Oct 05
PINOY MUSIKA (Part 2) by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Oct 5, 2007

OPM ang tawag sa Original Pilipino Music na napauso nung dekada 70s. Pinoy rock and roll ang nagpasimuno sa pangunguna ng Juan Dela Cruz band, Maria Cafra at iba pang rock bands. Hindi naglipas ang taon ay nagustuhan na rin ng mga music lovers ang iba pang genre ng kanta gaya ng mga ballad at iba pang soft music na dati ay tinatawag na baduy o bakya. Bago sumapit ang dekada 80 ay umalagwa na ang Pinoy Musika at halos naging pantay ang laban nila sa mga kantang banyaga.

Ang kasikatan ng mga singers noon ay hindi maihahambing sa ngayon. Hindi mabilang ang mga tagahanga nina Mike Hanopol, Rico Puno, Sampaguita, Didith Reyes, Eva Eugenio at iba pang singers na paborito ng mga radio DJs.

May tinatawag na Jukebox King and Queen na kahit walang survey ay iginagalang ng mga tao ang parangal. Si Victor Wood ang kahuli-hulihang Jukebox King dahil sa benta ng kanyang mga plaka at album. (Si Eddie Peregrina ang sinundan ni Victor Wood. Si Eddie ay namatay sa isang vehicular accident). Marami ang hindi nakakaalam na naging international singing star si Victor Wood. Namayagpag ang plaka ni Victor sa Malaysia at Indonesia at ilang beses na rin siyang nag-concert doon. Sa babae naman ay hindi nahusgahan kung sino kina Imelda Papin at Claire Dela Fuente ang tunay na Jukebox Queen dahil nung panahon nila ay pawala na ang jukebox.. (Ang jukebox ay isang makinang naglalaman ng maraming plaka at hinuhulugan ng barya para mapatugtog).

Si Sarah Geronimo ay very promising sa kanyang pagwawagi sa isang singing contest. Ngunit imbes na mag-focus sa pagkanta ay naging artista sa TV si Sarah. Mula sa GMA-7 ay lumipat siya sa ABS-CBN ngayon. Naging bida na rin siya sa sarili niyang soap, Sarah, ang Munting Prinsesa, at ngayon ay may soap na naman siya.

Ang ibang kasabayan ni Sarah ay paminsan-minsang pumapasok sa TV pero nananatili sila sa pagkanta. Masasabing sikat na rin sina Rachelle Ann Go, Mark Bautista, Christian Bautista at Erik Santos. Ngunit malayo pa sila sa bahagdang narating ni Martin Nievera at Pops Fernandez kung concert rin lang ang pag-uusapan. At hindi rin mawawala sa eksena si Gary Valenciano, ang tinaguriang Mr. Pure Energy. Kahit sabihing naglalagi sa TV si Martin, Pops at Gary V, hindi pa rin nila maiwawaksi ang pagkanta sa kanilang image samantalang may mga taong hindi na maalala na singer pala si Sarah Geronimo.

Sa pagbabalangkas ng kalakaran ng mga so-called singing stars ay muling maiisip na ang pinakamalaking dahilan ng pagbagsak ng local music industry ay ang intellectual piracy. Napakamura na ng pirated CD at kung marunong ka sa internet ay makakakuha ka pa ng mga libreng kopya ng kanta. Pero hindi naman yan lang ang dahilan kung bakit matamlay ang mga record producers ngayon. Sa katuwiran nila, hindi na raw kayang sumikat ng singer ngayon na gaya dati dahil marami nang kumpitensya gaya ng matitinding TV shows, computer games at iba pang libangan na gaya ng casino sa mga hotel, bukod pa ang online casino.

Nawala na ang kumpyansa ng mga record producers ngayon dahil iba na ang mentalidad ng mga tao. “Best things in life are cheap,” sabi ng isang baguhang composer. Gusto ng mga tao ang libre o mura ang presyo. “Until there are buyers, there are sellers (of pirated CD) and until there are sellers, there are buyers.”

Sa kabilang bahagi ng daigdig ay buhay pa naman ang music industry lalo na dahil sa suportang ibinibigay ng Grammy Awards. Itong award na ito ang bumubuhat sa mga foreign singers at ang prestige ng Grammy ay nagbibigay kinang sa pangalan ng mga nagwawaging performers. Awit Awards ang katumbas nyan dito. At kahit hindi kasing sikat ng Grammy, ang Awit ay maituturing na isang saklay sa namimilay na local music industry.

