May 19
PAGTANGGAP NG AWARD NI DA KING NAKABITIN PA SA ALANGANIN by webmaster  |  Posted in Articles  |  on Fri, May 19, 2006

Ni Pablo Reyna Libiran

Marami ang nagsasabi na hindi raw tatangapin ni Ms. Susan Roces ang natatanging parangal para sa kanyang yumaong kabiyak bilang National Artist for Film. Ito’y dahil na rin sa hidwaang pampulitikal na namuo kina President Gloria Macapagal-Arroyo at sa biyuda ng yumaong Fernando Poe Jr. na nakalaban ni Madam Arroyo sa nakaraang halalan.

Bagama’t mahigit pang dalawang linggo bago sumapit ang pagpaparangal, marami sa mga adviser ni Ms. Roces ang nagsasabing hindi dapat tanggapin ang naturang award. Pag tinanggap daw kasi ito, para na ring pumayag si Inday na si Presidente Arroyo nga ang legal at lehitimong pangulo na nanalo sa nakaraang halalan.

Na kung dadalo si Ms. Susan Roces sa naturang okasyon, para na rin siyang pumayag na makipag-rekonsolasyon sa babaeng sinasabing nang-daya at nag-nakaw sa pangarap ng kanyang asawa. Ayon na rin kay dating Senador Tito Sotto, kung talagang kinikilala ng Malacañang ang pagiging National Artist ni FPJ, dapat ay noon pa pinarangalan nang nabubuhay ito at hindi ngayong patay na.

Iginiit pa rin ng dating senador na hindi na kailangan pang gawing National Artist si FPJ ng administrasyon dahil matagal na itong National Artist sa puso ng mga mamamayan na humahanga at nagmamahal sa kanya. Hindi man maitatatwa na talagang napakalaki ng naiambag ni Da King sa pag-unlad ng pelikulang Pilipino noong nabubuhay pa ito.

Maging si Senador Aquilino Pimentel ay nagpahayag ng pagtutol na dumalo si Ms. Susan Roces para tanggapin ang parangal sa kanyang asawa na nakatakdang ganapin sa ika-9 ng Hunyo. Sabi nya: “E, ano pa ang parangal na iyon?” na parang pakahulugan para ano pa at bibigyan ng award si FPJ…Pakunswelo de bobo?

Marami pa ring lider ng FPJ Movement ang nagpapahayag ng kanyang pagtutol na tanggapin ng biyuda ni Da King ang naturang parangal. Pero sinasabi rin nila na kung ano ang ipapasya ni Ms. Roces ay hindi sila magagalit at manapa’y igagalang nila iyon.

Samantala, nagpahayag naman si Press Secretary Ignacio Bunye sa kampo ni Ms. Roces na boluntaryo nilang ibinigay ang nasabing parangal at walang halong pulitika. “Maraming kontribusyon sa sining si FPJ at ito ang pinagbasehan nila upang isama ito sa pararangalan bilang National Artist ngayong taon na to” pahayag ni Secretary Bunye.

Nakikiusap rin ang palasyo na igalang na lamang ang alaala ni FPJ at huwag ng intrigahin pa ang award na ibinigay ng pamahalan sa pangunguna ni Pangulong Arroyo at ng National Commission on Culture and the Arts na ang chairperson ay si Mrs. Cecile G. Alvarez.

Ang totoo, napakalaking karangalan na mapabilang sa mga pinagkakalooban ng National Artist award. Kahit na sinong nabibilang sa daigdig ng sining at pag-arte ay nag-mimithi na mapagkalooban nito. Kaya lamang ay parang hindi nga maganda ang tiyempo nang pagbibigay dito sa itinuturing na Hari ng Pelikulang Pilipino.

Natatandaan ko, isa ang FAMAS at gayon din ang Film Academy of the Philippines sa mga samahan na nag-endorse kay Da King para maging National Artist. Si FPJ ay naging hall of Famer ng FAMAS.

Peron nang kumandidato nga si FPJ, ang mga karangalan niyang natamo ay parang nabaliwala dahil na rin sa sobrang paninira at below the belt na ginawa sa kanya ng kanyang mga kalaban sa pulitika. Isa na rito ang isyu sa citizenship ni Da King.

Bagama’t nagbaba ng desisyon ang Korte Suprema ukol sa isyung ito na pumabor kay Da King, masasabing ibinaba ang desisyon ilang araw na lamang bago ang halalan.

Bago pa man sumapit ang eleksyon ay talagang sinasabi na todo ang ginawang panggapang ng administrasyon sa mga lider ng oposisyon at napapabalitang ang pag- gamit ng military sa mismong araw ng halalan upang manalo si Macapagal-Arroyo. Lumabas ang hello, Garci… na inimbestigahan ng senado at kongreso

Sabi nga ng mga taga showbiz…”Que sera..sera…..what ever will be.. will be…” at ang pulitika naman “Walang permanent friends at permanent enemy”

Wala pang sagot si Mrs. Roses kung dadalo siya para taggapin ang parangal sa kanyang asawa. Kaya tignan natin ang susunod na kabanata