP sa mga lulutang na problemang legal upang maipagtanggol at mapangalagaan ang kanilang mga karapatan sa kuwento o iskrip na nagdaang panahon, madalas nasasantabi.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/