Sep 28
PINOY MUSIKA by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Fri, Sep 28, 2007

Katulad ng movie industry, ang Philippine music industry ay lubhang apektado ng so-called intellectual piracy. Hindi tulad ng mga nakaraang dekada na walang humpay ang paggawa ng album ng mga Pinoy singers, ngayon ay bihira na ang bagong music album. Para bang nag-atrasan na ang mga record producers. At ang sinasabing dahilan? Hindi kumikita ang mga album ngayon dahil sa piracy.

Bago sumapit ang year 2000 ay masidhi ang PARI (Philippine Association of the Record Industry, Inc.) sa paglaban sa piracy. Sa pangunguna ni Danny Olivares, ang PARI ay madalas magbigay ng babala ukol sa pagiging ilegal ng pirated copy ng mga musical album. Dumating rin ang PARI sa punto na takutin at lokohin ang publiko na kesyo nakakasira ng CD player ang pirated CD at hindi malinaw ang kopya. Sa dakong ito ay alam na natin ngayon ang totoo na ang bawat kopya ng digital data, kahit ito ay pirated o hindi, ay eksakto at perfect.

Ang OPM (Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit) na pinamumunuan ni Mitch Valdez ay naglunsad rin ng kanilang crusade laban sa Intellectual Piracy. Pero katulad ng PARI ay walang ngipin ang OPM kaya hindi sila naging matagumpay. At ngayong halos lugmok na rin ang local music industry ay walang magawa ang OPM kundi ang magbigay ng mga seminar at symposium upang maliwanagan ng publiko kung ano talaga ang intellectual property rights.

Ayon sa estimate ni Gary Granada, hindi kukulangin sa 300,000 pesos ang puhunan para gumawa ng isang album (sinabi nya ito nung taong 2002), kasama na rito ang recording, advanced royalties at promotion. Kahit sa ngayon ay hindi biro ang ganung halaga. At sa panahon ng internet at piracy ay nakakatakot talagang mamuhunan sa bagong album dahil ang publiko ay parang laging naghahanap ng mura o libre.

Ang FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers) ay isa pang grupo na lumalaban sa piracy. Maraming humahanga sa FILSCAP dahil ito lang ang tanging grupo na nagbibigay ng direktang protection sa kanilang mga kasapi. Sila ang nagmo-monitor ng sales ng mga album at maraming composers ang nagsasabi na mas accurate pa ang figures ng FILSCAP kaysa sa mga record bars and outlet. Pagdating sa royalty ng composers at singers ay napakahalaga ng sales figures.

Isang anecdote ni Richard Reynoso nung kasikatan nya. Panay ang patawag ng kanyang recording company para mag-guest siya sa mga TV shows. Madalas mabigyan ng award ang kanyang mga album. Ngunit nakakahalata si Richard dahil puro award pero wala namang royalty. Kaya nang sumunod na patawag ng recording company niya para gawaran ng gold record ang kanyang album sa isang noontime TV show ay agad inusisa ng manager ni Richard ang tungkol sa pagkubra ng royalty. Sa hindi malamang dahilan ay na-cancel ang kanyang TV guesting at nawalang parang bula ang sinabing gold record award na para bang napaso ang recording company.

Sa kaso ni Richard ay napakalaking bagay ng FILSCAP. Parang watchdog raw ang FILSCAP sa pagbabantay ng record sales kaya maraming takot dito. Ang mga nagpapalusot na producers at distributors ay hindi kayang manloko pag-dating sa royalty kapag ang composers at singers ay rehistrado sa FILSCAP.

Ang isa pang nagpapahirap sa music industry, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, ay ang mp3 format. Katumbas ng nasa CD, ang mp3 ang naikakarga sa computer para makapag-patugtog sa tulong ng computer speakers. At dahil may internet na, ang pagpapasahan o kopyahan ng mga kantang nasa mp3 format ay napakadali. Katulad sa simpleng email, puwedeng magpadala ng kanta sa mga kaibigan o puwede ring manghingi. At sa internet, kadalasan ay libre lamang ang kahit anong service. May mga CD players na ngayon na kaya ring magpatugtog ng mp3 music.

