Aug 16
BURNED BRIDGES by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Thu, Aug 16, 2007

A few years ago ay naging maingay ang pag-ober the bakod ni Arnell Ignacio. One million a month ang offer kay Arnell na agad namang tinanggap ng tv host/comedian. Sabi nga ng mga well-meaning friends ni Arnell sa media, “Ni hindi na yata nag-isip si Arnelli, nasilaw siguro. Eh nakakasilaw naman kasi ang isang milyon, noh!” Matapos pirmahan ang one year contract sa ABS-CBN ay tuluyan nang nawala si Arnell sa bakuran ng Kapuso network.

Kung tutuusin, kahit noon pa man ay malaki na ang nalugi kay Arnell sa kanyang paglipat. Bukod sa mataas ang rating ng K the videoke challenge ay solo pa nya ang hosting nito at may boses pa siya sa production. Hindi nga ba’t siya ang may idea nung mga kalokohang attire na ipinasusuot sa mga contestants? Minsang gawing prutas ang mga costume at minsan naman ay bulaklak o insekto. At dahil si Arnell ang pioneer and only host ng K, tiyak na nakatatak sa isipan ng mga tao ang mukha ni Arnell tuwing babanggitin ang K. Ang kaso nga lang ay hindi nakuntento si Arnell.

Sa pag-alis ni Arnell ay hindi naman nag-panic ang GMA-7. Tandem ni Allan K at Jaya ang ipinalit na hosting team. Ang kawalan ni Arnell ay blessing namang maituturing sa mga sumalo. Makalipas ang ilang taon ay masasabing ang All-Star K, na dumaan sa ilang reformats for improvements, ay show ni Allan at Jaya. Ni hindi na maalala na si Arnell ang nagpa-umpisa nito lalo pa nga’t anim na taon na ang nakalilipas.

Sa sitcom na Kool Ka Lang nakilala si Long Mejia. Nakatuwaan siya ng barkadahang Richard Gomez, Joey Marquez at Raymart Santiago kaya binigyan pa siya ng sariling segment kung saan binabasa niya ang padalang letter from the audience. Nang lumaon ay nagkaroon pa siya ng giveaways na parang munting premyo na rin sa mga nagpapadala ng sulat. Ang pag-alis ni Long sa Kapuso Channel ay kagagawan daw ng kanyang manager. Wala raw kinalaman si Long sa negotiation na nangyari pero pumirma din naman siya sa contract na inilatag ng Kapamilya Channel. At ang nangyari, kasama ni Long sa pag-ober the bakod si Dagul.

Katulad ni Arnell ay biglang putok ang pangalan ni Long sa Kapamilya Channel. Kung saan-saang show sila nagiging guest at ilang sitcom ang napaglagyan kay Long at Dagul. May mga nagsasabing kinainggitan si Long kaya siya inintriga. May mga nagsasabi ring lumitaw ang kanyang kababawan at wala naman pala talagang ibubuga. Unti-unti nga ay naging kapansin-pansin ang paglubog ni Long Mejia sa mga sitcom ng ABS-CBN. After one year ay si Dolphy na lang yata ang nagtitiyaga sa kanya at lately ay naalis na rin si Long sa pag-reformat ng show ni Dolphy na naging John En Shirley na. Mabuti at naiwan sa Dagul sa Going Bulilit na hanggang ngayon ay wala pang senyales na sisibakin.

Sa kaso ni Arnell ay mukhang intriga nga ang pumatay sa kanyang bituin. Hindi raw bagay si Arnell sa noontime show, wala raw siyang chemistry sa mga co-host at madalas raw na nang-sasapaw si Arnell. In fairness to Arnell, talagang mabilis siyang magsalita at quick witted pa kaya kung mabagal ang co-host ay tiyak na matatabunan. Pero sino ba ang papanigan ng management, si Arnell o ang mga datihan nang host na gaya si Edu? At ganun nga ang nangyari, nang mag-expire ang one year contract ni Arnell ay natsugi na nga siya. Matapos kumita ng 12 milyon sa kanyang one million a month contract for one year, balik si Arnell sa pamamalimos ng role sa kung saan-saan.

Mahigit isang taong nabakante si Arnell. Mapalad siya dahil kahit paano ay binigyan ulit siya ng chance ng GMA-7 na mag-guest sa kanilang bakuran. Lately ay nag-host na ng mga special season shows sa QTV-11 si Arnel. Ang huling solo show niya ay ang pagho-host ng Stars On Ice tuwing Sunday night for one season. May mga guest hosting job din siya sa ABC-5 paminsan-minsan gaya ng Shall We Dance.

Si Long naman ay hindi na halos kilala ng mga tao ngayon. Ilang taon na rin siyang nawawala sa eksena at tanging mga guest role na lang ang nakukuha niya. Mahusay na comedian si Long lalo na kung mabibigyan siya ng laya na baguhin ang script kaya hindi rin puwedeng masabi na talagang walang ibubuga kaya siya binitiwan ng ABS-CBN. Sabi nga ni Joey Marquez na mahusay mag-ad lib si Long, may natural flair for comedy. Ang huling movie ni Long ay ang M.O.N.A.Y. ni Mr. Shooli.

