May 31
MGA LUHAANG BITUIN by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Thu, May 31, 2007

Ni Tess Clarin

Taliwas sa pangyayari noong 2004 elections, ngayong 2007 ay bumaha ng luha sa showbiz dahil sa pagkatalo ng mga artistang kandidato.

Sino ang mag-aakala na malalaglag sa Magic 12 sa lineup ng mga senators si Tito Sotto na binigyan ng buong suporta ng Eat Bulaga? And considering his political infomercials na pinapelan ni Vic at Joey pati na rin nina Jose at Wally, parang tadhana na ang humatol sa kanyang kandidatura.

Sino ang mag-iisip na sa kabila ng controversial na paghabol sa listahan ng Team Unity ay walang mangyayari sa kandidatura ni Cesar Montano? Maugong ang pangalan niya at talagang pinilit siyang maisama sa ticket ng mga campaign managers ng Team Unity dahil sa matunog niyang pangalan. Pero wala ring nangyari dahil malayo siya sa winning rank ng mga senators.

At eto pa si Richard Gomez na nag-akala yatang mabubuhat siya ng kasikatan bilang artista ay nasa hulihan ng mga kilalang kandidato. At ang tinatawag na coup d’ grace ay si Victor Wood na talagang nangulelat dahil pang-35 siya sa 37 na kandidato. Ang tinalo niya ay si Enciso (dating Makati councilor) at si Cantal (na isang small-time producer).

Maraming dahilan ang ibinigay ng mga political analyst sa pagkatalo ng mga artista sa nakaraang senatorial elections. Pero sa tingin ng mga tao sa loob ng showbiz ay mukhang natuto na ang mga botante. Ayaw na nila ng basta kasikatan lang at marahil ay may katotohanan din ang sinabi ni Richard Gomez na nadala na ang mga tao sa artista dahil ang tatlong artistang senador ay parang wala namang nagawa sa senado. At siguro rin ay naintindihan na ng mga botante ang trabaho ng isang senador. Kaya naging tanong sa kanilang isipan kung kayang gumawa ng batas nina Richard Gomez, Cesar Montano at Victor Wood.

Sa kaso ni Tito Sotto ay para siyang naging balimbing sa paglipat sa Team Unity. Kahit ano ang sabihin ay iniwan niya ang dati niyang kampo at benefactor na si Presidente Erap. Mas grabe si Tessie Oreta dahil sa kanyang commercial na nagsisisi siya sa pag-anib kay Presidente Erap. Sabi ng iba, kiss of death ang ginawa ni Tessie Oreta sa pagtakwil kay Erap. Si Cesar Montano naman ay natangay ng lumulubog na barko ni Presidente GMA. Malaking sira rin ang track record ni Cesar dahil marami siyang anak sa iba-ibang babae at nakasuhan pa siya ng abandonment ni Teresa Loyzaga. Wala tayong masasabi kay Victor Wood dahil masakit mang aminin ay laos na siya at konti na lang ang nakakakilala sa kanya.

Hindi confined sa senatorial candidates ang sentimiento ng mga botante laban sa artista. Hindi inaasahan ang pagkatalo ni Anjo Yllana dahil re-electionist vice mayor siya sa Parañaque pero inilampaso siya ni Gus Tambunting na isang neophyte na maituturing. At binuhat rin ng Eat Bulaga si Anjo. Hindi kaya mahina na ang Eat Bulaga sa mga tao?

Ganyan din ang kapalaran ni Boyet De Leon sa kanyang pagkatalo. Kahit hindi pa proklamado si Mark Leviste dahil sa protesta ni Edwin Ermita ay wala nang pag-asa si Boyet dahil napakalayo ng kanyang nakuhang boto. Mukhang dumarating talaga ang pagkalaos sooner or later.

Masakit din ang pagkatalo ni Jestoni Alarcon bilang vice-governor. Ipinakita ng mga taga-Rizal ang kanilang talino nang pinili nila ang dating mayor ng Antipolo na si Gatlabayan. Pero ang pinupuri sa lahat ay ang mga botante ng Pampanga dahil naipanalo nila si Fr. Ed Panlilio bilang governor laban kay Lilia Pineda at sa incumbent governor na si Mark Lapid. Nakadagdag rin siguro sa pagkatalo ni Mark Lapid ang intriga tungkol sa kanyang asawang Koreana na meron siyang isang anak daw.

Inaasahan na ng mga tao ang pagkatalo ni Sen. Lito Lapid sa Makati City. Sa dami ng aming tinanong bago mag-eleksyon, ni isa mang taga-Makati ay walang nagsabing may pag-asang manalo si Lito Lapid. Meron pa ngang tsismis na 200 milyon pesos ang ibinigay ng Malacañang para sa campaign fund ni Sen. Lapid pero yung kalahati lang ang nagastos. Kung totoo man ito, so there, kaya siya natalo nang walang kalaban-laban.

