Aug 02
BURNING BRIDGES by Tess Clarin  |  Posted in Articles  |  on Thu, Aug 2, 2007

Ang pinakamainit na issue ngayon ay ang napipintong pag-alis ni Angel Locsin sa bakuran ng GMA-7. At lalong nagpainit sa issue ay ang napakaraming pahiwatig na lilipat si Angel sa ABS-CBN. At kahit wala pa ring confirmation, ang pagpapa-interview ng manager niyang si Becky Aguila sa Channel 2 ay isang solid indication of things to come, ika nga. At nagpa-interview rin ang tatay ni Angel sa The Buzz. And lately, may exclusive interview rin mismo si Angel mula sa London at sa Channel 2 ipinalabas.

Maaaring walang direct connection pero ang Burning Bridges issue kay Angel Locsin ay maaaring isang by-product lamang ng tinatawag na network war between GMA-7 at ABS-CBN. Matagal na itong nangyayari at kaya hindi na napapansin ng mga tao ay dahil nasanay na rin yata tayo sa kanilang maruming labanan.

Sa umaga pa lang ay very evident na ang rivalry. Pagdating sa tanghali ay ganun din. Simula pa noong panahon ng Apo versus Eat Bulaga, hanggang sa MTB versus Eat Bulaga at ngayon ay Wowowee versus Eat Bulaga, hindi maitatanggi na matindi ang iringan ng ABS-CBN at GMA-7. Kapansin-pansin din ang mga programa sa prime time. Kung ano ang tema ng palabas sa GMA-7 ay asahang ganun din ang tema ng programa sa ABS-CBN. Ang love story ay love story rin ang kabangga, ang fantasy ay fantasy rin ang katapat, ang horrror ay horror din ang kasabay na palabas.

Pagdating sa news ay halos sabay na sabay ang Dos at Syete, mula sa umpisa at pati na sa mga commercial gaps. Kulang na lang na magkapareho rin ang sequence ng kanilang mga balita. Ang news war ang dahilan kung bakit laging delayed ang mga palabas sa prime time. Naging ganito na ang gawi ng mga nagbabanggaang TV channels.

Ayon sa ilang educators at psychologists, the television is the most potent learning tool. Kaya hindi nakapagtataka kung puro pulitika ang nasa isip ng mga tao dahil yan naman ang nakikita sa tv. Ang cut-throat competition ay pangkaraniwan ring nakikita, mula sa gayahan ng programa hanggang sa paninira ng mga talents. At naroon din ang posibilidad ng piracy of talents na gaya ng paglipat ni Angel Locsin. Nauna kay Angel ay ang paglipat ng bakod ni Toni Gonzaga, mula sa Kapuso ay naging Kapamilya.

Sa biglang tingin sa situation ay obvious na nahatak ng ABS-CBN ang kampo ni Angel Locsin. Sa kabila ng pagtanggi ni Becky Aguila, wala namang maniniwala na basta na lang nilang naisip na lumipat at sila raw mismo ang lumapit sa Kapamilya Channel. Ang isang rason ay ang malayong agwat ng talent fee ni Richard Gutierrez sa talent fee ni Angel, na siyang itinuturing na reyna ng GMA-7. At may balita pa na triple raw ang ibibigay na talent fee kay Angel kaya hindi nagdalawang isip si Becky Aguila.

art_clarin_burning_bridges_pic.JPG

Kung totoo ang mga bali-balita ay magandang kapalaran ang dumapo kay Angel Locsin. Pero ano naman ang sasapiting kapalaran ng iba pang talents ng manager ni Angel? Hindi naman puwedeng pasinungalingan na galit ang GMA-7 kay Becky Aguila, di ba?

Isa sa direct hit ay si Jennylyn Mercado na inalis na raw sa isang soap. Ayon sa balita ay nag-iiyak si Jennylyn sa nangyaring pagtanggal sa kanya at ang problema ay walang nakakaalam ng status niya sa GMA-7. Live pa ang contract ni Jennylyn sa Kapuso Channel pero puwede rin siyang gawing frozen talent.

And probably, GMA-7 won’t take things sitting down. Umarya na si Lolit Solis sa kanyang mga pasaring at parinig na intriga. Unang issue: Nagpa-abort daw si Angel nang mabuntis ni Miko Sotto nung araw. Second issue: Kasama raw sa London ni Angel ang boyfriend na si Joel Tan, ang anak ni Lucio Tan, na siya ring producer ng movie niyang Angels. Pangatlong issue: May sex video raw si Angel with a Japanese. Actually mahaba ang list ng controversial issues. Yan daw ang dahilan kung bakit iyak nang iyak si Angel sa London, hindi kasi niya masagot ang mga intrigang ibinabato sa kanya ngayon. Naglabas naman ng denial si Becky Aguila.

