Apr 12
GENDER SENSITIVE MMFF 2012 FILM ESSAY CONTEST by fapweb  |  Posted in Articles  |  on Fri, Apr 12, 2013

Third Prize/Teachers’ Category
ASAWA, ANAK, AMA
Ni Joanne P. Coriag
Judge Feliciano Belmonte Sr. High School

Ano man ang situwasyon na kinakaharap ay hindi lamang umiikot sa kung ano ang tama na alam ng isa, mahalagang isinasaalang-alang ang katwiran ng iba lalo na sa mga usapang maseselan. Katulad ng isyung tinalakay sa peli-kulang “One More Try”. Hindi sapat na karapatan lamang ng isang asawang babae ang pakikinggan kung ang dating nakarelasyong babae ay hindi maitatangging may ipinaglalaban para sa karapatang ng anak.

Maganda, mabait, malambing at career woman kung isasalarawan si Jacq (Angelica Panganiban) bilang asawa ni Edward (Dingdong Dantes), ngunit sa kabila ng mga katangiang ito ipinakita niya ang isang bahagi ng kanyang personalidad—ang katapangan at pagtitimpi sa pagharap sa mga pagsubok. “Hindi. Ayoko. Hindi ko ipinagkakait si Edward bilang ama ni Botchok pero may karapatan akong ipagdamot ang asawa ko sa ‘yo!” Isang patunay ng pagkilala sa kanyang karapatan bilang asawa.

Sa kabilang banda, ang paninindigan sa pagpapalaking mag-isa sa kanyang anak ay siya namang ipinakita ni Grace (Angel Locsin). Sa makabagong panahon na kung saan mas kinikilala na ang katayuan ng mga kababaihan sinang-ayunan ni Dr. Divina T. Pasumbal (2011) na may katungkulan ang isang ina na maging isang madre de familia, kasama na rito ang maging ina sa kanyang mga anak—alagaan ang mga batang kanyang ipinanganak at anta-bayanan ang galaw at kilos hanggang paglaki nito. “Kulang na lang magpaka-puta ako dito para masalba ang buhay ng anak ko.” Patunay na kaya niyang gawin ang lahat dahil siya ay isang ina at karapatan ng kanyang anak ang mabuhay (nakapaloob sa P.D. 603).

Sa moral na aspeto ang paglutas sa problemang kinakaharap sa pamamagitan ng pagpapahiram ng isang asawa ay mali. Ngunit kung ang nakataya ay ang buhay ng isang bata, ano ang marapat gawin bilang isang ama?

Bilang asawang lalaki para kay Jacq, at ama naman para sa anak nila ni Grace, si Edward ay naiipit sa situwasyon. Binanggit ni Rev. Rodney Kleyn sa kanyang isinulat na ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa at ng tahanan. Ngunit sa sitwasyong ito mahirap gampanan ang tungkuling nakaatang. Nakitaan siya ng pagkalito at naghanap ng taong mahihingan ng payo sa katauhan ng isang kaibigan. Kilos na hindi angkop sa sinasabing malakas at matapang na kaakibat niyang imahe bilang isang lalaki. Ngunit, pinatunayan lamang na kailangan niyang suriing mabuti ang desisyong tamang gawin. Na hindi sapat na kilalanin lamang niya ang karapatang taglay ni Jacq bilang asawa at karapatan ni Grace bilang isang ina ng anyang anak.

Sa taglay na kahinaang pisikal nagkubli ang kalakasan sa pagharap sa mga pagsubok sa aspetong emosyonal at sikolohikal ng mga kababaihan. Sa kalalakihan, ang matatag at matapang na imahe ay likas na sa kanila ngunit hindi maikakailang sila ay may limitasyon ding tinataglay.

Samakatwid, binalangkas ng palabas na ito ang mga katayuang ginampanan sa palabas na nagbigay turing sa sensitibong usapin sa kasarian (gender sensitivity).

Ang gampanin ng babae at lalaki sa pelikula ay patas na nagpakita ng karapatan at tungkulin sa katayuan ng isang asawa, ina at ama. At dahil dito ang pelikulang “One More Try” ay isang patunay na ang kaisipang nagdidikta ng pagkapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan sa lipunan ay tanggap na ng ating panahon.

Third prize/Students’ Category
BUHAYIN MO ANG AKING ANAK!
Ni Felize Anne Galo
Maligaya High School

“Parang awa mo na, nakikiusap ako, luluhod ako kung kailangan, kahit minsan lang, kahit sandal lang, kahit isang gabi lang, pahiram ng asawa mo!” wika ni Grace (Angel Locsin) kay Jacq (Angelica Panganiban) sa pelikulang “One More Try”.

Pahayag ng kapag narinig mo sa bibig ng isang babae ay tatanggap ng ingos at paglibak dahil lihis sa ethical at moralidad na aspeto ng buhay. Bagamat, ang ugat ng pagmamakaawang ito ay dahil sa buhay ng kanyang anak na gusto lamang hilahin sa kamay ni kamatayan.

Hindi matatawarang kadakilaan ng isang ina. Magpapakababa, kakalimutan ang sariling kaligayahan, taas-noong haharapin ang pagkutya’t paglibak ng tao, kakalimutan ang kanyang amor-propio bilang babae, maging ina lamang siyang masagip ang buhay ng sariling anak. Minsan ang daigdig na ito’y umiinog sa pag-iyak ng mga kababaihan. Mula sa tauhan sa Bibliya na sina Birheng Maria, Veronica, Magdalena, pawang humuhugot sa pagpapakatatag sa pag-iyak. Idagdag pa ang imahe ni Maria Clara, Sisa, Hule, ni Rizal sa kanyang mga nobela.

Pag-iyak ay simbolo ng isang babae, bagamat sa pag-iyak ay natatago ang di-matatawarang katatagan. Sa lugar ng mga pagamutan, mga babae, ina ay mga larawang bantayog ng matatag na pakikipaglaban.Hindi bibitiw sa isang minamahal hanggang sa huling hibla ng buhay. Pinatutunayan sa pag-aaral ng mga ospital na mas malaki ang porsyento ng mga ama ang madaling sumuko kaysa mga ina. May mga kaso pang inaabandona ng isang ama ang pamilya kapag ang isang anak ay nalamang may malalang karamdaman na minsan ay nangangailangan ng habambuhay na gamutan.

Wika nga ng isang feministang manunulat: “This world is a Man’s world.” Kasi nga pati Diyos ay lalaki. Lalaking simbolo ng talino, lakas at kapangyarihan. Subalit hindi mapapasubalian ang katotohan sa kawikaang “Sa bawat tagumpay ng isang lalaki ay sa likod nito ay isang babae.”

Babae, lalaki, ina o ama, ang mahalaga ay matatag na pagpapasiya pagdating sa usaping pampamilya, dahil ang buhay ay walang katapusang pagpapasiya.


Your FEEDBACK can be posted at www.filmacademyphil.org/forum/