Jul 17
SECOND (MALE) LEAD SYNDROME: LAGANAP NA! by Salve Grace B. Losbanes  |  Posted in Articles  |  on Wed, Jul 17, 2013

Sa bawat kwentong ating napapanood, mapa-telebisyon man o pelikula, hindi pwedeng mawala ang isang tauhan, na kung ating bigyan ng kahulugan ay ang mga mang-aagaw. Madalas tayong naiinis sa mga ganitong klaseng tauhan dahil para sa atin ay nakakasira sila sa kwento ng dalawang bida. Madalas rin na ang mga gumaganap ng mga ganitong karakter ay mga lalakeng artista.

Pero sa mga nagdaang mga teleserye at pelikula, napapansin ko na kokonti na lang ang mga naiinis sa ganitong mga tauhan, dahil nabubuksan na rin ng ating mga manunulat na mayroon rin silang mabubuting adhikain at saloobin, kaya madalas na di lamang sa bida nahuhulog ang loob ng mga manonood kundi pati na rin sa mga third wheel/second lead characters. Dito na sila natatamaan ng Second Lead Syndrome.

Second Lead Syndrome o SLS ang salitang ginagamit ng mga manonood sa kapwa manonood na gusto ang isang karakter na kung sa atin ay tinatawag na third wheel/panira sa love story dahil rin sa mga magagandang katangiang nakikita sa kanila. Madalas ko itong nababasa sa mga artikulo tungkol sa mga palabas sa ibang bansa tulad ng nasa Korea at Taiwan.

Kaya naman bigla na lamang nasagap sa isip ko na hindi lang pala sa kanila nagkakaroon ng SLS kundi pati na rin dito sa atin. Kaya nga bukas na sa isipan ng mga manonood na hindi lahat ng kontrabida ay dapat kagalitan.

Atin na ngayong kilalanin ang ilan sa mga aktor na kilala sa pagganap ng ganung klaseng mga karakter ngunit minahal pa rin ng mga tao.

Si Diether Ocampo ang masasabi kong pinaka-popular na tagadala ng Second Lead Syndrome sa ating telebisyon at sinehan. Umpisa pa lang sa Mula sa Puso na teleserye, ay tinanggap na ng mga tao ang kanyang pagganap bilang Michael Miranda at tinanggap rin ng mga tao na may chemistry rin sila ni Via, ang bidang babae, na ginampanan naman ng Optimum Star na si Claudine Baretto. Simula noon, naging sikat na si Diether sa pagganap ng mga ganitong karakter na kahit hanggang ngayon ay kanyang pinanindigan.

Dahil sa kagalingan niya sa pag-arte at maamong mukha, mahihirapan ka talagang magalit sa mga karakter na ginagampanan niya kahit sabihing tagasira ito ng love story ng mga bida. Kaya naman, ayon mismo kay Claudine, si Diether ang kanyang paboritong leading man, kaya’t mapa-pelikula man o telebisyon, hindi pwedeng mawala sa listahan si Diether bilang isa sa kanyang mga leading men.

Bukod kay Diether, sikat rin si Dennis Trillo sa pagganap ng mga karakter ng katulad nun. Una siyang naging second lead character sa Mulawin, na pinagbibidahan nina Angel Locsin at Richard Guttierez. Tinanggap rin ng mga tao ang karakter na Gabriel kay Dennis noong mga panahong iyon, at nakitaan rin ng magandang chemistry kay Angel Locsin. Tinangkilik rin sila ng mga manonood, kaya’t isa rin siya sa mga naging leading men ni Angel sa ilang mga teleserye tulad ng Majika at Darna, habang si Richard naman, na dating karibal sa Mulawin ay nakakasama pa rin ng aktres sa mga pelikula. Bukod sa karakter niya sa Mulawin, marami ring ginawang second lead characters o kahit kontrabida characters si Dennis Trillo tulad ng sa remake ng isang Korean Drama na Endless Love kasama sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

Nung tinanong kung bakit tinaggap niya ang mga ganoong klase ng mga karakter ang tanging sagot ni Dennis ay gusto niyang mapalawak ang kanyang talent sa larangan ng pag-arte, kaya’t bida man, second lead o kontrabida, basta’t challenging ang role, kanya itong tinatanggap. Dahil sa sagot na ito ni Dennis, at maraming mga manonood ang humanga sa kanya, kaya kahit anong karakter ang ginagampanan niya, napabilib sa kanya ang mga tao.

Bukod kina Dennis at Diether na madalas na gumanap ng mga second lead characters na minahal din ng mga tao, may ilan pa akong nakitang mga aktor na magaling sa pagganap ng mga second lead roles, na di lang ako tumanggap kundi iba pang mga tao.

Si Joem Bascon, na isa sa mga leading men ni Judy Ann Santos sa Habang May Buhay sa ABS-CBN, ay isa rin sa mga magandang second lead character na nabuo sa soap opera sa Pilipinas. Ginampanan niya ang karakter na si Raon/Nathan, isang sanggano pero nagbago ng pagmamahal nang makilala si Jane na ginampanan ni Judy Ann, na siya palang kababata niya. Sa napanood ko, buong kwento ay mabait na second lead character si Raon, kahit may mga eksenang di karapat-dapat, tulad ng pagkidnap niya kay Jane (para patakasin mula sa kulungan). Kung sa iba ay masama na ito, nakita naman ng nakararami ang totoong emosyon at damdamin ng karakter, yun ay ang protektahan si Jane laban sa mga taong nang-api sa kanya.

Bukod kay Joem, isa rin sa minahal ng mga tao si Jake Cuenca na naka-ilang beses na ring gumanap ng second lead role/ kontrabida roles, sa parehong telebisyon at pelikula, tulad ng sa Tayong Dalawa, Green Rose at pelikulang In The Name Of Love .

Bago rin para sa akin na nagkatuluyan ang second lead character at ang bidang babae. Yun ay sa isang panghapong drama ng GMA na Unforgettable. Ang second lead kung ituring na si Rocco Nacino na gumanap bilang Terrence, na gusto naman ng ilang mga tagahanga, ang siya ngang nakatuluyan ng karakter ni Kylie Padilla na si Anna.

Dalawang kontrabida/second lead characters rin ang minahal ng mga tao mula sa dalawang magkaibang serye sa TV5, si Vincent sa Kidlat na ginampanan ni Baron Geisler at si Troy sa Never Say Goodbye na ginampanan naman ni Edgar Allan Guzman. Dahil sa kagalingan at magandang chemistry rin na mayroon sila sa mga bidang babae sa serye kaya ilan sa mga manonood ay nagkaroon ng Second Lead Syndrome.

Nagkaroon rin ako ng SLS sa ilan sa mga pelikulang aking napanood lalo na sa mga action movies na napanood ko. Halos lahat sa kanila ay mga kontrabida sa buong kwento, pero sa huli may nagsisisi at meron ring dahil sa magandang chemistry nila ng bidang babae.

Bagong salita sa pandinig o paningin ng mga mababasa. Pagdududahan ng iba bilang literal na sakit ng isang tao. Pero sa artikulo kong ito tungkol sa Second Lead Syndrome nabuksan ang isa na namang tinatagong bahagi ng mga kwento sa mga pelikula at telebisyon.

Bilang isa sa mga tagapanood ang nais ko sana ay ipagpatuloy ng ating mga manunulat ang paglikha ng mga karakter na kahit sabihin nating kontrabida man o mga second lead ay yayakapin pa rin natin dahil sa mga mabubuting aral na pwede nilang maituro sa ating lahat… at siyempre, dagdag kilig sa mga manonood.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/