On the brighter side naman, dapat raw matuwa ang ibang talents ng GMA-7 (kung totoo ngang aalis si Angel Locsin). At least mabibigyan daw ng break ang mga equally qualified talents na puwedeng pumalit sa trono ni Angel.

Si Marian Rivera ang unang beneficiary dahil tinanggihan daw ni Angel ang remake ng Marimar. Hindi biro ang ginawang launching kay Marian. Itinago muna siya ng ilang linggo habang nagme-make over daw at magbabago ng image. Ganun din ang leading man niyang si Dingdong Dantes, nag-behind the scene muna. At nang mag-guest sila sa Showbiz Central nung isang linggo, what a pretty pair, sabi ng isang veteran showbiz reporter. Bagay na bagay raw si Marian at Dingdong. At dahil sikat at may following na ang Marimar, inaasahan na magiging blockbuster ito in terms of ratings.

Not to be outdone, ihaharap ng ABS-CBN sa Marimar ang Margarita. Ito ang tv series na pangungunahan ni Wendy Valdez, ang controversial na housemate. Obvious daw na gimmick ni Wendy ang pagiging pasaway sa loob ng bahay ni Kuya dahil bago pa man matapos ang Pinoy Big Brother ay nakalaan na sa kanya ang nasabing bagong soap. Mabigat din ang casting nito dahil si Diether Ocampo ay parang supporting lamang. Abangan ang pagbabanggaan ng Marimar at Margarita na sa pangalan pa lang ay halatang skirmishes ng network war.

Kailan lang ay nagsalita sa Aga Muhlach about the Ouija promotion. Hindi kasi pinayagan ng ABS-CBN na mag-promote ang nasabing movie nina Jolina Magdangal at Judy Ann Santos dahil si Jolens ay taga-GMA (na dating taga-ABS-CBN). Naghihinanakit si Aga dahil bakit daw kailangang magkaroon ng prohibition, bakit hindi puwedeng magsama-sama na lang. Walang nakasagot sa mga tanong ni Aga, hindi dahil mahirap sagutin kundi dahil alam naman ng lahat ang policy ng ABS-CBN, daig pa nila ang giyera patani sa kanilang mga strategies.

Sabi ng isang taga-GMA-7 ay naka-karma raw ang ABS-CBN sa kanilang ginagawang mga foul tactics (laban sa GMA-7). Ilang taon na raw nalulugi ang mga shows ng ABS-CBN. Sa pag-alis ng presidente nilang si Freddie Garcia ay pumalit si Cito Alejandro. Makalipas ang isang taon ay nagbalik si Freddie Garcia bilang consultant. At ngayon ay hands-on management na raw si Gabby Lopez, ang chairman ng Kapamilya Channel.

Sa ongoing controversy ng pag-alis ni Angel Locsin sa bakuran ng GMA-7 ay wala naman sigurong dapat sisihin. Pero ayon kay Lolit Solis, dapat raw na maayos na nagpaalam ang kampo ni Angel sa GMA-7. Parang niloko raw kasi ni Becky Aguila ang management ng GMA-7 dahil wala man lang advance notice na ibinigay. Until now ay wala pang kalinawan ang mga tanong na hindi tuwirang nasagot ni Becky Aguila. In other words, diversionary tactics ang ginawa ni Becky kaya parang nabigla ang management ng GMA-7 nang marinig nilang magiging Kapamilya na si Angel Locsin.

Hindi matatapos ang issue na ito until the time na talagang pumirma ng contract si Angel Locsin sa ABS-CBN. At bilang positive reaction ng GMA-7 ay malaman na mag-build up na lang sila ng ipapalit kay Angel Locsin bilang reyna ng kanilang bakuran. Kaya lang, paano na ang ibang talents ni Becky Aguila na may existing contract sa Kapuso Channel? Sana naman ay may puso ang GMA-7 dahil wala namang kasalanan si Jennylyn Mercado.

Para kay Angel naman, marami ang nagdadasal na wag sana siyang ma-karma. Dati siyang reyna ng mga TV talents at masakit makitang maging supporting na lang siya pagdating ng araw. Kaiba ang kaso ni Toni Gonzaga dahil si Toni ay supporting lang dati sa GMA-7 at naging bida sa ABS-CBN. Ganun din kaya ang maging direksyon ni Angel Locsin? Paano na kung mag-almahan ang mga Kapamilyang reyna? Marami sila dun, di ba?

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com