Apr 12
MY LAST ACTION HERO by Salve Grace B. Losbanes  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 12, 2013

Sa isang estudyanteng katulad ko, dapat ay may libangan para hindi naman makurta ang utak ko sa puro na lang pag-aaral ng leksyon. At dahil showbiz ang pinakamurang libangan kaya nawili akong manood ng movies hanggang natuto akong humanga sa mga artista.

Syempre ang unang nakakatawag na pansin sa akin ay ang hitsura. Kapag babae ay maganda, sexy o cute at kapag lalaki naman ay guwapo at maganda ang tindig. Pero pagdating sa movies syempre dapat mahusay siya sa acting.

Sabi nga nila, stars come and go. Sila ay darating, sisikat, malalaos at mawawala. Totoo yan lalo na sa mga action stars dahil ang nagagawa nilang stunts noong bata pa sila ay hindi na nila kayang gawin sa kanilang pagtanda.

Kaya nga Da King ang taguri kay Fernando Poe, Jr. dahil kahit halos senior citizen na siya ay credible pa rin ang kanyang mga action movies. Ganyan din si Ramon Revilla na ama ni Senador Bong Revilla.

Sa panonood ko ng isang action movie sa telebisyon ay agad kong napansin ang bidang lalake. Maamo kasi ang kanyang mukha at bagay na bagay sa kanya ang leather jacket. At sa kanyang pakikipaglaban sa mga kontrabida ay para bang nasa harap ako ng tunay na labanan.

Sa paglipas ng panahon ay parang nanikit sa aking isipan ang action star na may maamong mukha. Matagal bago ko naintindihan na “charisma” pala ang tawag doon. Ito ang natural na attraction ng isang tao sa kapuwa niya.

Magmula noon ay naging panata ko na ang panoorin ang mga pelikula ni Jeric Raval. Kahit katatapos ko lang manood ay nag-iipon ulit ako ng pera dahil alam kong sooner or later ay may gagawin ulit siyang pelikula kaya dapat nakahanda ang aking bulsa.

Nang makausap ko ang iba pang fans ni Jeric ay nagkaroon ulit ako ng realization na boyish ang feature ni Jeric. Baby face daw ang tawag doon. At hindi lang basta baby face kundi angelic baby face pa dahil very innocent ang kanyang mga mata.

Di tulad ng ilan sa mga kilalang action stars, kakaiba ang karisma ni Jeric, pati na ang kanyang acting style. Siya ay isang action star na kahit sa simpleng galaw lang ng kanyang mga kamao, matatakot na talaga ang mga kalaban. Hindi lamang action ang kayang gawin, kundi kaya rin niyang mag-drama. Sa kanyang mga pelikula, may mga eksena na talagang madadala ka sa kanyang dramatic acting.

Kung tutuusin malaki ang pinagkaiba ni Jeric sa ibang mga action star. Sa pisikal na kaanyuan, hindi mo maiisip na kaya niyang makipag-suntukan sa kalaban dahil napaka-amo at mala-anghel ang kanyang itsura. Ilan rin sa mga tagahanga ni Jeric ang nagsasabing best asset niya ay ang kanyang mga mata dahil para itong nangungusap.

Kinilala si Jeric Raval sa kanyang kagalingan sa action at pag-arte sa ilan sa mga pelikulang tulad ng Bunso:Isinilang Kang Palaban, Pistolero, Boboy Salonga, Estribo Gang, Lapu-lapu at marami pang iba. Bawat isa sa kanyang mga pelikula, may pinapakita siyang bago, di lamang sa istilo ng kanyang action stunts kundi sa pag- atake ng bawat eksena.

At gaya ng ilang action stars, marami ring nakakasama na mga leading ladies si Jeric. Ilan lamang sa kanila ay sina Monica Herrera, Lailani Navarro, Daisy Reyes, Ruffa Gutierrez, Sunshine Cruz at marami pang iba. Sa bawat leading ladies ni Jeric, ibat ibang pagpapakilig din ang kanyang ginagawa, na hindi lamang ang mga leading ladies niya ang kinikilig kundi pati na rin ang mga manonood.

Bawat isa sa mga tagahanga ni Jeric ay mayroong mga sariling paborito, at para sa akin, isa sa mga paborito kong pelikula niya ay ang Bunso: Isinilang Kang Palaban. Hindi lamang ito simpleng action movie na sa mga bida at kontrabida lamang umiikot ang kwento. Sa pelikulang ito naipakita ang kahalagahan ng pamilya at ang aral na matutong magpatawad.

Ang isang eksenang pinakagusto ko ay yung nakikipagbarilan habang nakasakay sa motorboat. Bukod pa dun, naipakita rin ni Jeric na kaya niyang maging isang dramatic actor. Sa isang eksena, feel na feel ko emosyon sa kanyang pagsakay sa character na Reden.

Simula noon, naging tagahanga na ako ni Jeric. Sinubukan ko na ring alamin ang ilan pang mga bagay tungkol sa kanya, at doon ko nalaman na marami rin pala siyang fans sa mga kabataan. Dahil dun naisipang itayo ang kanyang barkada-fans club, ang D’Ravalians.

Sa ngayon, tahimik lamang na namumuhay si Jeric sa Pampanga kasama ang kanyang asawa at kanilang limang anak. Salamat pa rin sa kanyang mga kaibigan at katrabaho dahil kahit papano nakakuha kami ng mga impormasyon tungkol sa kanya.

By the way, tumatakbong vice mayor si Jeric Raval sa kanilang lugar sa Floridablanca, Pampanga. Sana ay manalo siya dahil nakasisiguro akong magiging tapat siya sa kanyang tungkulin dahil natural sa kanya ang pagiging mabait.

Sa ngayon ang tanging bagay na magagawa naming mga fans ni Jeric ay maghintay sa muling pagbabalik niya sa showbiz at sa paggawa ng action movies.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/