Bukod sa intellectual piracy at mp3 format sa internet ay marami pang ibang dahilan kung bakit humihina ang music industry. Puwede rin sigurong sisihin ang sistema sa paligid-ligid.

Si Lon Mendoza ay isang aspiring singer at composer. Dati na siyang naglabas ng album sa Alpha Records pero sa hindi malamang dahilan ay hindi nagtagal ang album niya sa market. Bilang patunay ng kanyang galing sa musika, sumali si Lon sa isang songwriting contest kung saan niya napanalunan ang grand prize. Siya rin ang kumanta ng kanyang piyesang pinamagatang Hege. Ang nasabing grand prize ay nagbigay ng lakas ng loob kay Lon upang mamuhunan at mag-produce ng sarili nyang album. Ngunit hindi naintindihan ni Lon na marami palang rekusitos ang album para mabili ito. Kahit maganda ang kanyang mga kanta sa album na iyun ay hindi ito sisikat kung walang proper promotion.

Nilibot ni Lon ang mga istasyon ng radyo. Namudmod siya ng kopya ng CD sa mga DJ at kinausap rin niya ang mga station managers. Kung ganung kasimple ang labanan ay malamang na nag-click ang album ni Lon dahil magaganda at napapanahon ang mga kanta niya. Ngunit paano namang aandar ang CD player kung walang mantika?

Ang payola sa radio ay unang nabulgar nung 1970s. Kailangang bayaran pa ang mga radio station para patugtugin ang kanta. At kung walang bayad ay hindi mo maririnig sa radyo ang iyong kanta. At pag hindi narinig sa radyo ay paano namang malalaman ng tao? At kung hindi alam ng tao ay paano nila bibilhin ang album o plaka? At kahit itinanggi ng mga radio stations ang payola, lahat ng record producers ay naniniwalang existing pa rin ang sistemang yan at hindi na mabubura.

Bukod sa promotion sa FM radio stations ay malaking tulong din ang pag-promote sa TV programs lalo na sa SOP at sa ASAP kung araw ng Linggo. Ayon sa mga managers ng singers at record producers, ang promotion ang pinaka-importante. Pero meron ding ilan na nagbabaka-sakali sa tinatawag na novelty of the song (hindi novelty song).

Ang Stupid Love ng Salbakuta ay sumikat dahil kakaiba ang kanilang rap. Mismong si Andrew E. na producer ng nasabing album ay nagtataka kung bakit bumenta ang nasabing kanta at pati ang grupong Salbakuta ay naging kilala na rin. Maaaring yan din ang ginamit na formula ni Lito Camo sa kanyang mga composition na pinasikat at nagpasaikat din sa Sex Bomb Dancers gaya ng Spagheti at iba pa.

Sa kabila ng novelty at promotion, sa panahon ngayon ay mahirap kumita ang isang album puwera na lang kung sinusuwerte ang producer. Kahit si Regine Velasquez, ang tinaguriang Asia’s Songbird, at itinuturing na pinakasikat na recording artist ay natatakot ding maglabas ng album. Hindi sapat ang dami ng mga fans ng singer dahil walang kasiguruhan na bibilhin ang kanilang album kung nagkalat naman sa internet ang libreng mp3 o nasa bangketa ang mga mumurahing pirated copies.

Sabi ng isang pilosopo na babalik din ang panahon na muling mabubuhay ang recording industry. Dahil kung puro libre na lang at mumurahing pirated copies ay sino na ang magpo-produce ng bagong album? At kung walang bagong album ay mananatiling puro luma na lang ang kanta kahit sa internet o sa bangketa man. Pero kung babalik ang sigla ng recording industry, ang tanong ay kung paano at kung kelan? Maraming haka-haka ngunit ang karamihan ay sa gobyerno pa rin umaasa upang maiangat muli ang music industry. Marami naman tayong singers at marami rin tayong composers. Ang mga datihan nang recording companies ay nandyan naman at naghihintay lang ng tiyempo.

Iisa ang kinasadlakang kapalaran ng movie industry at music industry. Ngunit mas lugi ang movie industry dahil maituturing na direct competition ang TV na siyang namamayagpag sa ngayon samantalang ang music industry ay walang katunggali kundi ang mga foreign labels. Kung tutuusin ay mas madaling bumangon ang local music industry. Pero bakit hindi makabangon?

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com