Oct 11
FORMULA FILMS by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Thu, Oct 11, 2007

Buong pagmamalaking inihandog ng Star Cinema ang I’ve Fallen for You, ang unang pelikulang directed ni Lino Cayetano, ang controversial na anak ni Compañero Cayetano at kapatid ng 2 senador na sina Pia at Alan Peter. Starring the hottest young loveteam of the year na sina Kim Chui at Gerald Anderson, inaasahan ng producer na hahakot ito ng pera sa box office. Sa kabila ng mga promo at pagbabando na punong-puno ang sinehan ay hindi naitago ang katotohanan na hindi naman naging blockbuster ang nasabing pelikula. “Kumita ng konti,” yan ang sabi ng mga theater bookers.

Kung pag-iisipang mabuti, ang I’ve Fallen for You ay kumpleto sa recado. Maganda ang istorya. Sikat ang mga artista at nababagay sa pa-cute na mga characters at situation. Busog sa promotion lalo na sa TV spots. At controversial pa ang director. Siguro ay nagtataka rin ang mga producers ng I’ve Fallen for You kung bakit hindi ito bumenta ng kalakihan para masabing hit. Bakit kaya ito nag-flop sa box office eh tama naman ang ginamit na formula?

“Walang formula film,” ang mariing sabi ng isang dating producer noong araw. Ang tinatawag na formula film ay ang pagkakaroon ng sapat na mga ingredients, mula sa istorya, sa casting at hanggang sa promotion at mga controversial na issue para pag-usapan o para maging interesante sa mga moviegoers. Pero dahil wala ngang formula movie kaya ang mga producer ay nangangapa pa rin, mula noon, hanggang ngayon.

Ang Enteng Kabisote ay naging bukambibig ng mga moviegoers sa ikalawang taon nitong pagiging top grosser ng MMFF (Metro Manila Film Festival). Ngunit sa ikatlong taon ay nasilat ang Enteng Kabisote ng Kasal, Kasali, Kasalo ni Judy Ann Santos. “Kapiraso lang naman. Kung baga sa karera ng kabayo ay nguso lang ang ikinatalo ng Enteng,” sabi ng isang veteran sa movie industry. Ganunpaman ay lagpas pa rin sa 100 milyon ang hinakot na benta ng Enteng Kabisote 3. Base sa regulation ng MMFF, ang Enteng pa rin ang tumanggap ng award bilang Top Grosser ng festival dahil ang pagsukat sa bentahan ay ginawa sa first 4 days lamang ng festival. Kaya nang umarangkada ang benta ng Kasal, Kasali, Kasalo ay huli na para sa award.

Ang controversy ay hindi pinalampas ng mga tao. Pati ang simbahang Katoliko ay nakisali sa kanilang statement na dapat raw tangkilikin ang mga pelikulang may sense. Ang statement na yun ay directang parinig sa Enteng Kabisote 3 dahil alam naman nating kung tutuusin ay wala talagang sense ang isang comedy movie lalo pa sa fantasy na kagaya ng Enteng Kabisote.

Sa darating na MMFF sa December ay muling maghaharap sa box office ang Enteng at ang Kasal. This time ay matindihan na ang preparasyon at inaasahang matindihan din ang duelo ng Enteng Kabisote 4 versus Sakal, Sakali, Saklolo. Ayon sa balita ay si Pia Guanio ang ka-partner ni Vic Sotto samantalang sa kabilang kampo ay nanatiling si Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo pa rin. At katulad nang nakaraan nilang version, ang Enteng ay may mga bagong kalaban at bagong situations. Ang Sakal naman ay bago ang mga confusing but funny situations at syempre andun ang pakilig moments ng true to life sweethearts na sina Judy Ann at Ryan.

Sinamantala ng GMA Films ang kainitan ng tandem ni Angel Locsin at Richard Gutierrez sa TV. Umabot sa 80 milyon ang gross sa box office ng Let the Love Begin. Gumaya ang Star Cinema at hindi bababa sa 50 milyon ang kinita ng This Must Be Love ni Sandara Park at Hero Angeles. Si Sarah Geronimo pa nga ang kumanta ng theme song ng This Must Be Love. Formula na nga itong maituturing ang kasikatan ng main cast, ang pakilig moments at ang matinding promo ng pelikula. Ngunit hindi na raw kumita ang huling pelikula ni Angel at Richard na ayon sa ilang observers ay nakakasawa kasi pag palaging ganun ang tema na puro pakilig lang.

Ang mga action films noong araw ay walang katulad. Kahit wala namang cowboy dito sa sa atin ay kagat na kagat ang mga moviegoers sa cowboy movies. Ang baril ay naging simbolo ng mga action stars. At nang magsawa sa kabayo at baril ang mga tao ay lumipat naman sa martial arts ang mga action movies. Ang sandigan naman ng war movies noon ay ang pagiging makabayan nating mga Pilipino. Panonoorin at panonoorin daw ng mga tao ang pelikulang giyera na World War II ang setting lalo na kung mga Pilipino ang magwawagi sa ending. Ang nasabing mga action films ang namayagpag noong panahon ni Fernando Poe, Jr at Joseph Estrada.

