May 26
JENNYLYN MERCADO: BALOT NG KONTROBERSYA AT INTRIGA by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, May 26, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran

Sa hanay ng mga bagong artista sa pelikula, isa si Jennylyn Mercado sa masasabing nababalot ng kontrobersya. Noong bagu-bago pa lamang siyang sumisikat, nagkaroon ng usap-usapan na idedemanda siya ng kanyang tunay na ina dahil ayaw niya itong kilalanin bilang ina dahil hindi raw ito ang nag-alaga sa kanya.

Na di umano sa halip na ipagtangol si Jenny sa ama-amahan (stepfather) na nagmaltrato at pumalantsa ng likod niya, ito pa raw ang kinampihan ng kanyang ina. Bagay na pinasinungalingan naman ng ina ni Jenny na isang overseas contract worker noon. Na ayon pa rin sa isang artikulo hindi raw nagpapadala ng pera ang ina at ang tanging gumagastos ay ang kanyang tiyahin na kapatid ng kanayang ina.

Sa pamamagitan ng abogada ng ina ni Jenny na si Atty. Jenet Pinlaca, nalaman namin na hinding tutoong inabandona si Jenny ng ina. Lagi raw silang nagkakausap sa telepono at laging nagpapadala ng sustento . Ipinakita ng abogada ang mga dokumento na nagpapatunay sa bagay na ito.

Maganda naman ang resulta ng tangkang paghaharap ng demanda o reklamo ng nanay ni Jenny. Mukhang nakipag-ayos na ria ang tiyahin ng dalaga sa tunay na ina ni Jenny na namamalagi sa ibang bansa at may malaking negosyo doon.

Pagkaraan ng naturang isyu, naging usap-usapan naman at naging laman ng mga pahayagan ay ang lagi nang pag aaway nila ng kaniyang boyfriend na si Mark Herras .
Di umano labis ang pagkaselosa ni Jenny at sa harap ng maraming tao ay sinasaktan niya ang kasintahan.

Bagamat isang negatibong publicity, wari’y hindi ito alintana ng dalaga. Sa halip tuloy ang on and off relationship nila ni Mark. Napapabalita rin na ang pagseselos ay dahil sa pagiging chickboy ni Mark.

Pero hindi pa roon nagtapos ang realsyon ng dalawa. Bagamat may mga young actor na inuugnay sa pangalan ni Jenny, may mga young actress din na nalilink din sa pangalan ni Mark. Kamakailan lamang, nang kapanayamin si Patrick Garcia kung gagawa siya ng pelikula o tv series, sinabi niyang gusto niyang maging leading lady is Jenny.

Bigla may mga reporter na sumulat ng artikulo na kaya raw lumipat si Patrick sa Channel 7 ay dahil kay Jenny. Isa na namang intriga ang lumabas. At kung talagang magiging mapaniwalain tayo sa balita ay iisipin nating nanliligaw nga si Patrik kay Jenny. Pero sinabi naman ng una na ayaw niyang pag-awayin sila ni Mark. Kung magtatambal man sila ni Jenny ay trabaho lamang iyon, paglilinaw nito.

May mga malalapit naman kina Jenny at Mark na nagsasabi na nang muling magkasama ang dalawa sa shooting ng I Love New York ay lalong naging malambing ang pagtitinginan ng dalawa. Nagsusubuan pa raw ito ng pagkain at laging magkasama kung namamasyal.

Ang tutoo, kung career naman ang paguusapan, marami rin ang nagsasabi na pwedeng maging mahusay na artista si Jenny. Ang kailangan lamang niya ay mabigyan ng magandang role at mahusay na director na mag-dedevelop ng kanyang acting ability.

Napanood na rin namin si Jenny na gumanap sa pelikulang Blue Moon. Bagamat mahusay ang pagkakaarte niya ay hindi gaanong na-established ang role niya. Bigla ay nawala siya at bigla rin ay lumitaw sa pelikula. Sa kanya kasi at kay Mark Herras iinog ang istorya, Pero biglang gumulo nang pumasok si Eddie Garcia bilang ang matandang si Mark Herras.

Maging sa pelikulang Let the Love Begin na ginampanan ni Angel Locsin at Richard Guttierez, second lead lang ang role nila ni Mark . Kung sabagay, may kasabihang bad or good publicity is still publicity. Pero sabi nga ng nakatatanda, mas magandang sumikat ka nang walang intriga sa buhay mo bilang artista. Na napag-uusapan ka dahil sa napakahusay na pagkakaganap ng isang role na ipinagkatiwala sa iyo.

Marami rin ang nagsasabi na bata pa naman si Jenny. At marahil ang mga nangyayari sa kanyang buhay at mga mangyayari pa ay isang magandang karanasan upang higit siyang matuto sa kinabukasan. At pag nangyari yun, marahil ay isang mahusay at magaling na Jennylyn Mercado na ang ating mapapanood. Mahusay umarte at hinog na hinog na.