Apr 19
GENDER SENSITIVE FILM ESSAY WINNERS by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 19, 2013

Second Prize/Teacher’s Category

THY WOMB: PAGDALUMAT SA ‘SINAPUPUNAN’ NG PINAY
Ni Manuel C. Zacarias
New Era High School

Pagbukas pa lamang ng telon ay ipinakita sa ating manunuod kung gaano kahirap maging isang babae lalo na ang maging isang ina kung saan ibinuyangyang agad sa ating mga tagapanood ang pagpapaanak ng komadronang si Shaleha (Nora Aunor) katuwang ang kanyang asawang si Bangas-An (Bembol Roco) sa isang isla sa Mindanao. Umpisa pa lang ng pelikula ay ipinakita na ang pagiging gender-sensitive nito sapagkat kaiba sa mga maka-kanluraning pelikula, malimit sa Pinoy film ang pagpapakita sa isang Pinay na hirap na hirap sa kaiire (bilang pasyente) at sa pagpapa-ire.

Ang Thy Womb ay isang pelikulang tradisyonal na nagpapakita ng ‘machong pagtingin’ sa mga target na manonood na mga kalalakihang parokyano na ipinalalagay ang mga sarili na sila ang bida sa pelikula at tingnan ang mga kababaihan bilang object. Ito ay madali nating masisipat sa screenplay kung saan si Shaleha ay ipinakita ring tagapag-alaga ng asawa, tagapamalengke, tagakaliskis ng isda, parausan at martir na asawa. Lantad din ito sa babaeng ikakasal na si Ayesha (Mercedes Cabral) na pinaliliguan ng mga kababaihan upang ihandang malinis sa kanyang mapapangasawa, at Fatima (Lovi Poe) na aasawahin at aanakan kapag nagkasundo sa dote ng gustong umasawa sa kanya.

Nakatutwa lang sa pelikulang ito ang pag-igpaw ng kababaihan sa malimit na kalakaran na ang babae ay isa lang ‘maybahay’ sapagkat ipinakita si Shaleha bilang malakas na babae at working woman na marunong mamangka at mangisda at isa ring tagapagtanggol o tagaligtas ng kalalakihan (ipinakita ito nang masugatan ng mga piratang dagat si Bangas-An isang araw habang sila ay nangingisda).

Negatibo man o positibo sa pananaw ang epekto ng pelikulang ito sa pamilya, kababaihan at kalalakihan o sa anumang kasarian, natitiyak natin na ito ay may iisang kahulugan: nauunawaan ng mga tagapanood na ang Pilipino ay gumagawa ng karamihang pelikula na may ideolohiyang panatilihin ang kababaihan sa pagkasadlak sa mga patriarchal roles at self-images. Kaugnay nito, kahit na ang mga ilang mga tagapanood ay may limitadong kakayahan para basahin ang pelikula batay sa kanyang sariling layunin, hindi natin maikakailang nararapat na maging mapanuri tayo sa napapanood sa mga palabas sa sinehan at telebisyon na may kaugnayan sa RA 7192 o batas ukol sa Gender Sensitivity ng bawat miyembro ng ating komunidad—mapababae o mapalalaki—na may direktang pakialam sa pag-unlad ng bawat isa batay sa mga kalayaang nakasalig sa Saligang Batas at sa probisyon ng Universal Declaration of Human Rights at Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women at iba pang internasyonal na kombensyon para sa karapatan ng mga tao na kung saan ang ating bansa ay isa sa nakalagdang kasapi.

Pumasok sa puntong ito ang diskusyon kung bakit isa sa naging gender-sensitive na pelikula ang Thy Womb na ipinalabas sa SM North EDSA The Block Cinema bilang bahagi ng 2012 Manila Film Festival noong Disyembre.

Nagbigay sa target na mga tagapanood ang Thy Womb ng natatanging kaalaman hinggil sa mundo ng mga babaeng Muslim/Maranao na hinulma ng palabas na ito. Mayroon pa palang kababaihan sa Pilipinas na napapangasawa ang lalaking hindi naman niya mahal basta magkasundo lang ang magkabilang panig sa halaga ng dote o bigay kayang inihahandog ng lalake—kesihudang may-asawa na ito, matanda na ito, pangit man o guwapo ito, at may buhok man o kalbo.

Binabalikwas ng pelikula ang pangangailangan na kahit na bahagi ng isang kultura o nakagawian nang tradisyon, kailangang maipaunawa sa mga kinauukulan na mayroon nang pantay na karapatan ang kababaihan at kalalakihan.

Makikita rin natin na sa kabuuan, na napaka-remarkable ng palabas. Mula sa umpisa hanggang sa katapusan, sadyang makulay ang kalikasan, kasuotan at kultura ng ating bansa sa dako pa roon na mayroong mga armed conflict—na pahapyaw na ipinabatid sa madla.