Parallel ang kapalaran ni Long at Arnell. Nakabalik si Arnell sa GMA-7 at muling nakabangon kahit paano samantalang si Long ay nagtitiyaga sa mga pasundot-sundot na raket sa provinces. Wala na raw puwang ang GMA-7 para sa kay Long Mejia, hindi dahil laos na siya kundi dahil hindi maganda ang kanyang pag-alis dati.

Nang mabigyan ng offer si Arnell ay agad siyang nagpaalam sa pamunuan ng GMA-7. Of course, understandable na hindi siya pinayagan dahil kasalukuyang namamayagpag ang kanyang K the videoke challenge. Pero nakumbinsi naman ni Arnell ang mga kausap na once in a lifetime opportunity para sa kanya ang kumita ng isang milyon kada buwan. At dahil hindi kayang pantayan ng GMA-7 ang offer kaya napilitan silang pakawalan si Arnell na during that time ay isang prized catch for ABS-CBN.

Kabaligtaran naman ang kaso ni Long Mejia. Matapos siyang mabigyan ng break at proper exposure sa high-rating sitcom na Kool Ka Lang ay bigla na lang siyang nawala, at kasama pa si Dagul. Ang dahilan ay nagbakasyon daw muna na nang lumaon ay ikinagulat ng lahat nang makita si Long at Dagul sa mga shows ng ABS-CBN. Ang palusot ni Long ay ang manager daw nila ang may gusto sa paglipat at wala silang kaalam-alam ni Dagul. Ngunit lumitaw din ang totoo na parang naging traydor sila ni Dagul sa ginawang biglaang pag-alis at paglipat sa Kapamilya Channel. Ang pag-alis ni Long ang isang dahilan kung bakit ni-reformat ang Kool Ka Lang at ginawang Lagot Ka, Isusumbong Kita.

Hindi lang si Arnell at Long ang nag-ober the bakod. Andyan din si Phoemela Baranda, Toni Gonzaga at ilan pang gaya ni Onemig Bondoc na talaga yatang nabaon na sa limot. Kahit paano ay umaandar pa rin ang career ni Toni at Phoemela dahil may mga shows pa rin sila. Si Toni Gonzaga ay maituturing na star dahil lead host siya at lately ay may bago siyang show together with Mariel Rodriguez and Bianca Gonzales. Si Phoemela naman ay nalilinya rin sa hosting at sitcom.

Ayon sa analysis ng ilang beterano sa TV, magaling daw sa strategy ang ABS-CBN. Sa simpleng obserbasyon ay madaling mapansin na very conscious ang mga executives ng Kapamilya network sa ratings. Ayaw nilang maungusan at they will do anything para talunin ang competition. Kaya andyan pa rin ang Wowowee dahil walang humpay si Willie Revillame sa competition. Si Willie na rin ang umamin na pinapanood nya ang Eat Bulaga para maisipan nya ng panlaban ang mga gimmick na maganda. Ang isang mabagsik na tactics ng ABS-CBN ay ang pamimirata ng mga talents ng ibang network dahil lumilitaw na nagiging kawawa ang ibang talents.

Mabigat ang dating ng K videoke challenge ni Arnell at kaysa tapatan ito ng ABS-CBN ay mas madali pa kung agawin na lang ang bida nito. At tagumpay nga ang strategy nila dahil matapos nilang mabili ang host ng K vidoeke challenge ay tuluyan nang nasira ang career ni Arnell sa halagang 12 milyon sa loob ng isang taon. Kahit paano ay nag-suffer din sa rating ang K nina Allan at Jaya nung umpisa. Mas mura naman ang nagastos kay Long Mejia dahil support lang naman si Long at per day pa ang talent fee.

Sa kaso ni Toni Gonzaga ay bigo at tagumpay ang strategy. Supporting lang si Toni na kasalukuyang idine-develop ng GMA-7 nang agawin ng ABS-CBN. Actually sa Eat Bulaga pa lang rumarampa si Toni at halos pa-guesting-guesting lang siya sa ibang shows noon. Napansin siguro ng mga spies ng ABS-CBN na malaki ang potential ni Toni Gonzaga kaya namuhunan sila ng milyon-milyon. At nabigo nga ang strategy na sirain si Toni pero nagtagumpay naman na maging totoong sikat si Toni at pakinabangan ang kanyang talents. Si Phoemela ay ganun din. Matapos ang intrigang kinasangkutan sa Extra Challenge ay nag-ober the bakod at nagtiis na maging pinch hitter kung saan-saang shows. At ngayon nga ay bankable host na si Phoemela.

Isa lang naman ang buod ng Burned Bridges na ito. Huwag puputulin ang kuneksyon at wag aalisan ng paggalang ang palad na nagpapakain sa iyo. Sana ay ang landas ni Toni Gonzaga at Phoemela Baranda ang tahakin ng kapalaran ni Angel Locsin at pati ng iba pa nyang kasamahan sa talent manager niyang si Becky Aguila. Nakakaawa si Angel kung matutulad siya kay Arnell at Long. Sayang ang pagiging reyna niya sa GMA-7.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com