Maingay ang protesta ni Nadia Montenegro sa pagkatalo niya bilang congressman pero nananahimik naman ang kanyang asawang si Boy Asistio. Sa huling interview ni Congressman Baby Asistio, tinanggap niya ang pagkatalo kay Recom Echeverri bilang mayor ng Caloocan pero hindi niya napigilang sabihin na isang dahilan ng kanyang pagkatalo ay ang pagtakbo ng kapatid niyang si Boy. Hindi rin masagot ni Baby Asistio kung totoo ang balita na binigyan daw ni Mayor Recom ng 30 milyon si Boy para manggulo sa kandidatura niya (Baby).

Isang nakakagulat na pagkabigo ay ang pagkatalo ni Bebong Muñoz, ang boyfriend ni Jolina Magdangal na tumakbong Congressman sa Quezon City. Alam ng lahat kung gaano katindi ang pagkampanya ni Jolens pero wala ring nangyari. Same fate si Gary Estrada sa San Antonio, Quezon province. Pangalawang pagkatalo niya sa pagtakbo bilang mayor ng nasabing town.

Ang pinaka-popular sa lahat ng luhaan ay si Manny Pacquiao. Kahit sabihing inaasahan na ang kanyang pagkatalo ay halos magtalunan pa rin sa tuwa ang mga fans niya nang tambakan siya ng boto ni Congresswoman Darlene Antonino-Custodio. Sabi ng mga political analyst ay acid test daw si Pacman sa mga botante. Kung mananalo siya ay patunay ng katangahan ng mga botante at ang pagkatalo niya ay patotoo ng katalinuhan. Hindi nga ba’t wala namang pinag-aralan si Pacquiao? Napakasakit daw isipin na ang mga makakasama ni Pacquiao sa congress ay mga edukadong tao at may laman ang ulo.

Sa kabilang banda, ang mga nakangiting bituin ay pinangungunahan ni governor-elect Vilma Santos ng Batangas. Masyadong malaki ang nakuhang boto ni Ate Vi kaya hindi makuhang mag-protesta ng dating governor na si Armand Sanchez. Puwedeng sabihin na hindi lang kasikatan ang nagpanalo kay Ate Vi kundi ang kanyang magandang track record bilang mayor ng Lipa City for 9 years.

Syempre walang duda ang reelection ni Bistek. Last term na ni Herbert Bautista bilang vice mayor ng Quezon City at inaasahang siya ang tatakbong mayor sa susunod na election. Kasama ni Herbert na nakangiti ang mga councilors na sina Aiko Melendez at si Marjorie Barretto.

Hindi man artista ay puwede na ring ibilang si Jun-Jun Ynares na nagwaging governor ng Rizal dahil asawa siya ni Andrea Bautista, ang nakababatang kapatid ni Sen. Bong Revilla. Si Strike Revilla na kapatid ni Sen. Bong ay tagumpay rin, siya na ang bagong mayor ng Bacoor.

Sa banggaan ng mga artista sa pagiging vice-mayor ng Maynila ay sinuwerte si Isko Moreno. Maayos namang tinanggap ni Cita Astals at Robert Ortega ang kanilang pagkatalo. Pero hindi inaasahan na tatalunin ni Isko si Don Bagatsing na running mate ni Ali Atienza. Ang sabi ng mga taga-Tondo ay nakikita raw nila ang pagkilos ni Isko nung siya ay konsehal pa.

Sa Parañaque naman ay nakangiti si Alma Moreno at Roselle Nava, ang mga bagong councilors. Sa Bataan ay naka-landslide si Teri Onor, siya na ang bagong vice-mayor ng Abucay at ang mayor naman daw ay lola niya.

Lastly, another aspiring councilor sa city of Manila ay si Amay Bisaya. As of the latest, may pag-asa pa raw siyang manalo dahil konti lang ang lamang sa kanya ng number 6 sa kanilang district (Tondo). Pero ang sabi ni Amay ay wala raw siyang perang nagamit sa campaign kaya siya natalo… kung sakali ngang matatalo siya pagkatapos ng bilangan.

Ang election ngayong taon ay palatandaan ng pagbabago tungo sa ating demokrasya. Tapos na siguro ang era ng kalokohang kandidato at sana nga ay puro matitinong tao ang ilagay natin sa puwesto sa mga darating pang eleksyon.

Para sa mga reaksyon, maaari kayong mag-email sa tessclarin@yahoo.com.