Sa ngayon ay parang wala nang papansin sa mga pelikula ni Ronnie Ricketts at ng iba pang action stars. Nawala na sa eksena sina Phillip Salvador at Rudy Fernandez (na kasalukuyang nagpapagamot ng kanyang sakit na cancer). Kahit ang Tatlong Baraha na entry ni Lito Lapid sa nakaraang filmfest ay hindi rin bumenta. Si Bong Revilla na tinaguriang Titanic Action Star at isang senador ay nagsusumiksik sa comedy ngayon.

Ibang formula naman ang tinimpla ni Mother Lily sa kanyang Mano Po series. Bukod sa maraming Chinese dito sa atin ay powerful pa sila sa business community kaya walang nagtaka nang humakot ng benta ang unang Mano Po na pinangunahan ni Susan Roces, Christopher De Leon at Kris Aquino. Pero kung titingnan ang budget ng Mano Po ay kailangang maka-gross ng higit sa 50 milyon bago ito mag-profit dahil ang Mano Po 5 ay puro all-star ang casting, matindi sa costume at magastos sa set. Sabi ng isang co-writer, dapat daw ay naparangalan ng NCCA (National Commission for Culture and the Arts) ang Regal Films dahil talaga namang cultural movie ang Mano Po series.

Ngunit ang formula ni Mother Lily ay pumaltos sa ikalawang pagsubok at lalong malaking paltos sa ikatlo at ikaapat . Obvious na nagsawa na ang moviegoers sa ka-Intsikan ng Mano Po. And so, balik sa horror ang Regal para makabawi. Ngunit hindi na rin gaanong kinagat ng moviegoers ang Shake, Rattle and Roll na ika-9 na yata sa series ng Regal shockers.

Sa panahon ng tinatawag na biopic o filmbio ay namayagpag ang mga buhay ng mga kriminal at mga pulis. Lalong sumikat si Ben Tumbling sa magandang pagganap ni Lito Lapid. Naging bukambibig si Baby Ama na ginampanan ni Rudy Fernandez at sinundan pa ng Anak Ni Baby Ama na si Robin Padilla naman ang naging bida. Nakilala rin ng tao si Fred Lim na naging mayor ng Manila at senador. Andyan din si Afuang, Jaylo at iba pang mga pulis na may makulay na buhay.

Bukod sa mga kriminal at pulis ay naglitawan rin ang mga sawimpalad na kuwento ng buhay. Si Kris Aquino ang gumanap sa papel ni Myrna Diones, ang babaeng na-rape at left for dead sa isang bangin na nabuhay para usigin ang mga kriminal. Napelikula rin ang buhay ni Sarah Balabagan, isang 14-year old na OFW na nakulong sa Middle East dahil sa salang pagpatay sa kanyang amo. Doble pa nga ang pelikula ng Chop-chop Lady Elsa Castillo. Si Kris Aquino ang gumanap sa isang version at si Lorna Tolentino naman sa isa pa.

Matapos ang ilang taon ay nagsawa na rin ang moviegoers sa mga film bio na yan. Ang latest na sumadsad ay ang biopic ni Chavit Singson na si Cesar Montano pa man din ang bida at directed by Carlo Caparas. Sumemplang din sa takilya ang boxing movie na mismong si Manny Pacquiao ang gumanap na bida sa pelikulang Lisensyadong Kamao. Sawimpalad din ang biopic ng Pambansang Kamao na ginampanan ni Jericho Rosales. Ang tanong nga ay kung talagang sikat si Pacman ay bakit hindi kumita ang kanyang mga movies?

Sa usapang formula ay nangunguna ang cast sa mga factors kasunod ang istorya o intrigang napapaloob sa istorya o ang mainit na issue na kinasa-sangkutan ng istorya. Ngunit sa pagbalangkas ng mga nakaraang pelikula, mula sa comedy, horror, hanggang sa mga biopics, malinaw naman na there is no formula at all. Everything depends on the taste and mood of the moviegoers. Lahat ay nagbabago at sa panahon ng high technology ay madaling magsawa ang mga tao. Siguro dahil na rin sa dami ng activities na puwedeng gawin kaya nagiging mapili ang mga movie-going public. Lalo pa nga at may libreng mga video sa www.youtube.com.

Ang tanging payo na nagmula sa isang movie industry veteran ay ang pagiging creative. Dapat daw ay palitan na ang mga story writers kung wala rin lang mailalabas na bago. Lalo na sa mga comedy writers, karamihan ng gags ngayon sa mga comedy movies natin ay dinampot lang sa internet at yung iba naman ay mga lumang jokes na ni-rehash. That means wala talagang bago na maidudulot sa atin.

Bukod sa pagiging creative, dapat rin siguro na alamin ang panlasa at mood ng moviegoers. Kung wala na sa hilig ang biopics, dapat na itong tigilan. Kung click ngayon ang mga science fiction gaya ng mga serial sa TV ngayon, puwede sigurong sumubok sa movies.

O baka kailangan na ngayon ang accurate survey sa mga moviegoers, para man lang ma-determine kung ano ang sasalpak sa kailang panlasa. Uso naman ang survey, di ba?

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com