Dec 22
PAALAM, DA KING by Kiko Arroyo  |  Posted in Articles  |  on Wed, Dec 22, 2004

Iniwan na tayo ni Fernando Poe, Jr. Namaalam ang hari ng pelikulang Pilipino noong Disyembre 14 eksaktong isang minuto makalipas ang hatinggabi.

Parang kabuti sa pagsulputan ang magagandang kuwento tungkol sa mga kabutihang nagawa ni Fernando Poe, Jr. Hindi mabilang ang naging ambag niya sa pelikulang Pilipino pati na sa bansang Pilipinas. Ayaw mang haluan ng pulitika, ang mga nangyayari ay nagbibigay ng pahiwatig na si FPJ nga ang nanalo sa nakaraang eleksyon. Ngayon natin nararamdaman na kaya palang pagbuklurin ni FPJ ang mga Pilipino.

Ayon sa kuwento ng isang nakasaksi, masaya daw si FPJ noong party sa FPJ studios, Sabado, December 11. Tinawagan pa raw niya si Manny Pacquaio para batiin sa pagkakapanalo ng boxer laban sa isang Thai. Sa pulitika naman, very confident daw si Da King sa protest nila sa resulta ng nakaraang presidential election. “Tuloy ang laban,” sabi raw ni FPJ. Masaya ang kuwentuhan nila ni Rep. Escudero at Mayor Binay.

Tila pumunta yata sa comfort room si FPJ. Pagbalik ay parang nag-iba na ang hitsura ng mukha, medyo namumutla. Sandali lang at yumuko sa mesa, tapos ay nagsuka. Halata raw sa kilos ni FPJ na nahihiya siya sa nangyayari. Natigilan ang lahat nang marinig nila ang pag-ungol kasabay ng pagwasiwas ng kamay. Sa pagsasalita ni Mayor Binay na dalhin sa ospital si FPJ, biglang nagkilusan ang mga tao. Agad itinabi ang mga mesa, to give way ika nga. Eto na ang sasakyan at isinakay si FPJ. Kasama sa ospital si Mayor Binay at Rep. Escudero.

Tulala ang mga taong naiwan sa FPJ studio. Parang hindi sila makapaniwala na dadalhin sa ospital si Da King. Sandali lang at may narinig silang ingay sa harapan ng FPJ studio. May nag-aaway ngunit wala naman silang kinalaman kaya pinaalis na lang nila. Ilang sandali ulit at may 2 sasakyan na nagbanggaan, mismong sa tapat din ng FPJ studio. Masamang signos, sabi nila. Nag-text daw si Amay Bisaya para sabihing walang aalis dahil babalik daw si Da King para ipagpatuloy ang kasayahan. Ang oras ay 2:00 am. na kaya malungkot silang nag-uwian.

Ang mga sumunod na pangyayari ay ang pagiging comatose at ang paglisan ni Fernando Poe, Jr. sa unang minuto ng December 14, 2004. Ngunit sa mga taong malapit sa kanya, hindi mabubura ang tatak ng panday, ang kabutihang inihasik at ang kababaan ng loob. Tunay nga na siya ang hari, hindi lang ng pelikulang Pilipino kundi pati sa mga puso ng mamamayang Pilipino.

Email from Sheila Vitangcol:

Kung puwede paki pirnt sa website nyo. Reaction ko sa media regarding FPJ’s death.

Sa pagkamatay ng hari ay muling naghari ang ka-ek-ekan ng media. Ted Failon introduced Conrad Poe as “Pinakamatandang kapatid ni FPJ.” At hindi pa nagkasya si Ted dahil tinanong niya kung anong premonition ang nakita ni Kuya Conrad bago namatay si FPJ. Sagot ni Conrad, wala! Ganun din ang tanong ni Deo Macalma ng DZRH kay Miss Susan Roces. Sagot din ni Susan, wala! Si Karen Davila, hindi rin nagpahuli sa pagtatanong ng premonition pero sagot din ni Susan at ni Mary Grace Poe, wala! Pati si Butch Francisco, tanungin ba naman si Manny Pacquiao kung may premonition siya na mawawala na si FPJ? Bakit ba nagpipilit ang media na lagyan ng hiwaga ang report nila? Parang sobra na yata ang kadramahan ng media.

Isa pang ek-ek ni Karen, sa kuwento ni Sheryl Cruz na nagpaalam siya kay FPJ bago siya tumungo ng Bangkok. Niyakap daw ni FPJ si Sheryl. Tanong ni Karen, hindi mo alam na huling yakap na yun ni FPJ sa iyo? Akala ko pa naman matalino si Karen. Pwe! Pero in fairness, napansin nyo ba na bihira nang magsalita ng “kumbaga” si Karen? Mike Enriquez of DZBB is not spared. When the reporter mentioned the arrival of Mary Grace Poe from the US, ang lakas ng boses ni Mike declaring “Yung AMPON!” How cruel naman.

Lastly, sana napanood ng buong mundo ang interview ni Karen Davila kay Susan Roces. “Maging sensitibo kayo sa damdamin ng tao. Nagtataka kayo kung bakit walang nanonood sa inyo? Puro ratings ang iniisip ninyo. Masama ang loob ko sa inyo, Channel two!” Sa palagay ko, nagpapalakpakan ang mga taong katulad ko, ang mga taong may damdamin at hindi baliw na basta na lang nilulunok kung ano ang isubo ng media. Maraming salamat kay Susan Roces, sana ay naibukas niya ang mga mata ng taong nasa likod ng Philippine media. At siyempre, nakikiramay ako sa lahat ng nalulungkot sa pagkawala ni Fernando Poe, Jr.

Salamat po.