Sadyang ang Thy Womb ay mayroong puwersa ng sining na maghihilum sa iba’t-ibang kontradiksyon sa konteksto ng mundo na gustong magkaroon ng pagbabago. Tinahi ng pelikulang ito sa simple at malinis na paraan ang iba’t-ibang imahe ng mga tauhan kahit na sensitibo at nararapat na bigyan ng karampatang pagkilala sa napakalakas na mensaheng ibinahagi sa mga kababaiihan at mga kalalakihang pinalad na makapanood nito.

Second Prize/Students’ Category

INA LABAN SA ASAWA: DIGMAAN NG DALAWANG EBA
Ni Jannico G. Cabanero
Judge Feliciano Belmonte Sr. High School

“Kailangan ko si Edward, mas kailangan siya ni Botchok. Kahit isang gabi lang, pahiram ng asawa mo.” Isa lamang ito sa mga pinaka-tumatak at nag-iwan ng bakas sa isipan ng napakaraming manonood sa pelikulang “One More Try”. Isang limya ng pakikiusap na tila bang handang gawin lahat alang-alang sa kapakanan ng kanyang anak. Subalit bilang asawa, handa ka bang ipahiram ang asawa mo sa isang sitwasyong alam mong walang kasiguraduhan? Papayag ka bang kahit sa iang gabi lang ay kalimutan mo ang inyong karapatan bilang asawa?

Ina at asawa. Iyan na siguro ang dalawa sa pinakamahirap na papel ng isang babae. Mga trabahong kahit walang sahod ay buong pusong ginagampanan ng napakaraming Eba. Subalit sa pelikulang “One More Try”, isang ina at isang asawa ang ‘di sinasadyang pagharapin ng tadhana na ang nakataya ay buhay at karapatan.

“Pero may karapatan ako…karapatang ipagdamot ang asawa ko sa ‘yo.”

Bilang asawa, ipinakita ng karakter ni Jacq (ginampanan ni Angelica Panganiban) ang isang asawang ‘di man perpekto ay nanaising makasama ng sinuman hindi lang dahil sa kanyang angking kagandahan at katalinuhan, kundi dahil sa kanyang pagsisikap para sa kanilang pagsasama.

Anak. Iyan ang isang bagay na ‘di kayang ibigay ni Jacq sa kanyang asawang si Edward (ginampanan ni Dingdong Dantes). Sabi nga nila, kahit anong saya ng dalawang mag-asawa, darating sa puntong gugustuhin nila ng supling. Bilang mag-asawa, ito na siguro ang pinakamatamis na bunga ng kanilang pagmamahalan. Kaya kahit alam ni Jacq na may anak sa ibang babae si Edward, tinanggap niya ito nang buong-buo. Ipinakita niya na ang isang asawa, minsan, kailangan na lang pumayag at magtiis, lalong lalo na kung ikaw mismo, nawalan na rin ng isang anghel.

“…Mahal kita, pero mas mahal ko ang anak ko…”

Kahit sinong babae ang tanungin, katuparan sa kanya ang maging isang ina. Sa katauhan ni Grace (ginampanan ni Angel Locsin), isang wagas magmahal at ‘di mapapantayang ina ang kanyang ipinakita. Isang ina na ‘di nagkulang ng pag-aaruga at kalinga. At higit sa lahat, isang ina na handang magsakripisyo, kahit ang kanyang dignidad at kaligayahan ang siyang nakasalalay.

Alam niyang hindi siya asawa ni Edward. Alam din niya na si Botchok ay bunga lamang ng kanilang pagkakamali. Ngunit isinantabi niya ang lahat ng ito alang-alang sa kanyang kaisa-isang anghel. Tawagin man siyang “pokpok”, “puta” o “kabet”, wala siyang pakialam. Ganyan ang isang ina. Lahat ultimo dignidad, pagka-tao o kahit pagkababae, handang isakripisyo. Kahit nga lalaking pinakamamahal niya, handang ipagpalit at kalimutan.

At sa kanilang digmaan, walang magwawagi, o mas mabuting sabihing walang matatalo. Sa dalawang sundalong ito, isa lang ang pareho nilang pinanghahawakan—PAGMAMAHAL. Ang isa, asawa na handang pumatay para lamang sa kanilang relasyon. At ang isa naman ay ina na handang mamatay para lamang sa kanyang anak.

Ipinakita nilang dalawa na ang babae ay ‘di lamang basta babae. Ang babae ay hindi lamang isang banal na instrumento sa paglalang. At ang pagkakaroon ng supling ay hindi sapat na dahilan para sukatin ang kabuuan ng isang babae. Dahil ang bawat babae, ay higit pa rito.

Parehong babae. Parehong pumili at nagdesisyon. Parehong lumalaban. At parehong nagmamahal. Pinatunayan nila na ang babae ay ‘di lang nilikha ng may kariktan subalit binuo ng may pusong matatag, matapang at puspos ng pagibig.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/