Dec 29
FPJ – BAGONG UMAGA by Alex J. Socorro  |  Posted in Articles  |  on Wed, Dec 29, 2004

Mahigit 40 taon ang paghahari ni Fernando Poe, Jr. sa pelikulang Pilipino. Walang nag-akala na ang last full show ay darating noong Dec. 14, 2004. Si FPJ, si Da King, si Manager, si Ronnie o si Fernando Poe, Jr. ay inihatid sa kanyang huling hantungan bago magtanghali ng Dec. 22, 2004.

Ang mga kuwento ng kanyang kabutihan ay parang kabuteng nagsulputan kung saan-saang dako ng Pilipinas. Ngayon natin nalaman na hindi mabilang ang kanyang mga natulungan. At tila napalis ang mga paninira sa kanya noong nakaraang eleksyon.

Marami ang nagsasabi na milyon ang dumalaw sa burol ni FPJ. At milyon din daw ang dumalo sa kanyang libing. Hindi kayang itala ang pangalan ng mga dumating na artista, pulitiko at matataas na tao. Hindi masusukat ang luhang tumulo na sanhi ng pamamaalam ni FPJ. Ngunit nangingibabaw pa rin ang wangis ng masa, ang mga taong mahihirap na umaasa kay Fernando Poe, Jr.

Ayaw man ng nakakarami, hindi maiiwasan ang kulay ng pulitika dahil si FPJ ay isang national figure. Marami ang sumisigaw na si FPJ ang nagwaging pangulo. Masakit sa kalooban ng isang movie fan na marinig ang mga salitang binitawan ng dating Pangulong Erap Estrada. Siya ay ninakawan ng termino at ang matalik niyang kaibigan ay dinaya sa bilangan ng boto. Lumilitaw na silang magkaibigan na parehong macho ay nagapi ng isang bulilit lamang.

Sa araw ng libing ni FPJ ay halata ang takot sa dibdib ng mga tao sa gobyerno. Nakakahiyang isipin na ang mga nasa puwesto ay nanginginig sa anino ng isang bangkay. Ilang tangke ang nakahanda sa Malacañang upang harangin ang sarili nilang multo. Napakaraming pulis at sundalo ang nakapalibot sa daraanan ng karo ni FPJ upang sawatahin ang nagbabantang gulo na likha ng sarili nilang isipan.

Ngunit maliban sa ilang maliliit na insidente gaya ng tulakan at ipitan ay naging mapayapa ang paglilibing sa hari ng pelikulang Pilipino. Hindi man lang nabanaagan ang mga kaguluhang sinasabi ng intelligence ng militar. At wala ring naramdaman na destabilisasyon, kung anuman ang ibig nilang sabihin doon.

Sa necrological mass noong huling gabi ng paglalamay, sabi ni Fr. Larry Faraon ay isang cycle daw ang buhay. May kamatayan at may kapanganakan. Atin daw hintayin ang aginaldo ni FPJ sa atin, ang pagdating ng Bagong Umaga.

Ang pagkawala ni Da King ay magsilbi sanang liwanag sa mga pamunuan ng industriya ng pelikulang Pilipino. It’s about time, ika nga, na magkaroon ng malaking pagbabago upang malabanan ang pagkalugmok ng local movie industry. Sana ay mawala na ang mga inggitan, siraan at batikusan upang maging malinis ang daan tungo sa kaunlaran.

Lastly, huwag nating kalimutan ang mga naibigay ni Fernando Poe, Jr. sa pelikula at sa bansang Pilipinas. Nararapat lamang na ibalik natin sa kanya ang lahat ng kabutihan sa pamamagitan ng mga parangal na magdudulot ng inspirasyon sa mga trabahador ng local movie industry. Huwag din sanang kalilimutan ang paglaban sa piracy at ang pagtaas ng antas ng ating mga pelikula.

——————————–
Antonio P. Socorro is a 78-year old World War II veteran who lived for 10 years in the USA as an American Citizen. He came back to the Philippines last year.