Ang ilan sa mga dati nang kilalang singers na naparangalan nung nakaraang Awit Awards ay sina Lani Misalucha bilang Female Recording Artist at Gary Valenciano para sa Male Recording Artist. Sa band naman ay Kamikazee ang nanguna sa kanta nilang Narda na naging theme song ng TV version ng Darna. Katulad ng mga awards sa movie industry, ang Awit Awards ay nagbibigay ng inspirasyon sa mga singers, composers at record producers pero mas tamang sabihin na nakakapagbigay sila ng consolation sa matamlay na career. Nagwagi rin ng parangal si Kitchie Nadal sa kanta niyang Majika, ang theme song ng fantaserye.

Bukod sa mga awards ay meron ding mga singing contests at songwriting contests. Singing contest ang pinanggalingan ni Sarah Geronimo, Makisig Morales at iba pang mga singers ngayon na biglang sumikat. Ang batang si Makisig ay nag-concentrate na rin sa TV partikular sa mga fantaserye sa ABS-CBN. Sa kabilang dako, si Kyla, Nina at Nyoy Volante ay nananatili pa rin sa pagkanta kahit sabihing paminsan-minsan ay sumusulpot sila sa TV shows.

Contest ang tanging daan sa kasikatan ng mga singers nung araw. Ang Tawag ng Tanghalan ang nagpasikat kay Pepe Pimentel, Diomedes Maturan atbp. Bihira yata ang nakakaalala na sa Tawag ng Tanghalan ni Patsy at Lopito nagsimula si Nora Aunor. Tinalo pa nga siya ni Jose Yap pero sumikat pa rin si Nora. Sa singing contest sa Student Canteen isinilang ang career ni Marco Sison na later on ay naging politician sa Laguna.

Sa mga songwriting contest naman ay nangunguna ang Metropop. Nagbigay daan ang Metropop sa mga kantang Kay Ganda Ng Ating Musika, Salamat Musika at sa pinakasikat at naging international blockbuster na Anak ni Freddie Aguilar. Nakakalungkot isipin na ang Anak ay naging finalist lang ng Metropop at hindi nanalo ng major award.

Sa pagpasok ng bagong milenyo ay nakisabay na rin ang ABS-CBN sa Metropop. Ang Himig Handog na tumakbo ng 3 taong sunod-sunod ay nagtangkang ibangon ang music industry sa pamamagitan ng pag-discover ng mga bagong awitin at bagong mukha na mang-aawit. Katulad sa nahintong Metropop, ang Himig Handog ay bigo sa kanilang pakay at nahinto na rin dahil daw sa kawalan ng sponsors.

Isa pang songwriting contest ang Pinoy Musika Awards na hindi na nagkaroon ng kasunod dahil din sa kawalan ng sponsors. At ang souvenir album ay hindi nailabas dahil sa pagrereklamo ng isang finalist. Marami raw technical problems na dinanas ang Pinoy Musika Awards kaya hindi na ito ipinagpatuloy ng Ultimate Productions.

Isang kapansin-pansin sa lahat ng mga songwriting contests ay ang pangalan nina Gary Granada, Arnel De Pano, Jungee Marcelo at Soc Villanueva. Sila ay laging finalists sa mga songwriting contests. Sabi nga ng ilang talunan, “Mathematically improbable yun. Libo ang entries tapos lagi na lang silang finalist, ano?” That’s short of saying na may mga anomalyang nangyayari sa mga songwriting contests na yan. “Eh kaya nga nawala na lahat pati Metropop kasi nabuking na sila,” dagdag pa ng isang amateur composer.

As of now, ang nabanggit na mga grupo gaya ng OPM (Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit), FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers) at PARI (Philippine Association of the Record Industry, Inc.) ay walang ngipin at walang lakas para ipatupad ang IPR (Intellectual Property Rights) law. Hindi nila kayang supilin ang pagbebenta ng mga pirated CDs kahit andyan pa ang OMB (Optical Media Board) ni Edu Manzano. Bukod sa walang sapat na budget ay walang sapat na influence ang mga grupong ito. Ang isa pang problema ay ang walang pagkakaisa sa music industry. Parang sa pelikula, may mga nagsasabi na ang pirated copies ay nagmumula rin sa mga recording companies.

May kasabihan na “Let’s get our act together.” Kung magkakaisa ang lahat ng sangkot sa music industry at kung isang tugtugin lang ang sasayawan nila, hindi malayong magapi nila ang kalaban. Ngunit kapag negosyo lang ang laging nasa isip at ang pagsikat na kanya-kanya, malamang na hindi na makabangon ang music industry at tayo ay magtitiis na lang sa mga lumang tugtugin.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com